Ekis na sa mga trapo at dinastiya
Mapapakamot ka rin ng ulo—ano bang ipinaglalaban ng mga politiko sa halalan, ang interes ng taumbayan o ang pagkakataong ipamalas lamang sa atin ang higit pang pahirap?

Humaharap tayo sa midterm elections, pero kung susuriin tila nag-uumpisa na rin ang halalan 2028 dahil usap-usapan ang impeachment ni Pangalawang Pangulong Sara Duterte.
Korupsiyon at pandarambong sa pondo ng taumbayan at iba pang kasong kriminal ang hinaharap ni Duterte.
Magkaribal man sa politika ang pamilyang Marcos at Duterte ngayon, halos hindi naman naiiba ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa sinundan nito.
Dito, panay pamamaslang, paglabag sa karapatang pantao, kawalan ng trabaho, mababang sahod, pagtaas ng mga bilihin, paglobo ng bayarin sa mga serbisyong panlipunan na ipinaubaya sa mga dayuhang kapitalista at lokal na negosyante.
Mapapakamot ka rin ng ulo—ano bang ipinaglalaban ng mga politiko sa halalan, ang interes ng taumbayan o ang pagkakataong ipamalas lamang sa atin ang higit pang pahirap?
Sa pagsisimula ng kampanya, nagsabi si Duterte na hindi nagawa ni Marcos Jr. ang kanyang mga pangako. Pareho lang silang manloloko at sinungaling. Marami pa silang ginawa na hindi na natin maisa-isa.
Wala ni isa sa kanilang hanay ang tunay na oposisyon. Iisa lang ang kanilang kaliskis na kapag nanalo ang kanilang mga senador, magsasabwatan at magkakampihan lang sila para patuloy nila tayong pagnakawan.
Lantad na ang kanilang kabulukan. Bigyan natin ng pagkakataong mahalal ang mga Makabayang lider na subok na sa pagsisilbi sa bayan lalo na sa masang inaapi.
Ngayon, halos buo-buong pamilya na ang tumatakbo sa eleksiyon. Nariyan ang mga apelyidong Marcos, Duterte, Tulfo, Romualdez, Revilla, Remulla at kung sino-sino pa. Madadagdagan lang ang mapagsamantala.
Ang marapat sa atin, tumanaw sa pagbabago ng sistema at ‘di lamang makulong sa balotang sapilitang ipinapasubo sa atin.
Maawa na tayo sa ating mga anak at sa susunod pang henerasyon. Wakasan na ang paghahari ng mga nasa poder. Panahon na para mapalitan na ang mga trapo at dinastiya sa gobyerno. Lantad na ang kanilang kabulukan.
Bigyan natin ng pagkakataong mahalal ang mga Makabayang lider na subok na sa pagsisilbi sa bayan lalo na sa masang inaapi.
Ang mga partylist na Bayan Muna, Gabriela, ACT Teachers, Kabataan at ang mga Makabayang senador kabilang sina France Castro, Teddy Casino, Arlene Brosas, Mimi Doringo, Danilo Ramos, Ronnel Arambulo, Alyn Andamo, Amirah Lidasan, Liza Maza, Mody Floranda at Jerome Adonis.
Sila’y mga subok nang lider, kumilos sa loob at labas ng gobyerno. Sinamahan nila tayo sa ating mga laban. Ngayon samahan natin sila sa bawat komunidad, pabrika, palengke mga parke, eskwelahan at maging sa kalsada.
Maglunsad tayo ng mga pagtitipon. Dalhin natin ang ating mga panawagan na laman rin ng kanilang plataporma. Samahan natin sila. Ang panalo nila ay panalo ng taumbayan.