Editoryal

Sa mamamayan ang EDSA


Mas mainam ba kung iisang hanay ang nagmamartsa? Aba, oo naman. Kahit sino naman siguro ang tanungin, mas gugustuhin ito. Pero mahirap din kung ang katabi mo sa pagkakapit-bisig ang siyang bumubusal sa diwang palaban mo.

Nakakataas ng kilay ang naging pahayag ni Kiko Aquino Dee ng Tindig Pilipinas bago ang Peb. 25, ang ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power, na bawal daw ang panawagang “Marcos resign” sa kanilang hanay.

“Ano raw?” tanong ng madla.

Hindi ba’t ang EDSA I ang nagpatalsik sa diktador na si Ferdinand Marcos Sr. matapos ang higit dalawang dekadang pang-aabuso niya sa kapangyarihan? Naisauli na ba ang mga ninakaw? Nabigyan na ba ng hustisya ang libo-libong biktima ng diktadura? Humingi na ba ng tawad ang anak na ngayo’y nakaupong pangulo?

Karaniwan, pulis o estado ang nagbabawal ng panawagan sa lansangan, hindi ang mismong nag-oorganisa ng protesta. Katuwiran ng ilang kasamahan ni Dee, labag daw sa batas at nag-uudyok ng karahasan ang panawagang “Marcos resign.”

Unang-una, malinaw sa Konstitusyon ang karapatan sa pagtitipon at pagpapahayag. Kasama rito ang karapatan ng sambayanan na igiit ang pagbabago, kahit sa paraang extralegal.

Ikalawa, kung babalikan ang kasaysayan ng People Power at malalaking protesta, malinaw na sa pulisya at estado nagmumula ang karahasan, hindi sa mamamayang nagmamartsa.

Ang ganitong posisyon ay hindi hiwalay sa mas malalim na namumuong politika. Habang nasasandal sa pader si Marcos Jr. dahil sa sunod-sunod na eskandalo sa korupsiyon, lalo ring umiigting ang depensa sa kanya ng mga bagong kaalyado mula sa hanay at personalidad na liberal.

Hindi rin maikakailang nadidikit ang Akbayan Partylist at iba pang grupong liberal sa politika ng administrasyon, sa kabila ng malinaw na pagkakasangkot nito sa mga anomalya.

Marami ang nadismaya na ang ikatlong malaking mobilisasyon laban sa korupsiyon mula nang sumabog ang isyu sa flood control ay muli na namang magkakaroon ng hiwalay na mga martsa.

Maging sa panig ng mga progresibo, nagpahayag ng pagkadismaya si Teddy Casiño ng Bagong Alyansang Makabayan. May mga tangkang mag-usap at magkaisa, pero nananatili umano ang hinala ng Tindig Pilipinas na may planong karahasan ang Kaliwa.

Malabo at walang kalatoy-latoy ang postura ng grupo nina Dee na “Tayo ang People Power.” Anong ibig sabihin noon? 

Sa gitna ng bilyon-bilyong ninakaw sa taumbayan, hindi sasapat ang mga hindi kongkretong panawagan para pakilusin ang mga tao. Ang pakikiisa ba sa panibagong Trillion Peso March ay mula talaga sa tunay na pagsang-ayon sa islogan na ito o dahil lang may matagal nang pinagsamahan sa mga grupong nangunguna?

Siguro naman kahit iyong ibang mga kalahok, iyong magra-rally at magpipigil sa pagkondena sa gobyernong Marcos Jr., may sariling isip din, kaiba sa tindig ng mga lider nila sa Akbayan at iba pang grupo. Nawa’y itanong nila sa mga sarili nila: bakit nga ba inililigtas natin sa pananagutan iyung numero unong may sala? 

Laking tuwa siguro ng mga kurakot at mapang-api sa pag-aabswelto sa kanila ng grupo nina Dee. Binibigyan pa sila ng laya para magnakaw at mang-abuso muli sa mga susunod na panahon. 

Mas mainam ba kung iisang hanay ang nagmamartsa? Aba, oo naman. Kahit sino naman siguro ang tanungin, mas gugustuhin ito. Pero mahirap din kung ang katabi mo sa pagkakapit-bisig ang siyang bumubusal sa diwang palaban mo. 

Gayunpaman, hindi imposibleng mag-volt in ang lahat pero hindi basta-basta nakakamit ito. Sa ngayon, baka nasa panahon pa tayo na marapat lang na punahin ang pagpipigil nina Dee.

Hindi panira sa pagkakaisa ang punahan sa politika, mitsa ito ng pagsulong. Paano uusad ang panibagong People Power kung walang aalma sa pagpipigil ng panawagan? Paano mabubuo ang tunay na pagkakaisa kung pinagtatakpan ang kasalanan ng mga nasa kapangyarihan?

Hindi sa iisang iglap nabubuo ang malawakang kilusan para sa pagbabago. Binubunga ito ng serye ng mga tunggalian, paliwanagan, pag-oorganisa at tuluy-tuloy na pagkilos. 

Ang paalala sa mga umaawat sa punahan: kilusang bayan ang dapat itaguyod, hindi kilusang nagpapatibay sa poder at nagluluklok ng panibagong kurakot.  At lalong hindi ito kilusang nagbubusal sa mga may salungat na opinyon.

Walang nagbago sa panawagan. Sinumang sangkot sa pandarambong, presidente man o karaniwang kawal, ay dapat managot. Ang sinumang sangkot sa pagnanakaw at pandarambong sa bayan, ikaw man ay presidente, bise presidente o pinakamababang kawal, ay dapat managot.