Oversupply ng gulay, epekto ng sobrang importasyon
Nitong Enero, nagtapon ng tone-toneladang gulay ang maraming magsasakang Pilipino dahil umano sa oversupply sa pamilihan na bunsod ng labis-labis na importasyon.
Nitong Enero, nagtapon ng tone-toneladang gulay ang maraming magsasakang Pilipino dahil umano sa oversupply sa pamilihan na bunsod ng labis-labis na importasyon.
“May effect din ‘yong importation. Gulay na kasi lalo na ‘yong carrots at saka ibang gulay na pumapasok sa bansa natin. Kasi ‘di na sila aakyat, ‘yong mga buyers, sa Benguet because may supply na sila sa lugar sa Maynila,” ani La Trinidad Mayor Romeo Salda.
Ayon sa Ibon Foundation, sampal sa mukha ng maralitang Pilipino ang pagpapatuloy ng gobyerno sa importasyon sa kabila ng kabiguan nitong kontrolin ang pagtaas ng presyo ng bilihin.
Sa bigas naman, nag-anunsiyo kamakailan si Agriculture Secretary Francis Tiu Laurel Jr. na mag-aangkat ang gobyerno ng 2 milyong metriko toneladang palay mula sa Vietnam.
Umaalma ang mga magsasakang Pinoy sa madalas na pag-aangkat dahil hatid nito ang pagbagsak ng mga presyo ng kanilang ani na nagpapalugi sa kanilang kabuhayan.
Importasyon at oversupply
Simula pa noong Ene. 5, kinakaharap na ng mga magsasaka sa Nueva Vizcaya ang oversupply. Dahil dito, napilitan silang ibenta ang mga repolyo sa pinababang halaga na P3.00 piso kada kilo.
Ayon sa Nueva Vizcaya Terminal Inc., nakapag-hatid ang Department of Agriculture (DA) ng tulong sa mga magsasaka sa pamamagitan ng Rescue Buying Program kung saan binili ng DA Region 2 ang 17,000 kilo ng repolyo upang ilipat sa Cagayan.
Gagamitin ang mga nabiling gulay para sa mga Kadiwa store ng lalawigan at pinapalawak na rin nila ang mga lugar na pagdadalhan ng mga gulay kasama ang Isabela at Quirino. Hinihikayat din nila ang iba pang pamahalaang lokal na bilhin ang mga gulay at huwag hilingin sa mga magsasaka nang libre.
Ngunit patuloy pa rin ang maramihang pagtatapon gulay sa iba’t ibang lugar dahil sa oversupply. Tone-toneladang repolyo ang inihatid sa La Trinidad, Benguet ngunit tinanggihan ito at itinapon na lamang sa isang bangin sa Tinoc, Ifugao.
“Wala pong bumibili at saka mababa ‘yong presyo, kaya inuwi na lang namin,” sabi ng magsasakang si Brent Orlando Pulano.
Kahit pa ganito na ang sitwasyon, tinanggi pa rin ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na mayroong oversupply ng gulay at sinabing bumababa ang produksiyon nito noong nakaraang taon.
Iwas oversupply
Sa patuloy na krisis na kinakaharap ng mga magsasaka, nagpahayag naman ng saloobin si Sen. Loren Legarda.
Ayon sa kanya, dapat magpatupad ang DA ng mga estratehikong hakbang upang mapatatag ang merkado at suportahan ang mga lokal na magsasaka.
Kahit na nakakatulong ang mga hakbang gaya ng “rescue buys,” iginiit ng senadora na ang mga pangmatagalang solusyon ay dapat kinapapalooban ng paggamit sa mga sobrang gulay upang matugunan ang isyu ng malawakang kagutuman sa bansa.
Nagbigay rin ng ilang suhestiyon si Agot D. Balanoy ng League of Association ng La Trinidad Veg. Areas, Inc. Mungkahi niya ang crop programming kung saan nakaplano na agad ang variation of commodity ng ilang gulay sa bawat lugar upang hindi ganoon karami ang supply nito.
Iminungkahi rin ni Balanoy ang pagkakaroon ng bagong sistema sa merkado para gawing patas ang presyuhan ng gulay at iba pang agrikultural na produkto para sa mga magbubukid at mamimili.