Editoryal

Katunggali ang China, huwad na kakampi ang Amerika


Dapat igiit ng Pilipinas ang kanyang soberanya habang tinitiyak na ligtas ang mamamayan sa peligro at lalo na sa giyera. 

Nitong Mar. 23, muling inatake ng water cannon ang barko ng mga Pilipinong naghahatid ng suplay sa mga sundalo sa Ayungin Shoal. Tatlo ang sugatan sa halos isang oras na pambobomba ng tubig sa mga Pilipino. Pangalawang insidente na ito sa Marso, at kahit noong nakaraang taon naging kalakaran na ito ng mga barkong Tsino kapag nasisipat ang anumang presensiya ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS). 

Alam nating matagal nang pinagtutunggalian ng China at Pilipinas ang pagmamay-ari ng dagat. Liban sa usaping teritoryo, sinumang may kontrol sa WPS ang hahawak din sa katumbas na halagang $3.4 trilyon. 

May sikretong usapan naman daw kasi o “gentleman’s agreement” sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang Beijing, ayon kay dating Malacañang spokesperson Harry Roque. Kapag maghahatid ng suplay sa Ayungin, dapat raw pagkain at tubig lang, at kung hindi, maglalakas-loob na sumalakay ang China. 

Talaga naman itong si Digong, may pahabol pang mga lihim na patakaran na tila nagsusuko ng karapatan at soberanya ng Pilipinas. Noong nangangampanya siya, pangako pa niyang sasakay ng jetski bitbit ang bandila ng Pilipinas na ititrik niya sa isa sa mga isla sa WPS. ‘Yon naman pala, bandilang puti, o surrender ang dala niya at muling nabuking ang nagkukunwaring matapang na lider. Traydor!

Nais ng China na kontrolin ang buong WPS, maging ang politika at ekonomiya sa mga bansa sa Asya-Pasipiko. Bilang mayor na karibal ng United States (US) sa kapangyarihan, kailangan ng China ang WPS at ang Pilipinas sa kanyang ambisyon. Dapat igiit ng Pilipinas ang kanyang soberanya habang tinitiyak na ligtas ang mamamayan sa peligro at lalo na sa giyera. 

Ito namang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., agad nagsabi na hindi tumitiklop ang Pilipino sa gitna ng muling pambu-bully ng China. Bago matapos ang buwan, binuo niya ang National Maritime Council (NMC), isang panibagong task force ng gobyerno para ‘di umano’y harapin ang mga usaping panseguridad kaugnay ng WPS at China. 

Pero bakit nga ba tayo magbubuo ng panibagong task force? Para saan pa ang sandatahang lakas natin at iba pang ahensiya ng gobyerno? Ibig sabihin ba, bago ang NMC, walang mekanismo ang Pilipinas para ipagtanggol ang sarili?

Ang nais ng mga mangingisdang Pilipino, siyang pinakamahihirap nating mga kababayan, na magpatuloy sa kanilang kabuhayan nang ligtas at may suporta ng pamahalaan. Maraming mangingisda ang nahihirapan sa arawang kita nila dahil sa China, pero higit na paghihimok sa giyera ang tugon ni Marcos Jr.

Malakas ang loob ng pangulo dahil alam niyang may backer na siya sa Washington. Ang Balikatan exercises ngayong buwan ay isa lamang sa 500 na operasyon na gagawin ng mga sundalong Amerikano sa bansa.

May masamang balak ang US: gawing estasyon o outpost ang Pilipinas para makipagdigma sa China para sila ang magkaroon ng kontrol sa WPS. Dati nang hinahayaan ng gobyerno na magpagamit ang Pilipinas pabor sa interes ng Amerika. Sa bisa ng Visiting Forces Agreement (VFA) at Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), ginagamit ang Pilipinas bilang base ng Amerika sa rehiyon. Sa atin tinatambak lahat ng pinaglulumaang armas, at mismong kaban ng bayan niatin ang pumopondo sa pagbabase ng mga sundalong kano sa lupain natin.

Lahat ng giyera ng US, nagpadala ng suporta ang Pilipinas kahit hindi naman tayo kasali. Ngayon, nagpapauto na naman si Marcos Jr.! 

Hindi Pilipino ang makikinabang sa paghahamon ng giyera ng US, Pilipino ang gagamiting kasangkapan! Hindi porke’t malakas ang kalaban, e kakampi tayo sa dati nang nanloloko sa atin hindi ba?

Dapat lumayo sa mapangwasak na komprontasyon ang mamamayang Pilipino. Ang papet ng US na si Marcos Jr., kagaya ng kanyang ama, ang maghahatid sa atin sa higit na kapahamakan. Kung talagang ginigiit ng gobyerno ang WPS, gagawa siya ng paraan at hindi magsusumbong sa amo niyang gigil na sa gera.