Pop Off, Teh!

Biyaheng Czech Republic at Belgrade


Sa aking biyahe sa Czech Republic at pagkatapos ay sa Belgrade, wala akong ibang hiling kundi ang malugod na pagbabasa at pagkatuto mula sa estudyante ko.

Hindi ako excited bumiyahe papuntang Czech Republic o Belgrade—bansa at lugar sa Europa na ginagawang parodya ng mga kapwa guro para pagaanin ang bigat ng gawaing akademiko. Totoo naman kasing para kang magbabiyahe, pasirko-sirko sa mga sagot at output ng mga estudyante. 

Patapos na ang semestre at nahihirati na naman ang mga tulad kong guro sa pagche-check ng mga gawa ng estudyante—walang katapusang siklo ng pagbabasa, pagsusuri, at pagbibigay ng grado sa mga proyekto, takdang-aralin, at ibang gawaing panukat ng pagkatuto sa mga napag-aralan.

Minsan, naglilimi ako kung hanggang dito na nga lang ang siklo ng pagtuturo at pagtatasa. Madalas kasi, nagiging kahingian na lang ang mga ito at kung ituring ng mga estudyante ay pasan sa balikat sa halip na bahagi sana ng lugod ng pagkatuto. Kung puwede lang bigyan ng uno lahat ng mga estudyante at bigyan ng katiyakan na hindi naman talaga ang grado ang sukatan ng kanilang pagkatao.

Pero ang reyalidad katulad ng sinomang guro, kailangan niyang gawin ito upang makita kung sapat pa nga ba ang mga leksiyon at may kabuluhan pa ba ang mga itinuturo niya. Halo-halong emosyon ang nararamdaman ko sa tuwing nagche-check ako—tuwa, galit, init, bagot, lungkot.

Kasi naman, hindi ko nakukuha ang mga inaasahan kong sagot sa kanila. Kumbaga, dinadaan nila ako sa pagmi-Miss Universe. ‘Yong tipong nag-a-I believe kahit ang tanong ay ipaliwanag gamit ang teorya ang isang usapin. Masisisi ko ba sila? 

Isa pa, sobrang accessible na rin ngayon ng AI. Hindi ko naman masasabing dependent na sila sa AI pero minsan noong nagdaang semestre nasagad ang pisi ko sa dami ng nahuli kong gumamit ng AI. Matapos kong pasulatin ng book review sa isang noveleta, inilagay ko ang sarili kong tanong sa AI at voila! Parehong-pareho ng sagot sa nagsumite ng papel. Makailang ulit kong pinarebisa ang papel hanggang sa ako na mismo ang sumuko.

Maaaring resulta ito ng aking pagtuturo. O kaya ay repleksiyon din ng kalidad ng edukasyon sa Pilipinas.

Sa ulat nga ng Program for International Student Assessment (Pisa), kulelat na naman ang Pilipinas na nasa ika-77, mula sa 81 na bansang nasarbey. Pangalawa tayo sa pinakamababa sa Timog Silangang Asya, mas mataas lang tayo ng ilang hakbang sa Cambodia. Pang-anim tayo sa pinakamababa sa pagbabasa at matematika, samantalang pangatlo naman tayo sa pinakababa sa siyensa. 

Hindi, hindi naman talaga ako nawawalan ng pag-asa sa mga estudyante ko. Una, hindi ‘yang ranking ang sukatan ng husay. Nakabatay naman kasi ito sa neoliberal na mga patakaran sa edukasyon—isang negosyong kailangang lumikha ng produktong pakikinabangan ng kapital sa halip na maglingkod sa bayan.

Nabalitaan n’yo ang pagkalas ng University of Zurich sa Switzerland sa university ranking ng Times Higher Education? Ayon sa mga ulat, hindi na sila sasali sa university rankings dahil itutuon na lamang nito ang gawain sa pagpapataas ng kalidad ng kanilang edukasyon. Sa Pilipinas, matagal na itong isinusulong ng mga makabayang guro.

Pangalawa, marami pa ring estudyante ang kritikal at may sapat na talas para suriin ang mga problema ng lipunan. Naniniwala sila sa halaga ng paglabas sa apat na sulok ng paaralan. Sa kabila ng pinagdaanan ng kilusang kabataang estudyante, nananatili pa rin sila. Nakikita ko nga sa mismong sagot ng mga estudyante ko sa mga papel nila na sumasapi sila sa publikasyon o konseho para makapaglingkod at magamit ang kanilang talino at husay para mabago ang lipunan.

Pangatlo, para sa aming mga guro, mahalaga ang sistemang suporta at kasama sa pagsusulong ng makamasa, makabayan at siyentipikong edukasyon. Hindi magagawa ng guro nang nag-iisa ang pagbago sa sistema ng edukasyon.

Kung ang mukha ba naman ng edukasyon si Inday Sara, saan nga ba patungo ang kinabukasan ng kabataang Pilipino? Salamat sa mga kapwa unyonista tulad sa All UP Academic Employees Union na walang kapagurang kumikilos para sa kaguruan at research, extension and professional staff.

Sa aking biyahe sa Czech Republic at pagkatapos ay sa Belgrade, wala akong ibang hiling kundi ang malugod na pagbabasa at pagkatuto mula sa estudyante ko. Sana man lang, pagkatapos ng semestre mahawan nila ang landas para mamulat at maging mapanuri. Sapat na ‘yong pampalubag-loob sa mahabang biyahe.