Politikang panay palabas, walang palaman
Panay dole-out at pabuya ang iniisip ng mga politiko, pero walang solusyon. May pagbabago ba kaya pagkatapos ng halalan?

Bago pa man ang election period nag-umpisa nang magbatuhan ng putik ang team kadiliman at team kasamaan hanggang sa pagsapit ng halalan noong Mayo.
Tumampok ang away ng pamilyang Marcos at Duterte. Pinagpiyestahan sa mga balita at social media ang kanilang banggaan, mula sa hearing sa pagpapa-impeach kay Sara Duterte, na mukha namang di matutuloy, samahan pa ng mga pasayaw-sayaw ng kanilang mga nominado. Wala naman silang ginawang mabuti sa taumbayan, panay pamumulitika para sapawan ang tunay na oposisyon kagaya ng Koalisyong Makabayan.
Para lang tayong nanood ng boksing. Palyado mga diskarte si Marcos Jr. dahil sa kanyang mga bigong pangako, sa bigas atbp. Knock out naman ang mga Duterte dahil sa interbensiyon ng International Criminal Court o ICC.
Ang palabas nilang ito ay magpapatuloy hanggang sa presidential election sa 2028, lalo na’t nakabitin sa alanganin ang pagpapa-impeach kay Sara at bumababa naman ang rating ni Marcos Jr. Kaya tuloy kinailangan ipa-resign ang kanyang mga gabinete. Alam natin na hindi siya seryoso dito mananatili pa rin iyong mga kurap na nasa administrasyon siya.
Sila-sila lang naman ang natutuwa sa mga eksenang ito habang tuluyang pinabayaan ang sandamakmak na isyu ng mga maralita: kawalan ng trabaho, mababang sahod at serbisyong panlipunan, mataas na presyo ng mga bilihin at ang kawalan ng tirahan.
Naaalala ko ang isang kalunos-lunos ang nangyari sa isang ina na sinunog ang kanyang tatlong anak pati ang kanyang sarili dahil wala na mapakain sa kanila. Nasaan kaya ang mga gobyerno at mga opisyal natin sa mga ganitong panahon? Bakit hindi sila nayayanig ng mga ganitong pangyayari?
Kamakailan nag viral naman ang nakitang babae na lumabas sa gutter sa bangketa sa Makati. Sa imburnal pala siya nakatira, kabilang sa mga street dweller. Isa pa itong hindi pinagtutuunan ng pansin ang pagdami ng pamilyang nakatira sa bangketa.
May magagandang plano noon ang dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) secretary Judy Taguiwalo noong 2016 na siya pa ang nakaupo kung paano solusyonan ang pagdami ng mga street dweller. Gusto sana niya’y i-rescue ang mga nasa kalsada at akayain, pero hindi natuloy ang kanyang programa nung pinaalis siya ni Duterte sa pusisyon. Sayang. Patunay na iyong mga may totoong mabuting loob at masipag ang hindi tumatagal sa ganyang klaseng administrasyon.
Parang naalimpungatan si DSWD Sec. Rex Gatchalian na agad ipinahanap si Rose, ang babae sa imburnal at inalok ng pangkabuhayan at may pasubali na hindi lahat na street dweller ay mabibigyan kundi yong may kapasidad lamang tulad ni Rose batay sa kanilang interbyu.
Kung ganito mag-isip ang lider, lalo lamang lalala ang kalagayan ng mahihirap. Panay dole-out at pabuya pero walang solusyon. May pagbabago ba kaya pagkatapos ng halalan?
Kahit ilang eleksyon pa ang maganap at mga trapong politiko at mga dinastiya pa rin ang nakaupo at nagmamaniobra sa gobyerno, wala tayong maaasahang pagbabago. Mananatiling hungkag ang mga programa nila kung sila ay bingi sa hinaing ng taumbayan.