Maligayang 95!
Sa CEGP ko tunay na natutuhan ang pagsusulat—ng balita, lathalain, panitikan at iba pang anyo ng pamamahayag.
Nagsimula akong pumasok sa publikasyon ilang buwan matapos ang pagpapatalsik kay Erap Estrada. Bilang freshie, curious ako kung bakit may mga aktibista sa kampus.
Isa sa mga unang nagmulat sa akin ay ang publikasyong Tandem, na una kong nabasa at agad na kinahiligan. Hindi ko inakalang makalipas lang ang ilang buwan ay magiging bahagi rin ako nito. Tatlong taon din akong naging manunulat ng Tandem at doon ko unang naranasan ang tunay na saysay ng campus journalism.
Kasabay noon, nang magbukas ang panawagan para sa publikasyon sa aming kolehiyo, ang NewCAS, nag-apply ako at natanggap bilang manunulat. Hanggang ngayon, natatawa pa rin ako kapag inaasar ako ng mga kaibigan dahil hindi raw ako kumbinsidong “abolish” ang tamang termino para sa ROTC at ipinagpipilitan kong “abrogate” ang dapat gamitin. Abrogate?! Hanggang ngayon, hindi nila iyon nakakalimutan.
Sa NewCAS rin nagsimula ang aktibo kong paglahok sa College Editors Guild of the Philippines (CEGP). Kalaunan, naging bahagi ako ng regional secretariat at lalo akong nahubog bilang mamamahayag at organisador.
Sa CEGP ko tunay na natutuhan ang pagsusulat—ng balita, lathalain, panitikan at iba pang anyo ng pamamahayag. Bilang bahagi ng CEGP-Ilocos Sur, isa sa mga pangunahing chapter sa rehiyon noon, nakapag-organisa kami ng iba’t ibang kampanya laban sa mga paglabag sa campus press freedom. Nakisangkot din kami sa mga usaping bayan, mula sa giyera laban sa terorismo at pagtaas ng presyo ng langis hanggang sa panawagang ibasura ang ROTC.
Malaking bahagi ng aking pagkatao bilang manunulat ang hinubog ng CEGP. Hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang islogan nitong “To write is already to choose.” Ang pagsusulat ay hindi lang paglalagay ng mga salita sa papel; ito ay pagpili ng paninindigan at pagtindig para sa katotohanan.
Ang una kong rali ay kasama ang CEGP. Hulyo 25 iyon, anibersaryo ng organisasyon. Sa harap ng flagpole, nagsalita ang mga lider-masa ng mga kaalyadong organisasyon, at doon ko unang naranasan ang pulso ng sama-samang pagkilos. Hindi ko rin malilimutan ang isang protesta sa La Union kung saan inagaw ng pulis ang aming megaphone habang nagmamakaawa ang isang kasama na huwag iyong kunin dahil “bago” pa lang iyon.
Nariyan din ang Ilocos Sur Guilder na inilathala namin gamit lang ang photocopy machine at printer ng student council, pati ang mga pahayag na tinutulungang ilimbag ng iba pang publikasyon.
Hindi rin mawawala sa alaala ko ang napakaraming Journalism Skills Training na aming isinagawa, kabilang ang pagtulong sa pagbubuo ng High School Editors Guild of the Philippines (HSEGP) at ang mga pagsasanay na idinaos pa sa seminaryo.
Mahina pa ang internet noon at wala pang social media sa Ilocos, kaya umaasa kami sa pagkamalikhain, tiyaga at sama-samang pagkilos upang maabot ang mas maraming estudyante.
Pero higit sa lahat, ang naaalala ko ay ang mga gabing halos hindi na kami natutulog dahil sa press work. Ang amoy ng bagong imprenta, ang pagmamadali sa layout, ang paulit-ulit na pagbabasa ng mga artikulo bago ilimbag. Kapag nagugutom, nagluluto kami ng simpleng ginisang gulay na may itlog—parang iyon na ang opisyal na pagkain ng mga puyat na guilder.
May mga gabing nauuwi sa walang katapusang kape at mahahabang pagninilay tungkol sa buhay, politika, panitikan at sa kung ano ang gusto naming maging mundo. Sa mga sandaling iyon ko napagtantong ang CEGP ay hindi lang organisasyon ng mga mamamahayag; isa rin itong espasyo ng pagkakaibigan, pangangarap at sama-samang paghubog sa isa’t isa.
Mauubos ang espasyo ng kolum na ito kung ilalahad ko ang lahat ng alaala ko sa apat na taon bilang guilder. Ang malinaw sa akin, malaking bahagi ng aking pagkatao bilang manunulat ang hinubog ng CEGP. Hanggang ngayon, dala-dala ko pa rin ang islogan nitong “To write is already to choose.” Ang pagsusulat ay hindi lang paglalagay ng mga salita sa papel; ito ay pagpili ng paninindigan at pagtindig para sa katotohanan.
Marami nang pinagdaanan ang CEGP sa loob ng 95 taon—may mga tagumpay, kabiguan at mabibigat na pagsubok. Ngunit higit sa lahat, paulit-ulit nitong pinatunayan ang kakayahang bumangon at magpatuloy. Dito ko rin nakilala ang ilan sa mga pinakamahahalagang kaibigan at kasamang dala ko hanggang ngayon.
Kaya sa pagdiriwang ng ika-95 anibersaryo ng CEGP, ang hangad ko ay mas marami pang tagumpay ang makamit ng organisasyon at mas marami pang mamamahayag pangkampus ang maging aktibo sa pagpapanatili ng tradisyon ng makabayan at demokratikong pamamahayag.
Ngayon, higit kailanman, mahalaga ang papel ng mamamahayag pangkampus sa pagmumulat, pagsisiwalat ng katotohanan at pagtatanggol sa kalayaan sa pamamahayag. Sumulat, magmulat, makibaka!