Main Story

Imbestigasyon sa drug war ni Duterte, lumakas ang suporta


Ayon sa mga pamilya ng biktima, panawagan para sa hustisya ang dahilan sa paghikayat sa administrasyong Marcos Jr. na makipagtulungan sa International Criminal Court.

Natapos ang taon na may nagkakaisang mga resolusyon mula sa House of Representatives at Senado para makipagtulungan ang gobyerno sa imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa giyera kontra-droga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ito ang hakbang na suportado ng Senate Resolution No. 867 ni Sen. Risa Hontiveros, House Resolution (HR) No. 1477 nina Manila Rep. Bienvenido Abante Jr. at 1-Rider Rep. Ramon Rodrigo Gutierrez, HR 1393 ng Makabayan bloc at HR 14822 ni Albay Rep. Edcel Lagman.

“Kami na mga pamilya ng biktima ng war on drugs ay nagpapasalamat sa mga kinatawan ng Kongreso na nagsagawa ng resolusyon,” sabi ni Amy Jane Lee, asawa ni Michael Lee na pinaslang noong Marso 2017 at miyembro ng Rise Up for Life and for Rights (Rise Up), isang network ng mga pamilya ng biktima ng war on drugs katuwang ang mga taong simbahan.

Si Amy Jane Lee kasama ang abo ng asawang biktima ng “war on drugs.” Rise Up for Life and For Rights via Kodao Productions

Sa joint statement ng National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) at Rise Up hinikayat nila si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tanggapin ang ad hoc jurisdiction ng ICC.

“Sa bisa ng Article 12(3) ng Rome Statute, may kakayahan ang isang non-state party na tanggapin ang jurisdiction ng ICC,” sabi sa pahayag. “May obligasyon na rin naman ang Pilipinas makipagtulungan bilang dating miyembro ng ICC.”

Umepekto ang pag-alis ng Pilipinas bilang miyembro ng ICC noong Mar. 16, 2019, isang taon matapos simulan ni dating ICC prosecutor Fatou Bensouda ang paunang pag-imbestiga sa sitwasyon ng Pilipinas noong Pebrero 2018.

Ayon kay Marcos Jr., pinag-aaralan ng gobyerno ang posibleng pagbalik ng Pilipinas bilang member-state ng ICC. Nananawagan naman ang mga dating kaalyado ni Duterte tulad ni Harry Roque na huwag magpadala ang gobyerno sa ‘di umano’y pamumulitika.

Para sa mga naiwang pamilya ng mga biktima ng pamamaslang, usapin ito ng hustisya. “Ang pagsasampa ng kaso sa lokal na korte sa ating bayan ay lubhang napakahirap sa aming mga pamilyang namatayan,” sabi ni Lee.

“Ang kawalan ng pera para makapaghabla, takot o pananakot ng mga kapulisan kapag ang mga pamilya ay kukuha ng mga dokumentong kailangan at walang testigo sa naganap na patayan ang ilang kinakaharap naming mga pamilya ng biktima,” dagdag niya.

Bukod kay Duterte, kasama sa pinangalanan sa mga dokumentong pinasa sa ICC sina Sen. Bato Dela Rosa, Sen. Bong Go, at Pangalawang Pangulong Sara Duterte, ayon sa kopya ng affidavit na may habang 186 pahina na nakuha ng Vera Files, isang independent media organization.

Ayon sa dokumento, maaari ring ipatawag sa imbestigasyon ang nakababatang Duterte dahil inaprubahan niya bilang mayor ang mga pagpatay sa Davao City mula 2010 hanggang 2013 at mula 2016 hanggang 2022. Hindi sumagot ang panig ni Sara sa paanyaya na interbyu ng Vera Files noong Hulyo.

Nitong Nobyembre, sunod-sunod ang pahayag ng pagtutol ng pangalawang pangulo sa imbestigasyon ng ICC. Sinabi niyang labag ito sa Saligang Batas ng bansa, at walang ibang maidudulot kundi ang pagmamaliit sa kakayahan ng Pilipinas. Ayon pa sa kanya, itutuloy ng Office of the Vice President ang paghimok sa Department of Justice na huwag makipagtulungan sa ICC.

“Kapag kamag-anak mo, ama mo, iba na talaga ang isyu. At kahit matibay ka, siyempre makikiusap ka sa lahat para mailigtas ama mo,” sabi ni Sen. Imee Marcos na tutol rin sa imbestigasyon.

Nanindigan naman ang NUPL na walang lalabagin sa Konstitusyon ang ICC.

“Kailangan nating tandaan na walang naging paglilitis sa crimes against humanity sa Pilipinas, kaya sa ICC lumapit ang mga biktima,” sabi nila. “Makalipas ang pitong taon, walang naging pagsisiyasat sa polisiya o pagkilala sa malawakang pang-aabuso ng gobyerno.”

Sa tala ng Philippine National Police (PNP), higit sa 6,000 ang pinatay alang-alang sa drug war. Wala pa ito sa isang-kapat ng 30,000 na biktima na naitala ng mga human rights group.

Sa lahat ng mga kasong ito, nagkaroon pa lang ng tatlong paglilitis at paghatol, ayon sa 2022 Country Reports on Human Rights Practices ng United States. Kasama na dito ang kaso ng pagpaslang kina Kian delos Santos, Carl Arnaiz at Reynaldo de Guzman, mga menor de edad na napatunayang walang pagkakasala.

Headquarters of the International Criminal Court in The Hague, Netherlands
Punong Himpilan ng International Criminal Court in The Hague, The Netherlands.

Itinatag ang ICC noong 2002, at saklaw ng mga tungkulin nito ang pag-iimbestiga sa mga krimen na may kinalaman sa malawakang pagtugis sa mga sibilyan at bulnerableng grupo. 

Kailangan ng ICC makipagtulungan sa mga miyembrong bansa dahil wala itong sariling enforcement body o pulisya. Nasa desisyon pa rin ng gobyerno ng iba’t ibang bansa kung susuportahan ang panawagan ng international court.

Ito ang dahilan bakit noong Hulyo, sinabi ni Dela Rosa na iiwasan na lang niya pumunta sa 123 bansa na member-state ng ICC. “I am very confident naman na malulusutan ko ‘yan, kung kasama ako,” sabi niya. Si Dela Rosa ang Davao City police chief noong mayor pa si Duterte, at isa sa mga PNP chief noong pangulo ito.

Marami pang ibang pangalan ang nabanggit sa imbestigasyon ng ICC, tulad nina dating Justice Secretary Vitaliano Aguirre II at dating PNP chief Ronald Albayalde na sumunod sa panunungkulan ni Dela Rosa. Parehong nagpahayag ng suporta ang dalawa sa giyera kontra-droga. Ilan rin sila sa itinuturong dahilan ng mga pamilya ng biktima sa halos-walang usad na mga kaso para sa hustisya.