Ayuda sa mga nasalanta ng El Niño, ipinanawagan


Ayon kay Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan-National Federation of Peasant Women of the Philippines, hindi sapat ang inaalok na pautang at P5,000 ayuda sa magsasaka na tugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa krisis na dala ng El Niño.

Kinalampag ng mga organisasyon ng mga magsasaka at mangingisda ang Department of Agriculture (DA) para sa panawagan nilang mas malawak at mas ramdam na suporta ng gobyerno sa mga biktima ng matinding tagtuyot na dala ng El Niño. Panawagan ng mga grupo noong Mar. 7, pagtuunan ng pansin ang krisis sa produksiyon, imbis na ang itinutulak na Charter change.

Bilyong pananim at libo-libong magsasaka muli ang apektado ng hagupit ng El Niño, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council. Ayon sa anunsiyo ng ahensiya nitong Mar. 11, nasa P1.2 bilyong halaga ng pananim ang nasayang mula sa halos 30,000 magsasaka sa bansa.

Ayon kay Cathy Estavillo, secretary general ng Amihan-National Federation of Peasant Women of the Philippines, hindi sapat ang inaalok na pautang at P5,000 ayuda sa magsasaka na tugon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa krisis na dala ng El Niño. Aniya, maaga mang inanunsiyo ang El Niño, kapos naman ang suporta ng gobyerno sa mga isyu sa irigasyon.

Sa advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) noong Mar. 7, nakasaad na inaasahang magpapatuloy ang El Niño hanggang Mayo.

Sanhi ito ng tagtuyot sa 30 probinsiya, kasama na ang Metro Manila, habang ang buong bansa naman ay makakaranas ng mas kaunting ulan kumpara sa karaniwan. Dagdag ng Pagasa, mararamdaman ang mahabang tagtuyot dahil sa posibleng delay sa pagsisimula ng La Niña.

“Dekada nang nakatayo itong DA at Department of Agrarian Reform,” sabi ni Cecil Rapiz ng Alyansa ng Magbubukid sa Bulacan, pero hindi pa rin daw nararamdaman ng mga magsasaka ang tunay na suporta sa kanilang sektor lalo na ngayong El Niño. Paano bubuti ang sitwasyon nila, ani Rapiz, kung hanggang ngayon wala pa ring tunay na repormang agraryo sa bansa.