Desisyon ng Korte Suprema sa red-tagging, makabuluhan para sa lahat
Sa halip na idaan sa prosesong legal, ginagamit ang red-tagging bilang bahagi ng kampanya upang siraan at pasamain ang imahen ng mga nare-red-tagged na organisasyon o indibidwal.
Panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nang itayo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac).
Layunin ng NTF-Elcac na wakasan umano ang armadong pakikibaka ng grupong komunista dito sa ating bansa at isa sa mga paraan nila upang makamit ito ay sa pamamagitan ng red-tagging.
Ang red-tagging sa Pilipinas ay malisyosong pag-blacklist ng mga indibidwal o organisasyong kritikal o hindi ganap na sumusuporta sa mga aksiyon ng nakaupong administrasyon ng pamahalaan sa ating bansa.
Ang mga indibidwal at organisasyong ito ay binabansagan bilang “komunista” o “terorista,” anuman ang kanilang aktuwal na paniniwala o kinabibilangan sa politika.
Kadalasan, ang red-tagging ay nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan, militar, pulisya o iba’t ibang ahensiya ng seguridad sa bansa. Karaniwang target nito ang mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao, lider-magsasaka, lider-manggagawa at iba pang kritiko ng pamahalaan.
Sa halip na idaan sa prosesong legal, ginagamit ang red-tagging bilang bahagi ng kampanya upang siraan at pasamain ang imahen ng mga nare-red-tagged na organisasyon o indibidwal.
Ang epekto ng red-tagging sa kalayaan ng pagpapahayag at pagkilos ay lubhang napakalaki.
Dahil sa takot na maaakusahan nito, marami sa atin ang nagiging mas maingat sa pagpapahayag ng kanilang mga opinyon o pagtatanggol sa mga isyu ng karapatang pantao. Ito ay maaaring humadlang sa malayang talakayan at pampublikong partisipasyon.
Bukod pa rito, may mga pangyayari kung saan ang re -tagging ay nagiging sanhi ng mas malupit at mas mapanganib na aksiyon.
Maraming aktibista at kritiko ang naging biktima ng red-tagging at sila ay napabilang sa ilegal na pag-aresto, pangha-harass at minsan ay pagpaslang ng mga pulis at militar.
Malungkot sabihin pero sa kabila ng mga pagtutol mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan, nagpapatuloy ang red-tagging bilang isang polisiya sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.
Upang masulusyunan ang isyu ng red-tagging, ang mga grupo para sa karapatang pantao at mga progresibong organisasyon ng mamamayan ay nagtulungan upang wakasan ang gawaing ito.
Sinasabi nila na ang masusing pakikibaka para sa katarungan, kalayaan at respeto sa karapatang pantao ay mahalaga upang mapanatili ang integridad ng lipunan at ang karapatan ng bawat mamamayan na ipahayag ang kanilang saloobin nang malaya at walang pangamba.
Kadalasan, ang red-tagging ay nanggagaling sa mga opisyal ng pamahalaan, militar, pulisya o iba’t ibang ahensiya ng seguridad sa bansa. Karaniwang target nito ang mga aktibista, tagapagtanggol ng karapatang pantao, lider-magsasaka, lider-manggagawa at iba pang kritiko ng pamahalaan.
Sa kasong Siegfred Deduro vs. Maj. Gen. Vinoya (GR No. 254753) na hinatulan ng Korte Suprema noong Hulyo 4, 2023, idineklara na ang red-tagging ay banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mamamayan kung saan maaaring humingi ng mga iligal na solusyon, kabilang na ang paghingi sa writ of amparo, ang sinumang apektado rito.
Si Deduro ay isang aktibista at dating kinatawan ng Bayan Muna Partylist sa Kongreso.
Noong Hunyo 19, 2020, sa isang pagpupulong ng Provincial Peace and Order Council sa kanilang probinsya sa Iloilo, idineklara ng mga opisyal ng militar na kabilang si Deduro sa mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDF) na kumikilos sa pook na ito. Ang balitang ito ay ini-report ng Philippine News Agency at Bombo Radyo Iloilo.
Kaugnay nito, may mga poster ng nilagay sa iba’t ibang lokasyon sa Iloilo City na nagsasabing si Deduro ay isang teroristang kriminal at kasapi ng CPP-NPA-NDF. May mga pagkakataon ding si Deduro ay sinundan ng mga hindi kilalang tao.
Dahil dito, napilitang magsampa ng petition for a writ of amparo sa Regional Trial Court (RTC) ng Iloilo City si Deduro upang matigil na ang ginagawang ito laban sa kanya.
Sa kasamaang palad, dinismiss ng RTC ang petisyong sinampa nitong si Deduro. Ayon sa RTC, ang alegasyon tungkol sa red-tagging ay hindi sapat upang maituring na banta sa kanyang buhay, kalayaan at seguridad. Kaya napilitang iakyat ni Deduro sa Korte Suprema ang kanyang kaso.
Sa Korte Suprema, inihayag nito na nagkamali ang RTC sa ginawa nitong agad na pagbasura sa petisyon ni Deduro.
Sinabi ng Korte Suprema, ang petisyon para sa writ of amparo ay isang lunas para sa mga taong ang karapatan sa buhay, kalayaan o seguridad ay nalalabag o nanganganib na labagin ng isang pampublikong opisyal o kawani o pribadong indibidwal.
Ayon sa alegasyon ni Deduro, ang kanyang karapatan ay nilabag dahilan sa red-tagging sa kanya. Ito ay nagsisilbi bilang banta o panganib sa kanyang buhay, kaligtasan at seguridad.
Ang pagkaugnay sa grupong komunista o terorista ay dahilan upang ang red-tagged person o association ay puntiryahin ng mga vigilante, paramilitary group o mga ahente ng pamahalaan. Ito ang dahilan kung bakit ang red-tagging ay maituturing na banta sa buhay, kalayaan at seguridad ng mga tao o grupong nare-red-tag.
Kung kaya, hindi dapat na ibinasura kaagad ng RTC ang kaso ni Deduro, sabi ng Korte Suprema.
Dapat ay binigyan nito nang pagkakataon ang mga nakademanda upang sagutin ang reklamo ni Deduro upang maging batayan ng RTC sa pag-aaral sa nasabing kaso. Sa pagbasura ng RTC ng petisyon, lumalabas na hindi ito sumunod sa prinsipyo ng due process of law.
Binaliktad ng Korte Suprema ang desisyon ng RTC at inutos rito ang pagsagawa ng pagdinig upang mabigyan ng pagkakataon ang magkabilang panig na ipresenta ang kanilang mga ebidensiya sa nasabing kaso.
Ito mga kasama ang pinakahuling desisyon ng Korte Suprema tungkol sa red-tagging. Nawa’y maging aral sa atin ito, lalo na sa mga tulad natin na nagiging biktima ng masamang gawaing ito.