Paglaban para sa kinabukasan
Hindi kalaban ng pagbabago ang mga tsuper at opereytor. Ang paninindigan nila, nakasandig sa paniniwalang may karapatan sila sa paghahanapbuhay at hindi dapat mahulog sa kamay ng malalaking korporasyon ang isa pang serbisyo pampubliko.
Ipinatupad ng pamahalaan ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) para umano mabawasan ang polusyon sa bansa. Subalit sa higit 9 milyon na rehistradong sasakyan sa Metro Manila, 2% o nasa 250,000 lang ang mga jeepney. Malinaw na mas malaki ang ambag sa polusyon ng mga pribadong sasakyan kumpara sa tradisyonal na jeepney.
Isang buwan na mula nang mapaso ang deadline ng PUVMP, may mga jeepney drayber at opereytor pa ring hindi nagpapakonsolida ng prangkisa. Sa tala ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Mayo, tinatayang 10,000 pang jeepney units ang magiging “kolorum” dahil dito.
Habang patuloy na nananawagan sa pamahalaan ang mga grupo ng drayber at opereytor, tuloy rin ang pagkaipit ng kanilang kabuhayan.
“Isang linggo lang walang biyahe wala na kaming pambili ng pagkain,” sabi ni Roselyn Pejano, 48 taong gulang na asawa ng isang jeepney drayber.
Matinding dagok at perhuwisyo ang dulot sa pamilya ni Roselyn nang matapos ang deadline ng franchise consolidation. Noon, kahit maliit ay napagkakasya pa nila ang kinikita ng kanyang asawa. Ngayon, doble ang hirap at kayod niya dahil hindi na sumasapat ang perang nauutang.
Hindi na kasi makapasada ang asawa niya dahil sa banta ng Land Transportation Office (LTO) na huhulihin na ang mga hindi konsolidadong jeepney.
Sabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III, pagbabawalan nang pumasada ang mga hindi nagpakonsolida. Nagbabala siyang ituturing nang kolorum at huhulihin na ang mga ito kung patuloy pa na papasada.
Nanindigan naman si Transportation Secretary Jaime Bautista na hindi na magkakaroon ng prangkisa ang mga tatanggi sa konsolidasyon.
Walang ibang pinagkakakitaan sina Roselyn kaya hindi niya alam kung paano pakakainin ang pamilya sa mga susunod pang araw. Bukod sa phaseout, problema rin niya ang tumataas na presyo ng bilihin.
“May pambili ng ulam, pero ‘yong bigas wala. Ang mahal na ng bigas ngayon. Dati, P700 ang 25 kilos [ng bigas], ngayon P1,600 na. Pati ‘yong kuryente ang taas na,” sabi niya.
Sinang-ayunan naman ng drayber na si Liberato Morillo Jr. si Roselyn. Aniya, walang magandang dulot ang patakaran. Patuloy lang umano nitong ilulubog sa hirap ang mga katulad niyang pamamasada lang ang pinagkakakitaan.
Hindi niya matanggap ang kapupulutan nilang mag-anak kung mawalan siya ng kabuhayan. Aktibo siya ngayong nakiisa sa mga pagkilos ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operator Nationwide (Piston) at Samahang Manibela Mananakay at Nagkaisang Terminal ng Transportasyon (Manibela) para ibasura ang PUVMP.
“Umulan man o umaraw nasa kalsada kami para lang kumita para sa pamilya namin,” aniya.
Hindi alam ni Liberato kung paano pagkakasyahin ang P700 na kita, na madalas ay hindi pa niya buong naiuuwi dahil ibabawas pa ang pangdiesel. Malaki na ang itinaas ng mga presyo ng bilihin ngayon, kasama na ang presyo ng diesel na umabot ng P0.40 per liter nitong Mayo 28 hanggang Hun. 3.
Pero kahit hirap na sa pamamasada, naninindigan sina Roselyn at Liberato na hindi ipapakonsolida ang mga yunit nila. Wala anilang mabuting epekto ang modernisasyon kung hindi naman ito mapapakinabangan ng mga drayber. LTFRB lang anila ang magkakaroon ng malaking benepisyo dito.
Ayon kay Mody Floranda, pangulo ng Piston, malaki ang posibilidad na ibigay o i-bid ng LTFRB ang mga prangkisa sa malalaking korporasyon.
“Sa oras na ‘di ka makabayad (sa hulugang minibus) dahil sa napakamahal na halaga ng modernization, wala ka nang babalikan dahil pinilit kang isuko ang prangkisa mo. Ano’ng mangyayari sa consolidated franchise ng coop niyo? Ibi-bid ng LTFRB sa mga malalaking korporasyon na may kakayahang magbayad ng mga imported mini bus,” aniya.
Maraming beses nang nanawagan ang mga drayber at opereytor na ibasura ang sapilitang pagpapapasok sa kanila sa kooperatiba ng modernized jeepneys. Subalit patuloy pa rin ang gobyerno sa pamimilit sa kanilang magpa-consolidate upang malayang makapasada.
Epekto sa mag-anak
Pangarap ni Roselyn mabigyan ng magandang edukasyon ang kanyang anak. Pero mapipilitan siya ngayong patigilin muna ito sa pagpasok sa kolehiyo.
“Kapag nawalan kami ng hanapbuhay sa pag-pasada, sigurado ako na hindi na makakapag-aral ‘yon. Titigil muna siya,” aniya.
Labag sa loob na tanggapin ni Roselyn ang nangyayari sa kaniyang pamilya. Kaya kahit tirik ang araw, patuloy siyang nakikiisa sa laban ng kontra PUVMP.
