Pinsala ng El Niño, pumalo ng P151.3M


May 6,618 metric tons ng palay at mais ang nasayang. Tinatayang 3,923 na magsasaka ang apektado ng tagtuyot sa dalawang rehiyon habang 3,291 ektaryang sakahan ang apektado ng matinding tagtuyot.

Mula sa huling ulat na P109.4 milyon, umabot na sa P151.3 milyon ang halaga ng pinsala sa mga sakahan sa Western Visayas at Zamboanga Peninsula dulot ng El Niño ayon sa Department of Agriculture (DA).

May 6,618 metric tons ng palay at mais ang nasayang. Tinatayang 3,923 na magsasaka ang apektado ng tagtuyot sa dalawang rehiyon habang 3,291 ektaryang sakahan ang apektado ng matinding tagtuyot.

Bilang tugon, namahagi ng tulong ang DA ng nagkakahalagang P1 milyon para sa mga apektadong magsasaka. Ilan sa mga ipinamigay ng ahensiya ang 5,130 vegetable seeds sa Western Visayas at high-value crops gaya ng mani, munggo at iba pang pananim na kaunting tubig lang ang kinakailangan para mabuhay ang ipinamamahagi sa Zamboanga Peninsula.

Para naman sa mga magsasaka, pati na rin sa mga mangingisda, kailangan ng mas komprehensibong tugon sa krisis sa agrikultura para lalo na’t taunang isyu ang El Niño.

Base sa karamihan ng global climate models, magpapatuloy ang El Niño sa Marso, Abril at Mayo. Kasabay nito ay mararamdaman ang transition ng Enso (El Niño Southern Oscillation)-neutral o lagay ng panahon na hindi El Niño o La Niña sa mga buwan ng Abril hanggang Hunyo ngayong taon, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration.

“Patuloy kaming mananawagan para sa mga alternatibong hakbang na tunay na makakapagpalakas sa produksiyon sa sektor ng agrikultura at fisheries,” sabi ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya).

Kasama sa suportado nilang hakbang ang House Bill (HB) 405 o Rice Industry Development Bill na maglalaan ng P185 bilyon na badyet para sa tatlong taong suporta sa farm inputs at machineries, research, social credit, paglikha ng imprastruktura at iba pa.

Magiging katuwang rin nito ang pagpasa ng HB 1161 o Genuine Agrarian Reform Bill na nagtutulak sa pamamahagi ng lupa sa mga magsasaka. At para sa mga mangingisda na apektado rin ng krisis sa klima, HB 2024 o P15,000 Financial Support to One Million Frontliner Fisherfolk Bill para sa subsidiyo sa produksiyon ng aabot sa 1.1 milyong mangingisda.

“Ito ang mga epektibong hakbang para maging matiwasay ang food production sa kabila ng mga banta tulad ng El Niño,” sabi ni Pamalakaya national chairperson Fernando Hicap.

Pinabulaanan naman ng Ibon Foundation ang solusyon ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mas mababang taripa sa bigas, mais at mga produktong gawa sa karne.

Anila, “Kapag masyadong umaasa sa murang import, lalong walang insentibo sa mga local producer dahil hindi sapat ang suporta sa lokal na produksiyon.”

Lalo lang daw hihina ang self-sufficiency ng Pilipinas o ang kakayahan nitong matugunan ang pangangailangan sa pagkain gamit ang mga lokal na produkto.

Tulad ng Pamalakaya, naniniwala ang Ibon Foundation na kailangan komprehensibong tugon sa matagal nang iniinda na mga problema ng sektor.