Konteksto

EDSA


Desisyon ng kaibigan kong peryodista kung gusto niyang magbigay ng kritisismo sa “Kaliwa.” Pero sana nama’y huwag husgahan ang pakikibaka mula 1972 hanggang 1986 batay lang sa apat na araw.

Sabi ng isang kaibigang peryodista, wala raw ang “Kaliwa” sa apat na araw ng “People Power” mula Peb. 22 hanggang 25, 1986. May mabilis akong tugon: Naroon po ako.

Kahit na ikaapat na taon ko pa lang sa high school (at kahit maraming beses nang pinagalitan ng prinsipal at ilang guro dahil sa aking pagtuligsa sa mga Marcos), nagdesisyon akong makiisa sa libo-libong nagpunta sa tapat ng Kampo Aguinaldo at Kampo Crame sa EDSA.

Sa kabila ng bantang tatanggalan daw ako ng mga pang-akademikong karangalan dahil binabastos ko raw ang “magandang pangalan” ng aming paaralan, nakita ko ang pangangailangang panindigan ang pagiging tagapangulo ng “student council” noon (kahit na hindi naman talaga “student council” ang tawag dito kundi “advisory board”).

Huwag sanang isiping ang desisyon ko’y bunga ng mataas na antas ng aktibismo. Simpleng lider-estudyante lang po akong unti-unting namulat sa karahasan ng rehimeng Marcos, lalo na sa asasinasyon kay Sen. Ninoy Aquino noong Agosto 21, 1983.

Ito ang panahong binawasan ko na ang pagbubulakbol para magkaroon ng mahabang panahon sa pagbabasa. Patuloy pa rin akong tumatambay sa mga bilyaran hindi na para maglaro’t makipagpustahan kundi para makipagkumustahan. Patuloy pa rin akong pumupunta sa silid-aklatan pero higit na sa mga teksbuk ang binabasa ko. At dahil halos walang sangguniang may kritikal na pagsusuri sa Batas Militar, nagdadala na lang ako ng ilang babasahing puwedeng pagnilayan kasama ang iba pang kaklase.

Kahit na maituturing na loyalista ng mga Marcos ang maraming administrador at guro sa aming paaralan, may mangilan-ngilang gurong nagsusulong ng tunay na pagbabago. Sa kanila ko nalaman kung saan puwedeng makakuha ng mga sangguniang dapat aralin. Siyempre, sa kanila rin nanggaling ang lakas para gawin ang nararapat. Sila ba’y bahagi ng mga organisasyong nasa “Kaliwa”? Noon, hindi ko pa alam. Ngayon, siyempre’y alam na alam na.

Sa katunayan, naging bahagi ako ng organisasyong kinabibilangan pala ng isa sa kanila sa aking pagtatapos sa high school. Nasalubong ko rin ang isa pa sa kanilang winawagayway ang bandila ng isang progresibong organisasyon ng kaguruan noong nagkober ako ng isang rally sa Plaza Miranda bilang mamamahayag pangkampus sa kolehiyo.

Wala namang “attendance sheet” sa anumang pagkilos para sa pagbabago. Maraming dahilan kung bakit hindi nakikita ang mga puspusang nagtatrabaho sa likod ng eksena.

Para sa mga guro kong nagmulat sa akin at sa marami pang iba, karapat-dapat lang ang pasasalamat na hindi lang taos-puso kundi taas-kamao. Hindi na mahalaga sa aking malaman kung sila ba’y nagpunta sa pagkilos sa EDSA noong Pebrero 1986. Wala namang “attendance sheet” sa anumang pagkilos para sa pagbabago. Maraming dahilan kung bakit hindi nakikita ang mga puspusang nagtatrabaho sa likod ng eksena.

Desisyon ng kaibigan kong peryodista kung gusto niyang magbigay ng kritisismo sa “Kaliwa.” Pero sana nama’y huwag husgahan ang pakikibaka mula 1972 hanggang 1986 batay lang sa apat na araw. Paalala rin ito sa ating lahat na mahaba ang listahan ng mga nasa “Kaliwa” na hindi maaasahang magpunta sa EDSA. Sila kasi’y tinortyur, inaresto, dinukot at kinulong. May mga napilitang magtago o lumikas sa ibang bansa. Oo, may mga napilitan ding mamundok at sumapi sa rebolusyonaryong kilusan noong panahon ng Batas Militar. Paano sila makakasigaw ng “Present!” kapag may magtatanong kung naroon ba sila o hindi?

Nasa EDSA po ako kahit hindi pa uso ang pagpapakuha ng larawan bilang “resibo.” Salamat kung may nagtitiwala. Wala namang problema kung ayaw maniwala. Ang mahalaga’y napatalsik ang diktador, pati na rin ang kampon niyang magnanakaw at mamamatay-tao. Sa kanilang pagbabalik sa kapangyarihan noong 2022, asahan ang patuloy na pagkilos dala ang mga aral hindi lang ng 1986 kundi ng 1896.

Sa aking pagbabalik sa paaralan matapos mapalayas ang mga Marcos, naramdaman ko ang pagbabago ng ihip ng hangin sa loob ng kampus. Ang mga administrador at gurong abot-langit ang papuri sa diktador, tahimik na. Ang mga estudyante noong ayaw magpahayag ng saloobin hinggil sa nangyayari sa bayan, maingay na. Hindi natuloy ang plano ng isang administrador na tanggalan ako ng mga karangalang pang-akademiko. Nakapagtapos pa rin ako nang may pinakamataas na karangalan (valedictorian) at pagkilala bilang lider-estudyante (leadership award), bukod pa sa ilang medalya sa mga sabjek tulad ng Matematika at Agham. 

Tatlumpu’t walong taon matapos ang “People Power” (pati na ang pagtatapos ng aming Batch 1986 noong high school), nakatago pa ang mga medalya at sariwa pa ang alaala ng pakikibaka. Pinakamalaking karangalan ang mamulat sa katotohanan ng karanasan, pati na ang pagsisimula ng pagsisilbi sa bayan. Kumpara sa mga medalya, hinding-hindi ito kukupas.

Opo, naroon ako. Hanggang ngayon, narito pa rin.

Para makipag-ugnayan sa awtor, pumunta sa https://risingsun.dannyarao.com