Balik-Tanaw

Enhanced Defense Cooperation Agreement


Sampung taon na ang Enhanced Defense Cooperation Agreement sa pagitan ng Pilipinas at United States na walang pakinabang sa mamamayang Pilipino.

Sampung taon na matapos pirmahan noong Abril 28, 2014, sa ilalim ni dating Pangulong Benigno Aquino III, ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa pagitan ng Pilipinas at United States (US).

Naglalayon umano itong palakasin ang kakayahang pangmilitar ng Pilipinas sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga tropang Amerikano gamitin ang mga pasilidad sa mga base militar at kampo ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Dahil dito, patuloy na dumarami ang bilang ng mga sundalong Amerikano sa Pilipinas at nabibigyan sila ng pagkakataon na makapag-imbak at magpuwesto ng mga kagamitang pandigma.

Subalit noong nakaraang taon, kinondena ni Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang pagbibigay ng P124 milyon na badyet para sa “counterpart fund” ng EDCA na hiniling ng AFP.

At katulad ng paghahari ng mga baseng Amerikano sa Clark at Subic, hindi rin malabo na lolobo ang mga kaso ng mga paglabag sa mga karapatang pantao sa mga komunidad na malapit sa mga EDCA site.

Sa kasalukuyan, may limang orihinal na lokasyon ang EDCA—Basa Air Base sa Pampanga, Fort Magsaysay sa Nueva Ecija, Lumbia Air Base sa Cagayan de Oro, Antonio Bautista Air Base sa Palawan at Mactan-Benitio Ebuen Air Base sa Cebu.

At may apat na bagong lokasyon—Camilo Osias Naval Base at Lal-lo Airport sa Cagayan, Camp Melchor dela Cruz sa Isabela at Balabac Island sa Palawan.

Noong Abril 16, pinabulaanan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang forum ang mga usapin na muling magdadagdag na panibagong kampo para sa EDCA. Ngunit sa takbo ng relasyon niya sa US, hindi tayo nakasisiguro.

Posible na maging mitsa ito ng pagtaas ng tensiyon sa China sa West Philippine Sea na makakaapekto sa ekonomiya at seguridad ng Pilipinas.