Husgahan Natin

Walang tigil na pag-aapela

Kailangang maging masigasig ang isang manggagawa sa pagtangan ng kanyang kaso. Hindi siya dapat mawalan ng pag-asa kapag hindi naging kanais-nais ang unang desisyon.

Ang nangyari dito kay Joel sa kasong isinampa niya laban sa kompanyang kanyang pinagtatrabahuan ay mapagkukunan natin ng aral. 

Nagtatrabaho si Joel bilang isang roving pharmacist sa isang pharmaceutical company. Matagal nang nagtatrabaho rito si Joel at ang huli niyang gawain ay maging tagsusubaybay, tagapangasiwa at tagasiyasat ng iba’t ibang sangay ng kompanya.

Isang araw, nagsabi si Joel sa kompanya na hindi siya makapagtrabaho dahil masama ang kanyang pakiramdam, bukod pa sa nasa color coding ang kanyang sasakyan. Ngunit hindi naniwala rito ang General Manager ng kompanya. Sa halip ay inutusan niya ang Personnel Manager nila na gawan ng sulat itong si Joel na tumitiwalag o nagre-resign na ang huli sa kompanya.

Nang tumanggi si Joel na pirmahan ang nasabing resignation letter, sinabihan siya ng General Manager na umuwi na at huwag nang bumalik pa.

Ito ang nagtulak kay Joel na magsampa ng kasong illegal dismissal sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Sa panig ng kompanya, sinabi nitong nagtrabaho nga sa kanila bilang probationary pharmacist o driver itong si Joel ngunit paglipas ng isang buwan ay hindi na nito nagagawa nang tama ang kanyang trabaho. Pati na ang kanyang kapwa manggagawa, nahirapang makitungo sa kanya.

Ayon sa kompanya, minsang nagkaroon ng pagtatalo si Joel sa kanyang kapwa empleyado na naging dahilan nang hindi pagpasok ni Joel sa kanyang trabaho. Tinawagan ng kompanya itong si Joel ngunit hindi raw ito sumagot. 

Napilitang magpadala ng notice to explain ang kompanya kay Joel ngunit wala pa rin siyang aksyon. Nabigla na lang sila nang malamang nagsampa ng kasong illegal dismissal si Joel laban sa kompanya.

Pinaniwalaan ng Labor Arbiter ang kompanya at dinimiss ang reklamo nitong si Joel. Nag-apela si Joel sa NLRC at binaliktad naman nito ang desisyon ng Labor Arbiter. Sinabi ng NLRC na tinanggal ng kompanya nang walang sapat na dahilan itong si Joel kaya dapat  siyang bayaran ng backwages at separation pay.

Ang kompanya naman ngayon ang umakyat sa Court of Appeals. Sa naging hatol ng Court of Appeals, sinang-ayunan nito ang pagbalik kay Joel sa kanyang trabaho ngunit walang backwages.

Si Joel naman ngayon ang umakyat sa Kataas-Taasang Hukuman, ang Korte 

Suprema. Dito nilinaw ni Joel na may sakit siya bukod pa sa color coding ang kanyang sasakyan kung kaya siya hindi nakapasok sa trabaho. Sinabi niya ito sa General Manager ngunit hindi siya pinaniwalaan. Sa halip ay inutusan nito ang Personnel Manager na igawa ng resignation letter si Joel. Nang tumanggi si Joel na pirmahan ang nasabing resignation letter, sinabihan siya ng General Manager na umuwi na at huwag nang bumalik pa.

Sinabi ng Korte Suprema na dahil galing ang utos sa General Manager ng kompanya, dapat paniwalaan si Joel sa kanyang kuwento na tinanggal siya noong oras na iyon sa kanyang trabaho sa kompanya. 

Hindi rin natin maaaring sabihin, paliwanag ng Korte Suprema, na inabandona ni Joel ang kanyang trabaho dahil hindi na sana siya nagsampa ng illegal dismissal laban sa kompanya kung talagang iniwanan niya ang kanyang trabaho.

Dahil dito, nagdesisyon ang Korte Suprema na sundin ang desisyon ng NLRC na ibalik si Joel sa kanyang trabaho. 

Ito ang naging hatol ng Korte Suprema sa kasong Joel Tapia vs. GA2 Pharmaceutical Inc. (GR. No. 235725, Setyembre 28, 2022).

Anong aral ang makukuha natin sa kasong ito, mga kasama? 

Makikita natin na kailangang maging masigasig ang isang manggagawa sa pagtangan ng kanyang kaso. Hindi siya dapat mawalan ng pag-asa kapag hindi naging kanais-nais ang unang desisyon. Basta’t isipin niya na meron pang aakyatan ang kanyang kaso at maaari pang mabago ang desisyon na kanyang hinaharap.

Paano kapag nakarating na tayo sa Korte Suprema ngunit talo pa rin ang ating kaso? Simple lang mga kasama: ipakulam na lang natin ang kompanya.

Biro lang ito mga mambabasa! Sana ay huwag ninyong seryosohin.