Makinig kay Ka Bea

Ka Trining Herrera, nagdakila sa mahihirap


Hindi siya nagdadalawang isip sa pagtulong sa amin, na kahit sa edad niya, maglalaan pa rin siya ng panahon para iabante ang pag-oorganisa ng maralitang Pilipino.

Bago pa ang martial law, nakilala ko mula sa malayo Trinidad “Ka Trining” Herrera-Repuno. Nababasa ko ang pangalan niya sa diyaryo tapos nagkukuwento rin ng ibang aktibistang maralita si Ka Trining bilang mahusay na lider. Kilala siya sa Tondo, kung saan may malaking bilang mga iskuwater sa Kamaynilaan.

Pinangunahan ni Ka Trining ang pagbubuo ng mga ibat-ibang samahan ng maralitang lungsod katulad ng sikat na Zone One Tondo Organization (ZOTO). Sumanib sila sa demokratikong pakikibaka ng bayan para tutulan ang pagpapalayas sa kanilang lugar may plano na malaking proyektong itatayo noong diktadurang Ferdinand Marcos Sr.

Mahalaga ang yugtong ito para sa maralitang lungsod. Kumpara sa kilusang manggagawa o kababaihan, relatibong nahuling magkaroon ng mga militanteng asosasyon ang maralitang Pilipino. Ito’y panahon din na sumibol ang matinding diskriminasyon at matapobreng pagtingin sa mahihirap. Ang mga tulad ni Ka Trining ang nagdakila sa aming maralita, taliwas sa pangmamaliit ng lipunan.

Malaking bilang ng mga maralita ang napapalahok sa mga malalaking mobilisasyon sa kalsada para tutulan ang demolisyon at pagpapalayas sa kanilang tirahan. Ilang beses ding sinunog ang kanilang lugar, ngunit determinado ang mga samahan na manatili.

Lalo kong naintindihan ang halaga ng ZOTO noong makausap ang kababaihang organisador sa pag-uumpisa ng Kadamay noong 1998.

Una kung nakilala sa personal si Ka Trining at nakausap noong magpunta kami sa kanilang lugar sa Dagat-dagatan, Caloocan. Madali naming siyang nakita dahil siya ang punong barangay noon sa Barangay Katorse. Natagpuan namin siya sa kanyang opisina, magkakilala sila ng mga kasama ko. Nagpakilala ako na Kadamay.

Magiliw siyang nakipagkuwentuhan sa amin lalo na’t matagal ng panahon na ‘di sila nagkita ng kasama ko. Ipinakilala rin ang mga kasama nya na nagtatrabaho sa barangay na sila rin ‘yong mga naging kasama niya noon sa ZOTO.

Dinala kami Ka Trining sa bahay niya at doon kami pinakain ng pananghalian at saka nagtanong ng aming pakay. Nais namin malaman ang kalagayan ng maralita na mula Tondo na inilipat sa Dagat-dagatan na binigyan ng lupang pabahay. May problema ang iba mga tao tungkol sa bayarin sa lupa na anumang oras puwede silang paalisin ng National Housing Authority (NHA).

Sabi niya, sa 60 samahan sa ilalim ng ZOTO, halos kalahati na lang ang natitira. Para matulungan kami na abutin ang mga lider na puwede pang makausap at iugnay sa Kadamay, nagboluntir si Ka Trining na abutin ang iba pang lider-maralita.

Hindi siya nagdadalawang isip sa pagtulong sa amin, na kahit sa edad niya, maglalaan pa rin siya ng panahon para iabante ang pag-oorganisa ng maralitang Pilipino. Sinsero siyang kausap at makikita mo pa rin ang kanyang dedikasyong tumulong.

Para sa amin, ang ZOTO ang panimula at ang Kadamay, kasama ng iba pang militanteng maralitang samahan, ang nagtutuloy ng laban. Kung wala sila, baka hindi lumalim ang pagbibigkis ng mga mahihirap.

Saglit man ang pagsasama namin ni Ka Trining, damang-dama ang kanyang ambag sa bawat hakbang ng kasalukuyan at susunod na henerasyon ng mga dakilang maralita.