Pagsusuri

Kung ayaw ng wage hike, maraming dahilan


Kailangang isabatas ang dagdag sa sahod dahil malubha na ang sitwasyon. Para naman sa mga tutol dito, madaling ipagdiinan ang sistema ng regional wage board dahil matagal na itong nagagamit para proteksiyonan ang interes ng kapitalistang tubo.

Matapos maaprubahan sa third reading ng Senado ang panukalang dagdag-sahod na P100, dumagsa ang disinformation at misinformation mula sa mga employer na ayaw magbahagi sa mga empleyado nila ng katiting na dagdag mula sa kanilang kita. Sabi nila katakot-takot raw ito—hihigit ang inflation, magkakaroon ng tanggalan sa trabaho, at malulugi ang mga kompanya. Sabi nila, iilan lang ang magbebenepisyo mula sa dagdag-sahod, at hindi ito pangmatagalan. Mahina ang mga katuwiran na ito.

Kung tutuusin, itong pagpasa sa Senado ng panukalang dagdag-sahod ay maliit na ngang hakbang para matupad ng gobyerno ang obligasyon nitong suportahan ang milyong manggagawang Pilipino na namamaluktot sa mababang pasahod kahit pa nagtataasan ang presyo ng mga bilihin at serbisyo.

Kailangang isabatas ang dagdag sa sahod dahil malubha na ang sitwasyon. Para naman sa mga tutol dito, madaling ipagdiinan ang sistema ng regional wage board (RWB) dahil matagal na itong nagagamit para proteksiyonan ang interes ng kapitalistang tubo. Mukha ngang marami na ang nakamit sa 367 na wage order nang simulan ang regionalization sa sahod noong 1989.

Pero ang tanging nagawa ng RWBs ay mas pababain ang totoong halaga ng minimum wage sa 16 na rehiyon noong Enero kumpara sa sinasahod ng mga tao 35 taon ang nakalipas. National Capital Region (NCR) lang ang naiiba pero katiting pa rin ito sa 0.6% na itinaas mula sa nakaraan—wala rin talagang pag-unlad. At kung lilipas ang isa o higit pang buwan ng inflation, lalo pa itong bababa.

Sa madaling sabi, mas malubha ang sitwasyon ng mga sumasahod ng minimum wage ngayon kaysa 35 na taon sa nakaraan. Ibig sabihin din nito, mas matiwasay ang buhay ng mga employer at may-ari ng mga kompanya kumpara sa 35 taon na nakalipas. Sila ang benepisyaryo ng pagpigil sa dagdag-sahod dahil sa kanila napupunta ang kita mula sa pagiging produktibo ng mga manggagawa.

Naglalaro ang nominal minimum wage sa pagitan ng napakababang P336 sa Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (Barmm) hanggang sa P610 ng NCR na parehong mukhang mas malaki kaysa sa P89 noong Hulyo 1989. Pero hindi naman nauungusan ng tingi-tinging umento ng RWB ang dekadang inflation. Bumaba pa nga ng 26% ang average na tunay na halaga ng sahod sa mga rehiyon. Dumausdos ng 54% sa Barmm habang babahagya lang ang 0.6% na inangat sa NCR.

Kung kukuwentahin ang mga presyo noong 2018, masasabing ang halaga ng average minimum wage noong Hulyo 1989 ay nasa P474, na higit na mataas kaysa sa P349 ng kasalukuyan.

Magpapalala raw ng inflation ang P100 na umento sa sahod, sabi ng mga tutol dito. Pero sa datos ng Ibon, tinatayang nasa 7.1% lang ng kita ng pribadong mga kompanya ang katumbas ng P100 across-the-board (ATB) minimum wage o umento para sa lahat, hindi lang ang minimum wage. May kakayahan ang mga employer na saluhin ang epekto ng dagdag-sahod nang hindi lalong nagmamahal ang mga produkto at serbisyo.

Mas malaki kaunti ang epekto nito sa kita ng micro, small and medium enterprises (MSMEs) kumpara sa malalaking negosyo. Ang epekto ng P100 ATB wage hike ay  7.5% sa mga MSME—7.9% sa micro, 7.6% sa small at 6.7% sa medium size na mga negosyo—habang 6.7% naman sa kikitain ng malalaking korporasyon.

Nanggaling ang mga numero na ito mula sa pinakahuling Annual Survey of Philippine Business and Industry (ASPBI) noong 2021 at sa datos ukol sa average daily basic pay ng parehong taon mula naman sa Philippine Statistics Authority. ASPBI na ang pinakamalawak na regular na sarbey ng mga pribadong negosyo sa bansa na nakakalikom ng aabot sa 38,000 na tugon.

