Pasanin ng Pinoy sa 2024
Para sa isang minimum wage earner, hindi nga kalabisan kung sasabihing wala nang matitira para sa iba pang pangunahing na bilihin at serbisyo. Lalo pa dahil hindi naman sumasabay ang sahod ng mga manggagawa sa kaliwa’t kanang dagdag-singil.
Malaking dagok ang sumalubong sa mga Pilipino ngayong 2024. Sa unang tatlong linggo pa lang, sunod-sunod na ang mga anunsiyo ng taas-singil sa public utility services. Kabilang dito ang kontribusyon sa Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth) at Home Development Mutual Fund (Pag-IBIG), pati na langis, pamasahe, kuryente at tubig.
Para sa isang minimum wage earner, hindi nga kalabisan kung sasabihing wala nang matitira para sa iba pang pangunahing na bilihin at serbisyo. Lalo pa dahil hindi naman sumasabay ang sahod ng mga manggagawa sa kaliwa’t kanang dagdag-singil.
Matagal nang ipinangako ng administrasyong Ferdinand Marcos Jr. na pabababain nito ang presyo ng mga bilihin at serbisyo. Pero taliwas naman ang mga aksiyon nito. Sa halos P5.8 trilyong badyet ngayong taon, mas pinaboran pa rin nito ang pagpapatayo ng mga imprastraktura at pagpopondo sa militar kaysa sa pagbibigay ng badyet para sa pampublikong serbisyo tulad ng kalusugan at pabahay.
Dagdag na kontribusyon sa Philhealth
Sa Section 10 ng Republic Act No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Act, tataas sa 5% ang premium contribution ng mga miyembro ng Philhealth ngayong 2024 mula sa 4% noong 2023. Ibig sabihin, kung sumasahod ng P10,000 kada buwan ang isang indibidwal ay mababawasan siya ng P500 at P5,000 naman kung kumikita siya ng P100,000 kada buwan.
Noong nakaraang taon, ipinagpaliban ng gobyerno ang pagtaas ng kontribusyon dahil sa mahal na presyo ng mga bilihin. Sapat din umano ang pondo ng Philhealth para isakatuparan ang UHC Act.
Muling nanawagan ang mga mambabatas at iba’t ibang grupo na suspendihin muli ang dagdag-singil sa kontribusyon ngayong taon.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, makatuwirang ipagpaliban muna ang pagtaas nito dahil sa patuloy na pagtaas ng inflation at pagbagsak ng sahod ng mga Pilipino.
“The deferment of the implementation of the Philhealth premium rate hike is not only considerate but also sensitive to the economic burdens carried by our kababayan,” wika ng senadora.
Kinondena rin ni Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang taas-singil. Aniya, “Bakit hahayaang taasan ang kaltas para sa ahensiyang tila dawit sa [korupsiyon]?”
Matatandaang noong 2020, nadawit sa kontobersiya ang Philhealth matapos mailantad na may P15 bilyong nawawalang pondo ang ahensiya. Sinundan ito ng pagbitiw ng matataas na opisyal na hindi maatim ang malawakang korupsiyon.
Samantala, sa datos ng Philippine Institute for Development Studies noong 2022, nanggaling pa rin sa sariling bulsa ng mga miyembro ng Philhealth ang ipinambabayad sa serbisyong medikal sa kabila ng pag-iral ng UHC Law.
Sabi ng Health Alliance Democracy, mas mapapakinabangan ng taumbayan kung direktang ilalaan ng gobyerno ang pondo sa mga ospital at health facilities, at programang pangkalusugan.
Mas mahal na Pag-IBIG sa Pebrero
Mas mahal na rin ang singil sa kontribusyon ng Pag-IBIG sa pagpasok ng Pebrero ayon sa inilabas na Pag-IBIG Contribution Table 2024 for Employed and Employers ng nasabing korporasyon noong nakaraang taon.
