Pangakong pabago-bago sa presyo ng bigas
Isang bagay ang kickback at patong sa bigas. Kasabay nito, talamak din ngayon ang pagpapabango sa mga tao, lalo na sa mahihirap para sa darating na eleksiyon.

Tanda nating lahat ang pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing P20 ang halaga ng isang kilong bigas. Inaasam pa rin ito ng marami. Ngayong magtatatlong taon na siya sa poder, wala pa rin siyang nagagawa para pababain ang presyo ng bigas bagkus lalo pa itong tumaas.
Bago siya maupo, ang P48 per kilo, ngayon P58 na. Nangako din si Department of Agriculture (DA) Francisco Tiu Laurel, isang negosyante, noong Mayo na sa loob ng isang buwan bababa na ang presyo ng bigas. Naglabas pa ng Executive Order No. 62 para ibaba ng taripa ng bigas mula 35% patungong 15% para bumaba raw ang presyo sa mga palengke at pakinabangan ng mga mamimili.
Panibagong pangako naman sa Agosto, pati sa Setyembre at Oktubre. Pero wala pa ring napala. Kung ang mga pangakong ito’y tulad ng isang pako, napakalalim na ng pagkakabaon nito. Kung ang nangangako’y isang sinungaling, tiyak na masusundan pa ng puro kasinungalingan.
Kung maalaala natin sa patawag ng Kamara, nagtuturuan ang mga importer at mga wholesaler, magkakaiba rin ang sagot ng DA at Bureau of Costums (BoC) kung bakit nakatengga sa pantalan ang tone-toneladang bigas. ‘Di kaya’y may malaking sabwatan?
Record-breaking raw ang dami ng imported na bigas na pumasok sa bansa. Pumalo sa 4.68 milyong metriko tonelada, samantala bumagsak raw ang lokal na produksiyon ayon sa DA.
Nitong Enero, bumababa ang mga opisyal at binisita nila ang mga retailer sa palengke. May paninisi pa sa kanila kung bakit hindi bumababa ang presyo ng bigas. Kung sino pa ‘yong maliliit na manininda sila pa ang nasisisi at binabantaan pa ng multa!
Paano naman iyong napakaraming bigas na pumapasok sa kamay ng pamahalaan, saan kaya gagamitin? Bukas-palad ba nilang ipagkakaloob sa mamamayan o hahanap ng paraan para mapakinabangan pa sa politika?
Sa palagay ko, ang nakinabang sa mataas na presyo ay mga importer, ang BoC, DA, wholesaler at mga politikong kandidato na maaaring dikit din sa mga importer.
Isang bagay ang kickback at patong sa bigas. Kasabay nito, talamak din ngayon ang pagpapabango sa mga tao, lalo na sa mahihirap para sa darating na eleksiyon.
Mula pa Oktubre 2024, nag-umpisa na ang pamimigay sa mga barangay ng mga nagpapakilalang kandidato at hanggang ngayon may namimigay pa.
Kahit sa aming barangay, nagkalat ang mga sako na may nakaplastang pangalan ng mga lokal na tumatakbo.
Mismong si House Speaker Martin Romualdez namahagi ng bigas sa Oriental Mindoro na nagkakahalagang P1.2 bilyon. Sino ba naman ang tatanggi lalo na ngayon na maraming nagugutom at naghihirap? Pero maging mapagsuri din tayo dahil sila-sila rin nakikinabang sa pagbabang taripa ng bigas.
Sa tone-toneladang inaangkat na bigas para magpapogi ang mga politiko, maisip sana nila na tulungan ang ating mga magsasaka para umani ng marami at murang bigas sa sariling bansa upang makinabang ang lahat at hindi ang iilan.
Tatlong taon mula ngayon, hanggang 2028, pananatilihin ng mga naghahari ang sistema ng political patronage, o pamamahagi ng ayuda at pabuya kapalit ng boto at suporta. Sa pagbaba ng taripa, mga negosyante at kurakot\ sa gobyerno ang kikita hindi ang taumbayan hindi ang magsasaka.