Talasalitaan

Bilyonaryo


Sa tingin mo magiging isa sa pinakamayamang negosyante ng Pilipinas ang mga bilyonaryo at iba pang milyonaryo at mayayaman kung hindi dambuhalang tubo ang habol ng mga ito?

Bilyonaryo – napakamayaman na tao na ang materyal na kayamanan ay nagkakahalaga ng higit sa isang bilyong dolyar.

Sa tingin mo magiging isa sa pinakamayamang negosyante ng Pilipinas ang mga bilyonaryo at iba pang milyonaryo at mayayaman kung hindi dambuhalang tubo ang habol ng mga ito?

Pero pagdating sa buwis, halos nagpapantay lang sa pagbabayad ang lahat, maliban na lamang sa iilan mga bilyonaryo na talaga namang ginagawa ang lahat upang makaiwas sa pagbabayad ng buwis na dapat bayaran.

Siyempre, kitang-kita ang kaibahan ng binabayarang buwis ng mga mahihirap kumpara sa mga bilyonaryo na mapapansin natin na mayroong mali sa sistema.

Kung tutuusin ang mga mayayaman o mga milyonaryo at bilyonaryo umano ang dapat buwisan sa halip na mga mahihirap lalo na ngayong sumisirit ang mga presyo ng bilihin at ng krudo.

Ayon sa Ibon Foundation, kung bubuwisan lang nang mas malaki ang mayayaman at iba pang bilyonaryong Pilipino, maaaring makalikom ang gobyerno nang hanggang P469 bilyon sa isang taon. Mas mataas ito kumpara sa P193.7 bilyong nalikom mula sa ipinataw na buwis sa mga produktong petrolyo na binalikat ng ordinaryong Pilipino.

Ayon sa independent think tank, lagpas-lagpas ang malilikom nito sa kailangang pondo para pasikarin ang lokal na produksiyon at bigyan ng makabuluhang subsidyo ang naghihikahos na sektor sa bansa.

Hindi maikakailang malayo ang agwat ng mayayaman at mahihirap na mamamayan dito sa bansa. Malinaw na malinaw rin ang linya kung saan naghahati ang mga mamamayan sa Pilipinas.

Kung mapapansin, ang mga bilyonaryo sa bansa ay hindi kabilang sa mga nagunguna sa pagbabayad ng buwis. Mas malaki pa ang ibinabayad na buwis ng mga sikat na personalidad sa telebisyon at pelikula dahil madalas sila ang binabantayan ng Bureau of Internal Revenue (BIR).

Ang tanong, bakit ang mga bilyonaryo sa listahan ay wala sa talaan ng BIR na top taxpayer list?

Kapos na kapos ang mamamayan at labis na ang paghihirap na nararanasan dahil sa sitwasyon ng kanilang karukhaan. Sa halip na buwisan ang mahihirap sa pamamagitan ng expanded value added tax, dapat na umanong magpatupad ang gobyerno ng wealth tax sa mga bilyonaryo.

Ang mga pinakamayamang tao sa Pilipinas, ayon sa 2023 talaan ng Forbes:

Manuel Villar, $9.7 bilyon, real estate and retail tycoon; Enrique Razon Jr., $8.1 bilyon, ports at casino tycoon at chairman ng International Container Terminal Services Inc.; Ramon Ang, $3.4 bilyon, may-ari ng San Miguel Corporation; Henry Sy Jr., $2.5 bilyon, co-vice chairman ng SM Investments; Andrew Tan, $2.5 bilyon, may-ari ng Alliance Global Inc.; Hans Sy, $2.4 bilyon, chairman of executive committee ng SM Prime Holdings; Herbert Sy, $2.4 bilyon, adviser of SM Investments at direktor ng SM Prime; Lucio Tan, $2.4 bilyon, tabako at airline magnate; Harley Sy, $2.2 bilyon executive director ng SM Investments; Teresita Sy-Conson, $2.2 bilyon, vice chairperson ng SM Investments; Elizabeth Sy, $1.88 bilyon, advisor ng SM Investments; Lance Gokongwei, $1.4 bilyon, presidente ng JG Summit; Tony Tan Caktiong, $1.2 bilyon, may-ari ng fast food chain na Jollibee; at Inigo Zobel, $1 bilyon, may negosyo sa real estate, finance, telecom at healthcare.

Ang pinagsama-samang yaman ng mga Pilipinong tycoon ay lumaki ng 11% hanggang $80 bilyon (?4.5 trilyon) habang patuloy ang pagbangon ng kanilang mga negosyo mula sa pandemya.

Lahat sila’y bahagi ng talaang Real Time Billionaire List ng Forbes at kabilang sa mahigit lamang sa 2,700 bilyonaryo (sa halagang dolyar) sa buong mundo na nagmamay-ari sa mahigit 60% ng pandaigdigang yaman.

Ang pinakamasaklap, nangyayari ito sa panahon ng pandemya.

Kumikita ang mga magnanakaw sa gobyerno, milyonaryo at bilyonaryo sa ibabaw ng mga bangkay ng libo-libong nating kababayang Pilipino na namatay sanhi ng pandemya at karukhaan.

Tungkulin ng estado na tugunan ang mga batayang pangangailangan ng mga mamamayan. Kung seryoso si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa inilalako niyang mga pangako at pagbabago, panahon na para wakasan sa mga pribadong kompanya ang pagpapaubaya ng pagpapaunlad ng pampublikong serbisyo sa tubig, kuryente, transportasyon, atbp. sa mga korporasyon at dayuhang mamumuhunan.