Husgahan Natin

Desisyon ng Court of Appeals sa kaso ng ‘Talaingod 13’

Hindi dapat baliwalain ang banta sa buhay ng mga Lumad sa kamay ng militar at paramilitar. Lumalabas na sa halip na protektahan ang mga biktima, ang tanggol-karapatan pa ang pinarurusahan.

Sino ang hindi nakakakilala kina Satur Ocampo at France Castro?

Si Satur Ocampo o Ka Satur ay isang manunulat at aktibistang naging kasapi ng House of Representatives nang tatlong termino bilang kinatawan ng Bayan Muna Partylist noong 2001 hanggang 2010.

Si Francisca Castro o Ma’am France naman ay isang guro na lider ng Alliance of Concerned Teachers (ACT). Siya ang kumatawan sa ACT Teachers Partylist sa House of Representatives noong 2016 hanggang 2025.

Bilang mga kongresista, maayos at malinis ang rekord nina Ka Satur at Ma’am France sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. 

Si Ka Satur ay naging pangunahing sponsor ng Overseas Voting Act na nagbibigay ng karapatan sa mga Pilipinong nakatira sa ibang bansa na bumoto sa halalan. Naging panguhing sponsor din siya ng Anti-Trafficking in Persons Act upang labanan ang human trafficking.

 Si Ma’am France nama’y naging House Deputy Minority Leader ng Kamara at isa sa mga nag-sponsor sa Kabalikat sa Pagtuturo Act na dumoble sa allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan mula P5,000 na naging P10,000. Naging pangunahing katulong din siya sa pag-apruba ng Free Tuition Law para sa libreng edukasyon ng mga estudyante sa mga state university and college.

Mahirap paniwalaan na sa kabila ng mga nagawang ito nina Ka Satur at Ma’am France ay kinasuhan pa sila ng child abuse o paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse , Exploitation, and Discrimination Act dahil sa nangyari sa Salugpungan school sa Talaingod, Davao del Norte.

Ang reklamong ito laban kina Ka Satur, Ma’am France at iba pang mga kasama tulad nina Salugpungan school administrator Ma. Eugenia Victoria Nolasco, mga school teacher at staff, ay gawa ng lokal na pulisya, kasama ang opisina ng social welfare development, noong Nobyembre 2018.

Nagkataon na noong panahon na iyon, isang grupo na pinangunahan nina Ka Satur at Ma’am France, ang nagsagawa ng isang national solidarity mission sa Talaingod upang magbigay ng tulong sa mga paaralang Lumad.

Kabilang sa kanilang pakay ay upang imbestigahan ang sinasabing paglabag sa mga karapatang pantao na gawa ng paramilitary group na sapilitang nagsara sa Salugpungan Community Learning Center.

Noong 2018, binuo ng pamahalaan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict na mabangis sa red-tagging, pag-atake at panliligalig sa mga progresibong indibidwal, kabilang na ang mga katutubo. 

Ang task force na ito’y tumatawag sa mga paaralang Lumad, katulad ng Salugpungan, bilang prente umano ng mga komunista. Nagtagumpay silang makumbinsi ang Department of Education upang bawiin ang permit ng mga Salugpungan school noon ding 2018.

Kaya noong Nob. 28, 2018, lumahok sa national solidarity mission sa Talaingod si Ka Satur at Ma’am France upang magbigay ng relief goods at mag-imbestiga sa mga paglabag sa mga karapatan ng mga Lumad kaugnay nang militarization, food blockade at aerial bombings sa gitna ng martial law ni Rodrigo Duterte sa Mindanao.

Noong gabi ng Nob. 27, 2018, nagbabala ang paramilitary group na sunugin ang mga mga paaralang Lumad sa nasabing lugar. Dahil dito’y inilikas ang mga guro ang mga mag-aaral upang mailayo sila sa panganib.

Sina Ka Satur at Ma’am France ang sumundo sa kanila noong sumunod na araw, ngunit pinigil sila sa isang checkpoint at inaresto. 

Ayon sa mga awtoridad, ang paglipat nila sa mga bata na walang koordinasyon sa kanilang mga magulang ay paglabag sa Section 10 (a) ng Special Protection of Children Against Abuse , Exploitation and Discrimination Act.

Subalit ang ginawa nina Ka Satur at Ma’am France ay ang pagsama lang sa mga estudyanteng Lumad sanhi nang pagsasara ng kanilang paaralan gawa ng pangha-harass ng militar at mga alipores nito.

Sa kabila ng lahat, guilty ang naging hatol ng Regional Trial Court ng Tagum City kina Ka Satur, Ma’am France at kanilang mga kasama . 

Ang binigay na parusa ng husgado ay ang apat hanggang anim na taon na pagkabilanggo nina ng mga akusado, dagdag pa ang pagbayad ng danyos.

Inapela nina Ka Satur at mga kasama ang nasabing hatol sa Court of Appeals. Ngunit nitong Dis. 16, 2025, natanggap nila ang hatol ng Court of Appeals sa kanilang apela, ngunit guilty pa rin sila sa nasabing kaso.

Ang huling hakbang na maaaring gawin nina Ka Satur sa kanilang kaso ay ang mag-file ng Motion for Reconsideration sa Court of Appeals. Kung hindi pa rin matitinag ang Court of Appeals sa hatol nito, maaari silang umakyat sa Korte Suprema sa pamamagitan ng Petition for Review.

Ang pangunahing depensa nina Ka Satur, Ma’am France at iba pang akusado sa nasabing kaso ay tumulong lang sila sa isang “rescue mission” sa mga estudyante at guro dahil sa pagsasara ng kanilang paaralan.

Ito’y bukod pa sa sapilitang paglikas sa mga estudyante at guro dulot ng tumitinding militarisasyon sa kanilang lugar.

Kaya lang, imbis na bigyan ng halaga ng Tagum Regional Trial Court at Court of Appeals ang depensa nina Ka Satur na ang kanilang ginawa ay dahil sa makataong dahilan, mas pinawalaan pa ng husgado ang alegasyon ng tagausig na nilabag daw ng mga nasasakdal ang batas tungkol sa proteksiyon sa mga bata.

Ngunit may Supreme Court pang maaaring akyatan ang kasong ito, mga kasama. Umaasa tayo na pakikinggan ng Kataas-taasang Hukuman ang panig ng mga nasasakdal sa kasong ito.

Bukod pa rito, hindi dapat baliwalain ang banta sa buhay ng mga Lumad sa kamay ng militar at paramilitar. Lumalabas na sa halip na protektahan ang mga biktima, ang tanggol-karapatan pa ang pinarurusahan.

Isa pa, ang Pilipinas, ayon kay Kabataan Partylist Rep. Renee Co, ay hindi sumusunod sa International Humanitarian Law sa pagpataw nito ng parusa sa mga humanitarian worker.

Dagdag rito ay ang double standard na hustisya. Lumalabas na mabilis ang hustisya laban sa mga kritiko ng gobyerno habang nananatiling malaya ang mga tunay na lumalabag sa karapatang pantao.

Ilan lang ‘yan sa mga argumentong maaaring gamitin sa Korte Suprema kaugnay ng “Talaingod 13” case.

Sana’y baliktarin ng Korte Suprema ang desisyon sa kasong ito lalo na at nabalitaan natin na kabilang na ang ating kapwa kolumnistang si Dean Tony La Viña na hahawak sa kasong ito sa Korte Suprema.

Sa lahat ng mga abogado sa kaso ng “Talaingod 13,” tibayan ang loob at tuloy ang laban!