Motion for Reconsideration sa labor cases, kailan kailangan?
Ano ang tamang proseso ng pag-apela sa mga kasong may kinalaman sa paggawa?
Sa sistema ng hustisya sa ating bansa, napakahalaga ng tinatawag na Motion for Reconsideration (MR).
Nangangahulugan ito na ang natalo sa isang kaso’y mayroong pagkakataon na humingi sa ahensiya o hukuman kung saan natalo na muling pag-aralan ang kaso at magbigay ng bagong desisyon dito.
Pinapayagan ng halos lahat ng korte sa ating bansa ang paghahain ng MR. Pinapayagan ito sa Regional Trial Court, hanggang sa Court of Appeals, at maging sa Korte Suprema, maliban lamang sa Municipal o Metropolitan Trial Court.
Ngunit pagdating sa labor cases, may mga pagkataon na hindi ito pinapayagan.
Tulad halimbawa, sa mga desisyon ng Labor Arbiter, hindi pinapayagan ang ano mang MR. Kung hindi ka kontento sa desisyon ng Labor Arbiter, maaari kang mag-apila ng diretso sa National Labor Relations Commission (NLRC).
Ganito rin ang proseso sa mga desisyon ng mga Regional Director ng Department of Labor and Employment (DOLE). Hindi ka maaaring magsampa ng MR mula sa mga desisyon ng DOLE Regional Directors.
Kung hindi ka kontento sa kanilang desisyon, maaari mo itong iakyat sa tanggapan ng Secretary of Labor and Employment pero hindi ka maaaring humingi ng MR sa desisyon ng Regional Director.
Ito ang nangyari sa kaso ng “Department of Labor and Employment (DOLE) vs. Kentex Manufacturing Corporation and Ong King Guan” na hinatulan ng Korte Suprema noong Hulyo 8, 2019.
Sa nasabing kaso, isang sunog ang nangyari sa pabrika ng Kentex Manufacturing sa Valenzuela City. Nasa 72 manggagawa ang namatay sa nasabing sunog, bukod pa sa malaking bilang ng mga manggagawang nasaktan.
Dahil dito, pumunta ang mga taga-DOLE sa Kentex upang malaman kung ang sunog ay dahil sa paglabag ng Kentex sa occupational and safety standards at upang malaman din kung sumusunod ba ito sa labor laws and regulations kaugnay sa karapatan ng mga manggagawa.
Sa proseso ng imbestigasyon, lumabas na kinontrata ng Kentex ang CJC Manpower Services (CJC) para maglagay ng mga tao na kailangan sa pabrika. Lumabas din sa imbestigasyon na hindi rehistrado bilang isang private recruitment and placement agency ang CJC.
Bukod pa rito, hindi rin sumusunod ang CJC sa occupational health and safety standards at mga labor standards tulad ng pagbabayad ng tamang sahod sa mga manggagawa.
Dahil dito, naglabas ng compliance order ang DOLE kung saan kanyang idineklara ang CJC bilang labor-only contractor at ang Kentex bilang principal nito.
Kung hindi ka kontento sa kanilang desisyon, maaari mo itong iakyat sa tanggapan ng Secretary of Labor and Employment pero hindi ka maaaring humingi ng MR sa desisyon ng Regional Director.
Sa mandatory conference naman na sinagawa ng DOLE, inamin ng CJC na wala silang service contract ng Kentex, na aabot sa 99 ka manggagawa ang nailagay nito sa pabrika ng Kentex noong araw ng trahedya, na wala ring employment contract sa pagitan ng CJC at mga manggagawa, na isang araw lamang sa loob ng isang linggo dumadalaw ang CJC sa Kentex para matingnan ang daily time record ng mga manggagawa, na binibigay ng Kentex sa CJC ang pera para sa sahod ng mga manggagawa na kulang na kulang para sa kanilang minimum na sahod sa kanilang trabaho.
Hindi naman tinanggap ng Kentex ang deklarasyon ng CJC. Ayon sa kompanya, nasa tamang halaga ang perang binibigay ng Kentex sa CJC para maging sahod ng mga manggagawa, dangan nga lang at nasunog ang mga dokumento tungkol dito.
Pagdating naman sa occupational health and safety requirements, nakasunod ang Kentex sa bagay na ito.
Hindi tinanggap ng DOLE ang ganitong paliwanag ng Kentex. Napatunayan ng DOLE na underpaid ang mga manggagawa sa kanilang mga sahod at obligado ang Kentex na sumunod sa occupational health and safety standards.
Sa order ng DOLE, inutusan nito ang Kentex Manufacturing Corporation, kasama na ang mga opisyal nito tulad ni Ong King Guan, na bayaran ng kulang-kulang P1.5 milyon ang mga manggagawa o ang mga tagapagmana nito. Imbis na iapela ang nasabing order, nagsampa si Ong ng MR tungkol dito.
Ipinaliwanag sa kanya ng DOLE Regional Director na bawal ang MR sa ganoong kaso at ang dapat niyang ginawa ay ang direktang iapela ito sa DOLE Secretary. Ngunit wala ng magawa itong sina Ong sapagkat nandoon na ang lahat.
Nang ibasura ng Regional Director ang MR, umakyat ang Kentex at si Ong sa Court of Appeals.
Naging pabor pa rin sa DOLE ang hatol ng Court of Appeals bagaman inabsuwelto nito si Ong dahil sa kakulangan ng patunay na kasama ito sa pangyayari. Napilitang iakyat ng DOLE sa Korte Suprema ang hatol ng Court of Appeals na nag-aabsuwelto kay Ong.
Sa naging desisyon ng Korte Suprema, nilinaw nito na ang kautusan ng DOLE na may kasalanan si Ong sa pangyayari ay naging pinal na dahil sa hindi ito naapela ng Kentex o ni Ong sa Secretary of Labor and Employment.
Sabi ng Korte Suprema, walang bisa ang hinaing MR ng Kentex at ni Ong sa DOLE Regional Director sapagkat ang dapat na remedyo ay ang pagsampa ng apela sa tanggapan ng DOLE Secretary, hindi ang paghahain ng MR.
Dahil nga pinal na ang hatol na dapat magbayad itong si Ong, wala na siyang magagawa kundii ang sumunod sa nasabing desisyon.
Sana’y may nakuha tayong aral sa kasong ito, mga kasama.