Balik-Tanaw

Pag-aalsang EDSA


Mula Pebrero 22-25, 1986, 39 na taon ang nakalipas, naganap ang pagtitipon ng milyon-milyong Pilipino sa EDSA upang tumugon sa panawagan na protektahan ang mga sundalong bumaliktad laban kay Marcos Sr.

Sa karaniwang araw, maingay at puno ng mga sasakyan ang kahabaan ng Epifanio de Los Santos Avenue (EDSA), pero noong Pebrero ng 1986, mga tao ang pumuno dito. Sila’y magkakapit-bisig, mga mata’y puno ng galit at ang sigaw—kalayaan.

Ito ang panahon ng pagbabalikwas ng sambayanan laban sa diktadurang Maros Sr. ang Pag-aalsang EDSA.

Mula Pebrero 22-25, 1986, 39 na taon ang nakalipas, naganap ang pagtitipon ng milyon-milyong Pilipino sa EDSA upang tumugon sa panawagan ni Cardinal Jaime Sin, arsobispo ng Maynila, at Cardinal Ricardo Vidal, arsobispo ng Cebu, na protektahan ang mga sundalong bumaliktad laban kay Marcos Sr.

Pero bago pa maganap ang Pag-aalsang EDSA, hinog na ang kalagayan para pabagsakin ang diktadurang Marcos Sr. Naipundar na ng mga aktibista at progresibong grupo ang malawakang pagtutol sa gobyerno ni Marcos Sr. Nag-ugat ito sa pagpataw ng batas militar noong Set. 21, 1972 na nagdulot ng malawakang paglabag sa mga karapatan pantao at lalong kahirapan sa sambayan.

Sa mga panahong ito, marami na ang nananawagang patalsikin si Marcos Sr. Ngunit pinilit pa rin niyang gawing lehitimo at popular ang kanyang administrasyon sa pamamagitan ng pagtawag ng isang snap election, ngunit naging batbat naman ng dayaan. Nagpasimula ito ng mga civil disobedience, boykot at protesta sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kaya naman, noong Peb. 22, dumagsa na ang mga aktibista at progresibong organisasyon, at ang pinakamahalaga—lumabas ang laksa-laksang masa para labanan at igiiit ang pagpapabagsak sa palalong diktadura.

Sa loob ng apat na araw, hindi nagpatinag ang sambayanang Pilipino sa banta ng kampo ni Marcos Sr. na bubuwagin ang kanilang hanay sa pamamagitan ng mga tangke at pamamaril ng mga sundalong sunud-sunuran kay Marcos Sr.

Bagkus, lalong kumapal ang mga tao sa paligid ng Kampo Crame at Kampo Aguinaldo. Halos mapuno ang kahabaan ng EDSA, mula sa panulukan ng Boni Serrano Avenue hanggang sa Cubao. Umabot din sa Greenhills sa San Juan at Libis sa Quezon City ang dagsa ng taumbayang nagngangalit.

Bukod dito, may libo-libong nagtipon din sa estasyon ng PTV-4 para tiyaking ligtas ang mga sundalong nasa loob, bagaman ang pangunahing nananawagan noon ang Radio Veritas ng Arkidiyosesis ng Maynila na pinasabog naman ang transmitter ng mga sundalo ni Marcos Sr.

Para patuloy na maghatid ng balita sa mga pangyayari, agad na itinayo ni June Keithley, brodkaster ng Radio Veritas, at ng kanyang mga kasama, ang Radyo Bandido. Pinanatili nilang lihim ang kanilang lokasyon upang hindi maulit ang nangyaring pananabotahe.

Hindi rin nakaligtas ang palibot ng Palasyo ng Malacañang. Maraming mga kabataang estudyante mula sa mga unibersidad sa Maynila ang lumusob araw-araw sa Mendiola kasama ang mga manggagawa para magpanawagan ng pagpapatalsik kay Marcos Sr.

Gayundin, may mga pagtitipon din sa Cebu, Baguio, Davao at iba pang lalawigan.

Hindi isang pangarap ang Pag-aalsang EDSA, isa itong reyalidad na nagpapatunay na ang bayan, kapag nagkaisa, kayang baguhin ang lahat—mula sa mga kamay ng mga taong sakim sa kapangyarihan.

Ang kahabaan ng EDSA ang saksi sa kanilang kasigasigan, katapangan at pagkamakabayan.

Hindi lang isang beses naganap ang Pag-aalsang EDSA, naulit pa ito at maaaring maulit pa sa susunod na mga panahon.