Sa ilalim ng Pag-IBIG contribution policy, madodoble at magiging P10,000 ang monthly fund salary (MFS) mula sa dating P5,000 MFS. Dahil dito, aakyat sa P200 ang kontribusyon ng bawat miyembro at employer sa susunod na buwan mula sa dating P100.
Ayon kay Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Rizalino Acuzar, makakatulong ang pagtaas ng kontribusyon na mas mapaganda ang mga benepisyo na ibinibigay ng Pag-IBIG sa mga miyembro nito.
“Not only would we be able to improve the benefits of our members, we would also be better equipped to finance the growing demand for home loans of our members while maintaining our affordable rates,” sabi ng kalihim.
Sabi ni Pag-IBIG chief executive officer Marilene Acosta, sa mas mataas na kontribusyon ng bawat miyembro, mas malaking multipurpose at calamity loan ang maibibigay kung sakaling mangailangan ang bawat kasapi.
Nakatakda sanang magtaas ng kontribusyon ang Pag-IBIG noon pang 2021, 2022 at 2023 pero ipinagpaliban dahil na rin sa epekto ng pandemyang Covid-19. Matatandaan rin na 1986 pa huling itinakda ang halaga ng kontribusyon nito.
Kaugnay nito, hinihintay pa rin ng korporasyon ang pahayag ng Malacañang tungkol sa mga pagbabagong ito.
Magkasunod na taas-presyo ng langis
Ikatlong linggo pa lang ng taon, sunod-sunod na ang naging pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa loob ng dalawang linggo. Nagbabadya pa ang muling pagtaas nito sa ikatlong pagkakataon sa Ene. 23, base sa Mean of Platts Singapore pricing nitong Ene. 19.
Nitong Ene. 16, nagtaas ang presyo ng kerosene at diesel mula P0.80 hanggang P0.90 kada litro. Nagtaas din mula P0.20 hanggang P0.40 kada litro ang gasolina.
Ayon sa Department of Energy, dulot ito ng mga tensiyon sa Gitnang Silangan at papalapit na celebrasyon ng Lunar New Year.
Sa mismong unang araw naman ng taon, nasa P3.75 kada kilo o P37.95 kada 11 kg na tangke ang pagtaas sa presyo ng liquefied petroleum gas (LPG).
Samantala, dobleng pahirap ang kinakaharap ng mga tsuper at opereytor. Kasabay kasi ng banta ng jeepney phase out, kinababahala rin nila ang nagpapatuloy na dagdag-singil sa langis.
“Malaking dagok sa atin ang pagtaas ng mga bilihin, lalong-lalo na sa pagtaas ng presyo ng diesel. Kasi nga imbis na maiuuwi ng drayber [ang kita], idadagdag na lang sa diesel,” sabi ng tsuper na si Ernan Gallardo.
Inaasahang taas-pasahe
Kakambal ng taas-presyo ng mga produktong petrolyo ang dagdag-singil sa pasahe sa pampublikong transportasyon. Ngayong 2024, inaasahan din ang pagtaas ng pamasahe sa mga jeepney at tren.
Ayon sa independent think tank na Ibon Foundation, isa sa mga malubhang epekto ng Public Utility Vehicle Modernization Program ang pagtaas ng pamasahe. Ayon sa grupo, inaasahang magiging P45 hanggang P50 ang minimum na pamasahe kapag tuluyang nai-phase out ang mga jeepney.
Ibinatay nito ang pagtatantiya sa napakamahal na presyo ng modernong yunit ng jeepney, maintenance ng sasakyan, transport services entities, atbp.
Bukod dito, bumungad din sa mga komyuter ang inaasahang pagtaas ng pamasahe sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).
Sa pahayag ni Department of Transportation Secretary Timothy John Batan noong Dis. 1, magiging P16 ang minimum fare sa huling linggo ng Marso na dating P13. Samantala, P34 naman mula P28 ang itataas ng pamasahe sa buong linya ng MRT-3.
