EDSA People Power, inalala kahit hindi ginawang holiday ng Palasyo


Kahit hindi ideneklarang special non-working holiday ng Malacañang, bumuhos ang mamamayan sa mga lansangan sa iba’t ibang bahagi ng bansa para gunitian ang ika-39 na taon ng EDSA People Power.

Kahit hindi ideneklarang special non-working holiday ng Malacañang, bumuhos ang mamamayan sa Epifanio de los Santos Avenue (EDSA) sa Kamaynilaan at iba pang bahagi ng bansa para gunitian ang ika-39 na taon ng EDSA People Power.

Magkakasamang nagprotesta ang iba’t ibang grupo sa People Power Monument sa panulukan ng EDSA at White Plains Avenue sa Quezon City nitong Peb. 25 para alalahanin ang tagumpay ng pagkilos ng mamamayan noong 1986 para patalsikin ang diktadurang Marcos.

Ayon kay Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) secretary general Raymond Palatino, umabot sa mahigit 10,000 katao ang lumahok sa kilos-protesta sa EDSA.

“Nagkakaisa ang iba’t ibang grupong isinantabi muna ang kani-kanilang pagkakaiba sa politika para ihatid ang malakas na mensahe laban sa korupsiyon at kawalang pananagutan ng rehimeng Marcos Jr.,” ani Palatino.

Tanda rin aniya ang protesta ng malawak na panawagan para sa agarang paglilitis at paghahatol sa kasong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte.

Nagpahayag din ng pasasalamat at pagpupugay si Palatino sa mga estudyante at paaralang tumaliwas sa “holiday downgrade” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa anibersaryo ng EDSA People Power para magsagawa ng alternatibong klase sa EDSA.

Kabilang sa mga mag-aaral na lumahok sa protesta ang mula sa De La Salle University, Ateneo de Manila University, University of Santo Tomas, De La Salle-College of St. Benilde, St. Scholastica’s College, St. Paul University Manila at Philippine Normal University.

Hindi rin natinag mga estudyante ng University of the Philippines (UP) sa Maynila at Diliman at Polytechnic University of the Philippines na nag-walkout para makiisa sa pagkilos sa People Power Monument.

Nagkasa rin ng mga pagkilos ang mga progresibong grupo at estudyante sa pag-alala sa Pag-aalsang EDSA

Sa Naga City sa Bikol, nagprotesta ang mga estudyante sa Plaza Quince Martires sa sentro ng lungsod para irehistro ang mga panawagan laban sa pagbaluktot sa kasaysayan. Ideneklara rin ng lokal na pamahalaan ang Peb. 25 bilang Student Press Freedom Day.

Sa Cebu City, nagtipon sa Fuente Osmeña Circle ang mga progresibong grupo at nagmartsa papuntang Metro Colon para manawagan ng pananagutan sa mga atake at abuso ng estado sa mga karapatan ng mamamayang Pilipino.

Sa Kanlurang Visayas, nagmartsa patungong Iloilo Provincial Capitol ang iba’t ibang sektor na nagtipon sa UP Visayas Iloilo City at West Visayas State University para markahan ang ika-39 na taon ng EDSA People Power.

Sa Davao City sa Mindanao, ginunita sa isang protesta sa Freedom Park sa Roxas Avenue ang mga bayani at martir na lumaban sa diktadurang Marcos. Iginiit din ng mga nagprotesta na panagutin ang mga Duterte sa extrajudicial killings at korupsiyon sa pondo ng bayan.