Badoy, guilty sa pagbabanta sa huwes


Pinatawan si Badoy-Partosa ng multang P30,000 na may babalang mas mataas na kaparusahan kung uulitin ang parehong gawi.

Hinatulang nagkasala ng Korte Suprema ang red-tagger na si Lorraine Badoy-Partosa sa kasong indirect contempt dahil sa pambabastos at pagbabanta niya sa social media sa isang huwes ng Manila Regional Trial Court (RTC).

Pinatawan si Badoy-Partosa ng multang P30,000 na may babalang mas mataas na kaparusahan kung uulitin ang parehong gawi.

Ikinatuwa naman ng human rights watchdog na Karapatan ang desisyon ng Kataas-taasang Hukuman.

“Ipinapakita ng hatol ng Korte Suprema ang mga napakatotoong panganib na hatid ng terrorist- at red-tagging na ginagawa nina Badoy-Partosa, National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) at mga alipores nila,” pahayag ng grupo.

Nagmula ang kaso sa mga maaanghang na komento ni Badoy-Partosa sa social media kung saan ininsulto at pinagbantaang papatayin si Manila RTC Branch 19 Judge Marlo Magdoza-Malagar. Ito ay matapos ibasura ng huwes ang proscription case ng Department of Justice na ideklarang terorista ang Communist Party of the Philippines at New People’s Army noong 2022.

Sa inilabas na desisyon ni Magdoza-Malagar noong Set. 21, 2022, nilinaw niyang hindi terorismo ang rebelyon at mga aksiyong politikal na matagal na ring iginigiit ng mga human rights group, abogado, mambabatas at eksperto sa batas.

Sa 52 pahinang desisyon na isinulat ni Senior Associate Justice Marvic Leonen, sinabi ng korte na hindi sakop ng karapatang konstitusyonal sa kalayaan sa pagpapahayag ang mabangis na tugon ni Badoy-Partosa sa desisyon ng huwes.

Sinabi rin ng Korte Suprema na may posibilidad na lumikha ng “lawless action” ang mga komento ni Badoy-Partosa noong Set. 22, 23 at 25, 2022 laban sa huwes at hayagan pang nag-aalok ng tulong upang magdulot ng panganib sa buhay at seguridad ni Magdoza-Malagar.

Nagpasalamat din ang Karapatan sa Movement Against Disinformation sa pagsasampa ng kaso. Isa anila itong legal na tagumpay ng mamamayan sa laban para ilantad at panagutin ang mga lumalabag sa karapatang pantao tulad ni Badoy-Partosa at ng NTF-Elcac.