“Umiyak nga [ang anak ko] kanina kasi nanghihingi ng pang-graduation pictorial. Ga-graduate na siya ng grade 12,” sabi niya.
Dahil sa panggigipit, naging aktibo sa kilos-protesta ang Ilan sa mga drayber, opereytor at pamilya ng mga nawalan ng hanapbuhay.
Noong Mayo 21, nagprotesta ang Piston at Manibela sa House of Representatives Quezon City upang ipanawagan ang pagbasura sa PUVMP.
Kasama sa protesta ang 73 taong gulang na si Elvira Pabustan, miyembro ng Manibela.
Bukod sa mag-isa na lang siyang kumakayod, apat na apo pa ang pinag-aaral niya gamit ang kinikita niya bilang opereytor. Dahil sa phaseout, nangangamba siya kung paano niya mapagtatapos ang kaniyang mga apo dahil wala na siyang ibang mapagkakakitaan.
“Wala na akong ibang pagkukunan ng hanapbuhay, ito lang talaga [pagiging jeepney opereytor],” aniya.
Tugon ng pamahalaan
Mahalaga ang suporta mula sa gobyerno at iba pang sektor upang masiguro na may sapat na pinagkakakitaan ang mga tsuper at opereytors na nawalan ng trabaho katulad nila Elvira, Liberato at Roselyn.
Ngunit ayon sa kanila, hindi angkop at panandalian lang ang mga tulong na sinasabi ng gobyerno.
Nagpahayag ng suporta kamakailan sa PUVMP ang Technical Education and Skills Development Authority (Tesda). Malaki umano ang magiging benepisyo ng modernisasyon sa pagsasaayos ng transportasyon sa bansa. Nag-alok din ito ng scholarship program para sa mga drayber na apektado programa.
Tinanggihan ito ng mga drayber. Anila, hindi lahat ng mga opereytor at drayber ay may kakayahan pang matuto ng bagong skills na ituturo ng Tesda.
“Wala kang maasahan sa gobyerno, nakakatakot yan dahil puro salita. Ang sabi, mag-aaral daw sa Tesda pero ang 68 years old, mag-aaral pa ba? Hindi na namin kaya ‘yon,” sabi ni Roselyn.
Inilunsad din ng Department of Transportation ang programang “Endrayberneur” sa tulong ng Department of Labor and Employment para sa mga draybers at opereytor na hindi nagpa-consolidate ng kanilang prangkisa.
Tuloy-tuloy rin ang pagbibigay ng fuel subsidy sa ilalim ng Pantawid Pasada Program.
Pero ayon sa mga drayber at opereytor, hindi nila nakuha ang fuel cash subsidy na ipinangako ng programa.
“Mga salita lang ‘yon, hindi ako naniniwala doon. Kahit ‘yong tawid pasada, hindi kami nakatanggap noon,” ani Roselyn.
Sa datos ng LTFRB noong 2021, nasa 90,262 lang na PUV opereytor ang nabigyan ng ayuda sa ilalim ng Direct Cash Subsidy Program. Tinatayang 600,000 ang jeepney draybers sa buong Pilipinas.
Ayon kay Liberato, hindi na mahalaga kung hindi siya nakakuha ng subsidy dahil hindi pa rin naman ito sasapat sa pangangailangan nilang mag-anak.
“‘Yong subsidy, ilang araw lang namin gagamitin ‘yun, hindi matutustusan no’n ang pag-aaral ng anak namin. 3k na subsidy, hindi kakayanin ‘yon,” sabi niya.
Panawagan sa gobyerno
Normal na para sa mga drayber ang bumusina at gamitin ang kanilang boses upang magtawag ng mga pasahero. Ngayon, magagamit din ito bilang instrumento upang ipaglaban ang kanilang kabuhayan.
“Nakakatakot ang gobyerno ngayon. Hindi lang kami ang nagugutom, marami kami. Sabi nila kaunti lang ang naghihirap sa Pilipinas ngayon madadagdagan na kasi mawawalan na ng hanapbuhay ang mga jeepney [drayber],” ani Roselyn.
Tinanggihan kamakailan ng Supreme Court ang hiling ng Piston at Manibela na para sa temporary restraining order laban sa franchise consolidation at PUVMP.
Para sa mga drayber, hindi malinaw ang balak sa kanila ng pamahalaan. Patuloy silang nangangapa kung ano ang susunod nilang hakbang matapos ang desisyon ng korte.
Galit at panghihinayang ang naramdaman ni Elvira sa pamahalaan. Aniya, kabilang siya sa mga loyalist ni Marcos Jr. noong halalan kaya labis na lang ang pagsisisi at hinanakit niya ngayong itinuloy ang PUVMP.
“Bagong mukha, bagong Pilipinas. Tama, bagong Pilipinas, pinaghihirap ang taong bayan, inaalisan ng kabuhayan, ayan ba ang bagong Pilipinas?” aniya.
Bagama’t layunin ng gobyerno sa ilalim ng PUVMP na gawing makabago ang mga pampublikong sasakyan at tugunan ang mga suliraning pangkalikasan, kailangan ng mas inklusibong transisyon upang hindi maging negatibo ang epekto sa mamamayang ito ang ikinabubuhay.
Nanindigan naman ang mga jeepney drayber na gagawin lahat ng kanilang makakaya upang malayang makabusina at magtawag muli ng pasahero. Umaasa silang hindi lang kanilang pamilya ang kasama sa laban, kundi pati ang mga komyuter na kanilang pinagsisilbihan.