Kalayaan mula sa kahirapan, pananakop, sentro sa paggunita kay Bonifacio
Nanawagan ng kalayaan mula sa kahirapan, karahasan at pananakop ang mga manggagawa at iba’t ibang sektor sa paggunita sa ika-160 kaarawan ni Andres Bonifacio, Nob. 30.
Nanawagan ng kalayaan mula sa kahirapan, karahasan at pananakop ang mga manggagawa at iba’t ibang sektor sa paggunita sa ika-160 kaarawan ni Andres Bonifacio, Nob. 30.
Panawagan ng mga grupo ang regular na trabaho at nakabubuhay na sahod, at ang pagtutol sa patuloy na panghihimasok ng United States (US) sa Pilipinas na naghahatid ng mga paglabag sa karapatan.
Paglikha ng giyera
Mariing tinutulan ng mga grupo ang mas pinaraming mga Enhanced Defense Cooperation Agreement sites at mas madalas na joint military exercises ng US at iba pang bansang kaalyado nito sa Pilipinas.
Pinuna rin ang dambuhalang pondong inilalaan sa sandatahang lakas na nagagamit lamang sa paglabag ng karapatan ng mga sibilyan.
Sa 2024 budget deliberation, P282.7 bilyon ang mungkahing defense budget o 21.6% na mas mataas kumpara sa P203.4 bilyong alokasyon sa 2023 budget. Dahil umano ito sa tumitinding tensiyon sa pagitan ng Pilipinas at China sa West Philippine Sea.
“Napakalaki ng budget na para [sana] sa mamamayan [ang] napupunta sa pagpapaunlad ng kagamitang pangdigma ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at pandagdag ng pondo para sustentuhan ang [halos] buwan-buwan na [joint military] exercises,” ani Gabriela secretary general Clarice Place.
Kaugnay nito ang patuloy na tumataas na mga kaso ng pagpaslang, pag-aresto, pagsampa ng gawa-gawang kaso, at paglabag sa mga karapatang pantao at pandaigdigang makataong batas mula sa hanay ng progresibong grupo at mga sibilyan.
Sinabi naman ng human rights watchdog na Karapatan na mas tumitindi ang mga paglabag sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino dahil sa
“Lahat po ‘yan [paglabag sa karapatang pantao] ay pakana ng imperyalismong US at pakana ng gobyernong patuloy na naglilingkod sa kanilang interes,” saad ni Ma. Cristina Guevarra ng Karapatan.
Nakabubuhay na sahod
Sama-samang nagtungo sa tarangkahan ng Malacañang sa Mendiola, Maynila ang mga grupo para iparating ang panawagan sa pagtaas ng sahod dahil hindi na umano makaagapay ang mga manggagawa’t mamamayan sa nagtataasang presyo ng mga bilihin at serbisyo.
“Ngayon ay panahon ng krisis. Inflation na nakapataas, gutom, kawalan ng trabaho, ang taas ng presyo [ng bilihin],” ani Luke Espiritu ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino.
Dagdag ni Espiritu, kaakibat ng kinakaharap na “dambuhalang krisis” ng mga mamamayan ay ang “kamalasan” na hatid ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa hindi nito pagkilos para sa kapakanan ng mamamayan.
Sa datos ng Ibon Foundation nitong Oktubre, P341 ang pinakamababang minimum wage sa bansa na mula sa BARMM na may pinakamataas ding family living wage na umaabot sa P2,013.
Nasa P1,189 naman ang average living wage sa National Capital Region na hindi kayang punan ng P610 na suweldo kahit pa ang rehiyon ang may pinakamataas na minimum na arawang sahod.
Wakasan ang kontraktuwalisasyon
Sa pag-aaral ng University of the Philippines noong 2016, nasa 1.2 milyon hanggang 20 milyon ang manggagawang kontraktuwal o hindi regular.
Patuloy na ginagawang legal sa bansa ang mga anyo ng kontraktwalisasyon sa ilalim ng Department Order 174, Series of 2017 ng Department of Labor and Employment.
Hindi nito inalis ang kontraktuwalisasyon at nagpataw lang ng mas mahigpit na limitasyon sa pagkokontrata ng mga manggagawa, gayundin sa iba pang mga gawi at panuntunan na lalabag sa Labor Code.
Karaniwang walang proteksiyong sosyal at walang benepisyo ang mga manggagawang kontraktuwal. Madalas din na mataas pa ang binabayaran nilang buwis at nakararanas din ng diskriminasyon sa trabaho.
Sa pampublikong sektor naman, talamak rin ang kontraktuwalisasyon sa porma ng contract of service at job order.
Ayon kay Ferdinand Gaite ng Bayan Muna, tinatayang isa sa bawat tatlong kawani ng gobyerno ang hindi regular, mataas pa ang bilang nito sa mga regular o “formal workers.”
“Ang gobyerno mismo ang pinakamasahol na employer sa ating bansa,” dagdag ni Gaite.
Liban sa pagwawakas ng kontraktuwalisasyon, nananawagan din ang mga kawani ng pamahalaan ng taas-suweldo na P33,000 sa salary grade 1 sa buong burukrasya dahil hindi umano kayang bumuhay ng pamilya ang kanilang napag-iiwanang sahod.
Isinusulong naman ng mga manggagawa sa pribadong sektor ang national minimum wage at pagbasura sa Wage Rationalization Act upang gawing iisa ang minimum na sahod sa buong bansa.
Ayon pa sa mga grupo ng manggagawa, tuloy-tuloy ang kanilang kampanya para sa trabaho, sahod, papmpublikong serbisyo at karapatan.