Madalas gamitin ng mga kalaban ng dagdag-sahod ang datos na nagsasabing 98.6% ng mga establisimyento sa bansa ay MSMEs. Ngunit kung titingnan ang employment, mayorya o 54.4% pa rin ng mga manggagawa ang nagtatrabaho para sa malalaking kompanya kung ikukumpara sa 45.6% ng MSMEs.

Walang basehan ang pagkataranta at pananakot ng mga employer. Kung titingnan ang datos sa lahat ng establisimyento ng anumang laki at sa lahat ng sektor sa buong bansa, 10.9% lang ng ginagastos para sa pagpapatakbo ng negosyo ang napupunta sa pagpapasahod ng mga empleyado. Kung titingnan sa laki ng negosyo, 7.7% ang gastos para sa pasahod ng micro, 7.8% sa medium, at 13.9% sa large enterprises.

Madalas gamitin ng mga kalaban ng dagdag-sahod ang datos na nagsasabing 98.6% ng mga establisimyento sa bansa ay MSMEs. Ngunit kung titingnan ang employment, mayorya o 54.4% pa rin ng mga manggagawa ang nagtatrabaho para sa malalaking kompanya kung ikukumpara sa 45.6% ng MSMEs.

Mukha ring nakakabawi na ang mga pribadong korporasyon mula sa pandemya. Sa pagitan ng 2020 at 2021, lumago ng 28% o higit P2.5 trilyon ang kita ng lahat ng establisyimento habang 104% naman ang nilago ng Top 1000 na korporasyon. Katumbas ito ng P1.8 trilyon. Samantala, walang inunlad ang average na minimum na sahod sa lahat ng mga rehiyon.

May kumakalat ding maling impormasyon na nagsasabing ang Pilipinas ang isa sa may pinakamalaking gastos sa pagpapasahod ng mga empleyado sa buong rehiyon. Sa totoo, panglima o pang-anim lang sa Timog Silangang Asya.

Tiningnan ng Ibon ang minimum wage sa rehiyon at ikinumpara ang mid-range sa bawat bansa na may minimum na sahod o ang average ng pinakamababa at pinakamataas na pasahod. P13,890 ang buwanan na mid-range ng minimum wage earners sa Pilipinas, mas mababa nang ‘di hamak sa P15,832 ng Malaysia at P16,309 ng Thailand. Mas mababa rin ito sa datos ng Brunei at Singapore na walang batas para sa minimum wage.

Sa taya ng Japanese External Trade Organization (JETRO) noong 2023, mas mababa ang pasahod sa manupaktura ng Pilipinas kung ikukumpara sa Singapore, Malaysia, Thailand, Indonesia at Vietnam. Habang ang pasahod sa mga industriyang labas sa manupaktura naman ay mas mababa kaysa Singapore, Malaysia, Thailand, Indonesia, Vietnam at Cambodia.

Tiyak na may malubhang pangangailangan sa umento sa sahod ang mga manggagawang Pilipino at mga pamilya nila para makayanan ng mga ito ang nagmamahal na mga gastusin. Halimbawa, NCR na ang may pinakamataas na nominal minimum wage sa buong bansa pero nasa kalahati (51.1%) lang ito ng P1,193 family living wage (FLW) o makabubuhay na sahod para sa isang pamilya na may limang miyembro noong Enero 2024. Samantalang ang average na minimum wage sa buong bansa na P438 ay isangkatlo lang (36.5%) ng P1,198 na average nationwide FLW.

Dapat mas isaalang-alang sa wage setting ang dinaranas ng mga manggagawa at ang tunay na pangangailangan para sa isang disenteng sahod, lalo na’t nasa kapasidad naman ng mga employer na bayaran nang higit pa ang mga empleyado nila. Dapat rin hindi itinuturing na pabigat sa ekonomiya ang mga manggagawa at ang sahod nila. Ang mga manggagawa ang lumilikha ng halaga sa isang ekonomiya, at ang ekonomiya ay para sa kanila.

Sa huli, hindi lang minimum wage earners at mga pamilya nila ang may benepisyo mula sa dagdag-sahod, kung hindi pati ang kanilang mga komunidad at ang kabuuang ekonomiya. Totoo na hindi sakop ng labor regulations ang tatlong kapat (74%) ng 44.2 milyong empleyado na self-employed, informal worker o bahagi ng impormal na sektor. Pero mas magkakaroon ng positibong epekto sa ekonomiya ang umento sa sahod at pagdagdag ng pera sa mga bulsa ng manggagawang Pilipino kung ikukumpara sa pagbubulsa ng kita ng mga employer.

Mas marami ang makakayanang bilhin ng mga trabahador at mga pamilya nila dahil sa dagdag-sahod. Maaaring gastusin nila ang kanilang sahod sa mga MSME, kasama na ang mga impormal na negosyo sa komunidad. Sisigla ang ekonomiya, masusuportahan ang mga maliliit na negosyo, at higit na lilikha ito ng mga trabaho. Kung gusto ng wage hike, maraming paraan.