Alyansa ng komyuter vs. PUVMP, inilunsad
Kailangan ring magbuklod o magsama-sama ng lahat ng komyuter at iba pang taga-suporta ng ating mga drayber para sa kanilang panawagan na itigil ang PUV (Public Utility Vehicle) [phase out],” pahayag ng PasaHero para kay Tsuper-Hero.
Inilunsad ng mga komyuter ang PasaHero para kay Tsuper-Hero, isang alyansa para sa mga jeepney drayber, bilang suporta sa mga tsuper at opereytor na nanganganib mawalan ng kabuhayan sa nalalapit na deadline ng franchise consolidation sa Dis. 31.
“Ilang araw na lang ay magpa-Pasko na, malapit na rin ang Bagong Taon, ayon sa mga drayber natin at opereytor, ito na ata ang pinakamalungkot nilang Pasko at Bagong Taon. Puno ng pangamba kada araw kung kinabukasan ba ay wala na silang hanapbuhay,” sabi ng grupo.
“Kaya naman, kailangan ring magbuklod o magsama-sama ng lahat ng komyuter at iba pang taga-suporta ng ating mga drayber para sa kanilang panawagan na itigil ang PUV (Public Utility Vehicle) [phase out],” dagdag nito.
Iniutos ng pamahalaan na magkonsolida ng prangkisa ang lahat ng mga opereytor at isuko ang mga indibidwal na prangkisa para sa isang solong pag-aari ng isang kooperatiba o kooperasyon na nagsisilbi sa isang partikular na ruta.
Una nang ipinangatwiran ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operatpr Nationwide (Piston) na monopolyo ng mga pribadong korporasyon sa mga pampublikong sasakyan at kawalan ng hanapbuhay para sa maraming opereytor at tsuper ang hatid ng PUVMP.
Tinatayang 80% ng mga PUV opereytor at drayber ang kahaharap ng displacement kapag naipatupad ang PUVMP, ayon sa Piston.
Transport strike ulit
Kasalukuyang nagsasagawa muli ang grupong Piston at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) ng transport strike hanggang Dis. 29 upang igiit sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na ibasura ang deadline sa franchise consolidation.
Ayon naman sa Manibela, makakatipid ang gobyerno kung sariling gawa ang mga PUV na nagkakahalaga lamang ng P600,000 to P700,000 ang bibilhin, kumpara sa modern jeepney na nagkakahalaga ng P3 million.
“Makakatipid tayo kung sariling gawa. Malayong-malayo sa mga inilalako ng mga dayuhang manufacturer na nagkakahalaga halos ng P3 milyon na wala pa tayong maasahang tibay at kung matatapos man itong hulugan ay hindi din mapapasa sa atin ang mga unit,” ayon sa Manibela.
Kumakalap naman ng donasyon ang PasaHero para kay Tsuper-Hero para sa mga drayber ngayong pasko.
“Isa sa pwede nating maging tulong ay kumalap ng donasyong pinansyal at materyal na paniguradong didiretso sa ating mga drayber ngayong darating na Pasko at Bagong Taon at para isustini ang sinasagawa nilang transport strike para mapakinggan ng ating pamahalaan,” saad nito.