Makinig kay Ka Bea

Pulpol na parak at ang pangulo


Hindi patas ang hustisya. Pansinin n’yo, lahat ng mga biktima ng pulis ay mula sa mga mahihirap na pamilya. Silang mga walang pamabayad sa abogado at walang pampiyansa ang kinakawawa.

Natapos na nga ba ang Martial Law? Sa mahihirap, tuloy-tuloy ito sa aming mga komunidad. Kahit sino’ng umupo na pangulo ng bansa, naging masahol pa ang aming kalagayan, pandarahas, pagpatay, pananakot ng pulisya at pamlabag sa aming mga karapatan.

Mga maralita at inosenteng mamamayan ang karaniwang biktima ng mga awtoridad sapagkat babad ang pulis kung saan ‘di umano maraming krimen. Ganyan naman sa atin mula pa noon, napakabilis at nakapalupit parusahan ang maliliit na tao. Pero ang mga malalaking kriminal, hahalikan pa ang paa. 

Pero sa ilalim ng batang Macoy, tila lalong lumakas ang loob ng pulis pulpol! 

Laman ng mga balita ang pang-aabuso sa kapangyarihan. May pananaksak ng pulis sa isang lola at retiradong propesor tapos ninakawan pa. Karumal-dumal din ang pamamaril at pagpaslang kay Jemboy Alcantara sa Navotas City na sinundan naman ng 15 anyos na si John Frances-Ompad sa Rizal. 

Mistaken identity raw ang katuwiran ng mga pulis. Pero bakit basta-basta na lamang iniwan ang bangkay ni Jemboy hanggang sa mahulog pa ito sa ilog?

Tumampok rin ang mga kaso ng road rage o labis labis na pananakit at pagbabanta ng mga pulis dahil sa mga alitan sa kalsada. Iyong siklistang kinasahan ng pulis ng baril, aba’y siya pa ang pinalalabas na masama!

Hindi patas ang hustisya. Pansinin n’yo, lahat ng mga biktima ng pulis ay mula sa mga mahihirap na pamilya. Silang mga walang pamabayad sa abogado at walang pampiyansa ang kinakawawa.

Hindi ako naniniwalang iilan lang sa kanila ang bugok. Matagal nang promotor ng pang-aabuso ang Philippine National Police (PNP) at lumakas lang lalo ang loob ng mga demonyong pulis dahil kay Marcos Jr.! Ginagaya ng karakas ng mga parak noong Martial Law. 

May naparusahan at nakulong ba sa kanila? Wala!

Sobrang nakababahala na ang ganitong kalakaran. Kamakailan, nasa top 3 raw ang PNP sa mga pinakapinagkakatiwalaang ahensiya sa bansa ayon sa isang survey. Totoo kaya o may gusto lamang pagtakpan gayong kaliwa’t kanan ang eskandalo at kababalaghan ng pulisya?

Marapat pong maging mapagbantay tayo. Ibunyag natin sa abot ng kakayanin nang makita ng lahat na araw-araw sinasakal ng pulis ang buhay ng maralitang Pilipino.