Setyembre 2019, nag-aalangan bigla si Lucy* sa planong magtrabaho sa ibang bansa. Ang binigay kasi sa kanya ng recruiter, tourist visa lang para sa Dubai. Pero naasikaso na niya ang kanyang medical clearance, at mayroon naman na siyang passport. Sa Dubai, may sumalubong sa kanya at iba pang kasama.
“Kinabukasan, binenta ako sa ibang agency,” sabi ni Lucy. “Ganoon po pala ‘yun. Kailangan pala show-up. Para kang prostitute.”
Mula paghahanap ng amo hanggang sa mismong bigat ng trabaho, hindi nawala sa kamalayan ni Lucy na tinatrato siya bilang produkto.
“Ang baba ng bigay sa akin, kasi mataas ‘pag Pilipina eh,” giit niya. Ayaw pumayag ng ahensiyang may hawak sa kanya sa presyo na inaalok ng mga puwede niyang maging amo. Doon nalaman ni Lucy na may kalakaran na, may presyuhan base sa lahi.
Hindi na lang ito problema ng paisa-isang suwail na recruitment agency.
Isa si Lucy sa mga biktima ng illegal recruitment at human trafficking. Pebrero nitong taon nang mabalita ang pagsagip sa 52 overseas Filipino workers (OFWs) sa Syria. Bahagi si Lucy ng mga matagumpay na nakabalik sa Pilipinas matapos ang sunud-sunod na pagsubok sa kamay ng magkakaibang mga tao– recruitment agency, amo, at maging ang embahada mismo ng Pilipinas.
Pangako at panlilinlang
Nasa US$500-600, o higit P20,000, na buwanang sahod ang naipangako kay Lucy sa kasagsagan ng paghahanap ng amo sa Syria.
Pero hindi na rin naging malinaw sa kanya kung ano talaga ang napagkasunduan ng kanyang agency. Aniya, nakakaintindi man kaunti, di hamak na mas mahirap magbasa ng Arabic. Sa dulo, nasa $300 lang pala ang nakatakda niyang suwelduhin, o kulang-kulang P14,000. Sa kabilang banda, wala na siya sa poder ng recruitment agency.
“Ang hirap sa agency namin kasi nananakit yung mismong may-ari,” aniya. Hindi si Lucy mismo naging biktima ng pang-aabusong ito, pero alam niya ang pinagdaanan ng iba pang kasama.
Hindi naging matapat sa anumang bahagi ng negosasyon ang recruitment agency. Mula sa pangakong mataas na sahod, hanggang sa mismong magiging trabaho. Laking gulat na lang ni Lucy nang malamang hindi pala totoo na may makakasama siyang ibang OFW sa tutuluyang bahay.
Mag-isang nanilbihan si Lucy sa isang pamilya na may apat na anak. Mabait naman raw ang lalaking amo, aniya. Minsan lang sa isang linggo kung umuwi, at may dala-dalang mga baril. Drug dealer, hinala niya. Ang asawa ang madalas makabanggaan ni Lucy. Ni hindi nga niya nahawakan kahit kailan ang buwanang suweldo, kahit pa all-around ang trabaho nito sa pamamahay.
Sa pamilyang ito, nakakontrata na siya nang tatlong taon, para sa sahod na $300 kada buwan.
“Tumakas ako kasi sugat-sugat na kamay ko,” ani Lucy. Nagsimula rin siyang mangayayat. Pero ilang ulit rin niyang sinabi na higit na mapalad na siya kung ikukumpara sa kuwento ng kanyang kapwa-OFW. Aniya, naikuwento sa kanya ang dinanas ng ibang pisikal at seksuwal na abuso.
Hanggang ngayon, tingin ni Lucy, suwerte siyang nakabalik ng Pilipinas nang hindi dumaan sa ganoong antas ng pagmamaltrato.
Sino ang sagip
Sa Pilipinas naman, tinatrabaho ng pamilya ni Lucy ang pagpapauwi sa kanya. Ayon sa kanyang ina, lumapit sila sa Department of Foreign Affairs (DFA) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) pero matagal ang proseso at sa tingin ng pamilya, parang walang nangyayari.
Ayon sa Migrante mula mismo sa mga pamilya ng iba pang nabiktimang OFW sa Syria, ilan sa mga ito ang umabot sa dalawa hanggang tatlong taong nagpapabalik-balik sa mga ahensiya ng gobyerno.
Lumapit rin ang ina ni Lucy sa Migrante, na nakipagtulungan sa Compass PH, isa ring organisasyong umaagapay sa OFWs, at mga grupong simbahan tulad ng United Methodist Church, National Council of Churches in the Philippines, at iba pa.
“‘Yung pito kong anak, ayokong may mawala sa kanila,” giit ng ina ni Lucy. Magkasama man sila ngayon, naiiyak pa rin ito sa tuwing inaalala lahat ng dinanas.
Matapos tumakas sa employer si Lucy, pumunta siya sa embahada ng Pilipinas. Dito, kasama ang ibang OFW, naghintay siya sa balita ng pag-uwi. Hirap siyang mapaabot sa kanyang pamilya ang kalagayan niya. Paano, hindi raw basta puwede gumamit ng telepono sa embahada.
“Tumawag ‘yung kasama niya,” sabi ng ina ni Lucy. “Nakausap ko, sige lang ang iyak ko.”
Pero higit pa sa korupsiyong ito ang kailangan solusyunan para matigil ang pang-aabuso sa mga Pilipinong gusto lang makatulong sa pamilya. “Dahil na rin sa kakulangan ng oportunidad sa Pilipinas, nagiging mas bulnerable ang kababaihan sa trafficking,” ani Hontiveros.
Magkasama na ngayon si Lucy at ang kanyang ina. Ang bagong hamon na haharapin naman ng kanilang pamilya ay ang paghahanap-buhay sa gitna ng pandemya.