Migrante

Bakit hindi pa nakakalaya si Mary Jane Veloso? 


Magandang “regalo” sana para sa kaarawan ni Mary Jane Veloso ang clemency, pero “missed opportunity” raw ito ayon kay Joanna Concepcion, chairperson ng Migrante International. 

Dismayado ang grupong Migrante International kamakailan sa anunsiyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) na hindi muna igagawad ang matagal nang hinihinging clemency o pagsasawalang bisa ng kasong drug smuggling kay Mary Jane Veloso, ang overseas Filipino worker (OFW) na matagal nang nasa death row sa Indonesia. 

Sa “tamang panahon” raw ay makakalaya rin si Veloso sabi ng DFA matapos ang opisyal na pagdalaw sa Malacañang ni Joko Widodo, Pangulo ng Indonesia upang makipagpulong kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nitong Ene. 10. 

Tumapat pa ang okasyon sa ika-39 na kaarawan ni Veloso. Minabuti ng kanyang pamilya na kumatok sa Palasyo upang umapela sa parehong pangulo.

“Nagmamakaawa at nakikiusap na makalaya na ang aking anak, 14 taon na po siyang nagdurusa, walang kasalanan. Ano pang dahilan para hayaan nilang tumagal sa kulungan?” sabi ni Celia Veloso, ina ni Mary Jane. 

Magandang “regalo” sana ang clemency ni Veloso, pero “missed opportunity” raw ito ayon kay Joanna Concepcion, chairperson ng Migrante International. 

Kilala na si Veloso bilang inosente, na wala siyang alam na nilagyan ng iligal na droga ang kanyang maleta nung siya ay inaresto noong 2010. Mismong ang mga nagrekrut sa kanya na sina Maria Cristina Sergio and Julius Lacanila ay nasentensiyahan na sa mga kasong illegal recruitment at drug trafficking pero sa hiwalay na kaso. 

Pero sa ngayon, hindi pa rin nakukuha ang deposition o testimonya ni Veloso at hindi umuusad ang kanyang kaso. Taong 2015 pa noong sinumulan ng Department of Justice ang paghahabla kina Sergio at Lacanilao ng illegal recruitment, estafa at human trafficking. 

Matapos ang pulong sa Malacañang, nagpadala raw ang DFA ng “legal interrogatories” o mga katanungan para kay Veloso. 

“Mahaba at matrabahong proseso ito na hinahadlangan ng iba’t ibang usaping legal pero kayang-kaya namang igiit ng Pilipinas na palayain” na ang matagal nang nakapiit na OFW, paliwanang ni Concepcion. 

Kung tutuusin, noong simula pa raw dapat ito ginawa. “Walong taon nang hinihintay na madinig sa korte ang nangyari kay Mary Jane. Sa umpisa pa lang, nasa kamay na ng Pinas ang kanyang kapalaran. Kung binilisan ang pag-aasikaso ng kaso niya, makukumpirma nang mas maaga na wala siyang sala.”

Mula pa 2019, hindi makapagtakda ang kapwa ang gobyerno ng Pilipinas at Indonesia kung saang venue papakinggan ang deposition ni Veloso.

Kung kaya mas mabisa kung itutulak na lamang ni Marcos Jr. ang clemency, bagay na hindi ginawa ng nakaraang administrasyon. Paliwanag ng mga abogado ni Veloso, kapag nabigay ang clemency “kasunod na dapat ang pagpapalaya.”

Tatlong beses nang nakaharap ni Marcos Jr. si Widodo mula noong siya ay naging pangulo, pero kailanman hindi pa niya personal na iginiit o hiningi ang kalayaan ng OFW. 

Dapat raw itrato siya bilang “biktima at hindi kriminal,” ani Josa Deinla ng National Union of People’s Lawyers, isa sa mga abogado ni Veloso.

Pero para sa administrasyong Marcos, makauwi man si Veloso sa Pilipinas, posible pa ring parusahan at ikulong siya dito.