Para sa estudyante at komyuter ng MRT-3 na si Lorrea Maristanes, “Kahit may student discount, malaking adjustment pa rin ito lalo na kapag nakabadyet ‘yong pera.”
Dagdag-singil ng Meralco
Ayon sa Manila Electric Company (Meralco), tataas din ang singil ng kuryente ngayong buwan ng Enero. Nasa P0.62 kada kilowatts per hour (kWh) ang inaasahang dagdag-singil.
Sa pahayag ng kompanya, matapos ang pagkalas sa kontrata ng San Miguel Power Corporation, mas tumaas ang singil sa kuryente dahil sa mas mataas na presyo nito sa spot market at emergency supply agreement na maaaring pagkunan ng kuryente.
Umaabot sa P124 ang bagong singil para sa 200 kWh, P186 para sa 300 kWh, P248 para sa 400 kWh, at P310 para sa 500 kWh.
“Balita nga na mas malaki ang bayarin kapag malamig ang panahon dahil konti ang demand. Doon nila binabawi ang iba pang deduction sa mga [consumer] dahil sa mga different charges from the main sources o kung saan umaangkat ng kuryente,” wika ng konsyumer na si Daisy Marcos sa taas-singil.
Katulad ng dati, nanawagan Meralco sa publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente kahit pa sobra-sobra na ang pagtitipid ng mga konsyumer nito.
Taas-singil sa tubig
Pagtaas ng singil ng tubig ang inaasahan ngayong Enero sa mga residente ng Metro Manila at karatig lalawigan nito.
Ito’y matapos aprubahan noong Disyembre 2023 ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ang pagtaas ng basic rate dalawang private concessionaire na Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc.
Inanunsiyo ni MWSS Chief Regulator Patrick Lester Ty na itataas sa P7.87 per cubic meter ang bayad para sa Maynilad sa kanlurang bahagi ng Metro Manila at ilang bayan at lungsod sa Cavite.
Magtataas naman ng P6.41 kada cubic meter ang Manila Water na nagseserbisyo sa 25 lungsod at bayan sa silangang bahagi ng Metro Manila at lalawigan ng Rizal.
Umaabot ang bagong singil ng P34.13 para sa 10 cubic meters, P76.68 para sa 20 cubic meters, at P154.55 para sa 30 cubic meters. Ang lifelines na may 10 cubic meters na konsumo ay may P2.96 na dagdag-singil para sa mga low-income consumers.
Sabi pa ng MWSS, layunin ng pagtaas ng singil sa tubig na punan ang mga gastusin sa iba’t ibang proyekto para matugunan ang pangangailangan sa tubig sa mga concession area, partikular sa panahon ng epekto ng El Niño.
Ayon kay Julius Salvador, kostumer ng Maynilad, “May malaking epekto sa akin bilang nahahanay sa pangkaraniwang mamamayan lalo’t higit sa mga mahihirap.”
Sa sunod-sunod na taas-singil sa mga pangunahing serbisyo, hindi maiwasang maihalintulad ang gobyernong Marcos Jr. sa panahon ng diktadura ng kanyang ama.
“Ginto” na raw kasi ang mga bilihin at serbisyo, panunuya ng marami. Sa kabila din ng pagpapakete na umunlad ang bansa pagdating sa ekonomiya, nalalantad naman ang masahol na kalagayan ng mamamayang Pilipino.
Katulad ng kanyang ama, inaasa ni Marcos Jr. sa dayuhang pamumuhunan at pribadong sektor ang pampublikong utilidad at serbisyo na abot-kayang natatamasa ng mamamayan. Imbis na mamuhunan ang gobyerno sa mga krusyal na pampublikong serbisyo, ipinupursigi nito ang mga proyektong ikalulugod ng mga dayuhan at lokal na malalaking negosyante.
At sa parehong panahon, nanatiling ang mga ordinaryong Pilipino ang nagkakandakuba sa iba’t ibang pasanin.