Konteksto

Kalbaryo


Sa iba pang ordinaryong araw at linggo, pagnilayan natin kung bakit dapat lang na kondenahin ang pagmamalupit sa mga Palestino. Panahon nang wakasan ang kanilang kalbaryo.

Hindi lang ito pang-Semana Santa dahil araw-araw ang ating penitensiya. Kung may lugar na Kalbaryo sa ating pag-alala tuwing “Holy Week,” may salita namang kalbaryo sa ating pakikibaka mula Linggo hanggang Sabado.

Malaki man o maliit ang titik, tila pareho na ang kahulugan ng termino kahit na malinaw sa pahina 553 ng UP Diksiyonaryong Filipino (Binagong Edisyon, 2010) na ang Kalbaryo ay “gulod na malapit sa Herusalem” samantalang ang kalbaryo ay nangangahulugan ng “dusa.” Paano naging pareho ang lugar at danas? Simple lang. Doon sa Kalbaryo, patuloy ang kalbaryo.

Gaya ng nabanggit, ang Kalbaryo (Mount Calvary o Golgota) ay nasa Herusalem na tinaguriang kabiserang lungsod (capital city) ng dalawang bansa—ang Palestine at Israel. Sa kabila ng mahabang kasaysayan ng karahasan, maikli lang ang paliwanag ng kanilang pinagdaraanan. May nagnanais na burahin sa mapa ang tinaguriang kaaway. May nagnanais na lumaban kahit na nangangahulugan ito ng malawakang kamatayan.

Hindi lang ito simpleng away ng teritoryo tulad ng nangyayari sa West Philippine Sea. Hindi rin magagamit ang salitang “digmaan” para ipaliwanag ang nangyayari sa Palestine at Israel. Napakalakas kasi ng hukbong sandatahan ng isa. Samantala, walang kalaban-laban at umaasa sa suporta ng iba’t ibang grupo ang isa pa.

Sa mismong Kalbaryo ipinako sa krus ang kinikilalang diyos ng mga Kristiyano. Sa sobrang halaga nito (bukod pa sa iba pang lugar tulad ng Bethlehem), nais sana ng United Nations (UN) noong 1948 na gawing pandaigdigang lungsod (international city) ang Herusalem para hindi ito pangasiwaan ng iisang bansa kundi ng UN mismo. Pero dahil sa Six-Day War noong 1967, ipinagpilitan ng Israel ang kontrol sa ilang bahagi ng Herusalem (kasama na ang Kalbaryo) at hindi natupad ang plano ng UN.

Sa ngayon, mahigit 30,000 na ang namatay sa Gaza at mahigit 1.9 milyon ang napaalis sa kanilang tahanan. Posibleng hahaba pa ang insidente ng paglabag sa karapatang pantao ng mga Palestino dahil patuloy pa rin ang agresyon ng Israel.

Kapansin-pansin ang ilusyon ng “kapayapaan” sa mismong Kalbaryo o Golgota dahil hindi pa nababalitaan ang anumang pambobomba o anumang porma ng “terorismo” doon. Hindi nakakagulat na posibleng bisitahin ito ng mga turista, lalo ng mga Kristiyanong nais na palakasin ang kanilang pananalig.

Ibang iba ang sitwasyon sa Al-Aqsa Mosque na sagradong lugar naman para sa mga Muslim. Kahit na nasa loob din ito ng Herusalem, matinding pandarahas ang ginagawa roon. Daan-daang Palestino ang nasugatan noong 2021 nang magkaroon ng sagupaan sa Al-Aqsa Mosque dahil nais paalisin ang mga Palestino mula sa lupaing inaangkin ng Israel. Patuloy pa rin ang karahasan sa Al-Aqsa Mosque noong 2022 at 2023. Dumating pa nga sa puntong nagbarikada ang mga Palestino at tiniis ang mga tear gas at sound bomb, dalawang armas na ginamit ng mga tropang Israeli dahil binabato raw sila ng mga Palestino. (Kung sabagay, ganyan naman talaga ang eksena sa maraming sagupaan: Takot sa bato ang mga sundalong armado!)

At dahil sa sunod-sunod na atake sa sagradong lugar na ito (bukod pa sa mahabang kasaysayan ng agresyon ng Israel), nangyari ang tinatawag na Operation Al-Aqsa Flood noong Okt. 7, 2023 na pinangunahan ng Hamas at iba pang grupong sumusuporta sa mga Palestino. Hindi pinalampas ng Israel ang kauna-unahang pagsalakay sa teritoryo nito mula pa noong Arab-Israeli War noong 1948. Sumalakay sila sa Gaza, isang lugar na okupado ng mga Palestino. Sa ngayon, mahigit 30,000 na ang namatay sa Gaza at mahigit 1.9 milyon ang napaalis sa kanilang tahanan. Posibleng hahaba pa ang insidente ng paglabag sa karapatang pantao ng mga Palestino dahil patuloy pa rin ang agresyon ng Israel.

Kung susuriin ang mapa ng Herusalem, ang distansiya sa pagitan ng Kalbaryo o Golgota at Al-Aqsa Mosque ay 500 metro lang. Ayon sa Google Maps, pitong minuto lang ang paglalakad. May dalawang babala nga lang na nakalagay sa website: (1) “This route may cross country borders”; at (2) “Use caution–walking directions may not always reflect real-world conditions.” Tama naman ang unang babala dahil ang administrasyon ng Kalbaryo ay nasa Israel samantalang ang Al-Aqsa Mosque ay nasa Jordan. Hinggil naman sa ikalawang babala, kailangan talagang mag-ingat dahil walang hangganan ang karahasan ng mga walang pakundangan.

Sa panahon ng Semana Santa, mainam na isakonteksto ang ilusyon ng “kapayapaan” sa Kalbaryo at ang malinaw na karahasan sa kalapit na Al-Aqsa Mosque. Sa iba pang ordinaryong araw at linggo, pagnilayan natin kung bakit dapat lang na kondenahin ang pagmamalupit sa mga Palestino. Panahon nang wakasan ang kanilang kalbaryo.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com