Kababaihan

Inaapulang tanglaw ng kababaihang katutubo


Sa pagsisiyasat ng Global Call to Action Against Poverty, maraming katutubong kababaihan at lider sa Pilipinas ang nabibiktima ng karahasan dahil sa militarisasyon, pananakot at red-tagging.

Mapagkalinga, malakas at matapang. Ganito madalas ilarawan ang mga katutubong kababaihan. Mga ilaw ng tahanan na walang tigil sa pag-aaruga sa kahit na sinong nakapaligid sa kanila. 

Pinapanatili rin nila ang tradisyonal na paraan ng pamumuhay at ang pagprotekta sa kanilang lupang sinilangan. Nagsisilbi silang makukulay na bulaklak sa tigang na kapaligiran.

Sa kasamaang palad, hindi pagkalinga’t pagmamahal ang sinusukli ng gobyerno at militar sa kanila. Luha at takot ang dulot ng mga karahasang dinanas nila bilang mga kababaihang katutubo.

Sa pagsisiyasat ng Global Call to Action Against Poverty (GCAP), maraming katutubong kababaihan at lider sa Pilipinas ang nabibiktima ng karahasan dahil sa militarisasyon, pananakot at red-tagging.

Pinangunahan nina Audrey Corce ng Innabuyog at Emi Carreon, isang lider ng samahan ng mga katutubo sa Abra, ang workshop na tumatalakay sa mga karahasang dinadanas at pagbibigay lakas sa mga kababaihang katutubo sa Kordilyera at Timog Katagalugan.

Isa ito sa mga workshop na isinagawa bilang bahagi ng 40th Peoples’ Cordillera Day sa Lubuagan, Kalinga noong Abril.

Pinamagatang “Empowering Indigenous Women: Cultivating Leadership and Solidarity in Asia towards Genuine Land Rights and Self-Determination” ang naturang workshop.

Mangiyak-ngiyak na ibinahagi ni Estefana (hindi niya totoong pangalan), isang katutubo mula Mountain Province, ang abusong kanilang dinanas sa kamay ng pulisya. Aniya sapilitang inagaw ng iisang tao ang 21 ektaryang lupain na minana niya sa kanyang pamilya.

Ayon kay Estefana, mas maliliwanagan sana sila kung dumaan sa tamang proseso ang pagkuha ng lupa. Subalit walang nangyaring ganoon dahil bigla nalang nagtanim ang mga pulis sa kanilang pribadong pag-aari ng walang pasabi.

Tumindi rin ang militarisasyon sa kanilang lugar. Nilusob sila ng mahigit 250 kataong composite team ng Philippine National Police noong Agosto 2023. Pinosasan at dinala sa police station sina Estefana at ang kanyang kasama kahit walang ipinakitang warrant of arrest. 

Takot at pagtataka ang naramdaman nila sa biglang paghuli kahit wala silang ginawang krimen. Aniya, kinasuhan sila ng iba’t ibang kaso gaya ng attempted homicide, grave threat at coercion.

Ibinahagi ng mga katutubong kababaihan sa mga dumalo sa workshop ang kanilang dinadanas na pang-aabuso sa kanilang karapatang pantao. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

Humihingi sila ng tulong sa kanilang komunidad upang maipaglaban ang kanilang sarili subalit walang nangyari. Naloko at naperahan na rin sila ng isang nagpakilalang nais tumulong. Sa kasamaang palad, binigo sila nito. Aniya sinisingil pa sila ng P1,000 kada araw para maiproseso ang kaso hanggang sa hindi na ito nagpakita bigla. 

Lumapit na sila kay Raffy Tulfo pero hindi naman ito nilabas sa telebisyon. Umabot na sa P1.2 milyon ang kanilang kailangang bayaran sa kanilang abogado sa Maynila pero hindi pa rin umusad ang kaso.

”Natatakot kami lalo na kapag nakakakita ng mga pulis,” sabi ni Estefena habang ipinapaliwanag na dumalo sila sa pagtitipon para humingi ng tulong.

Sa kabilang banda, iginiit ni Angela (hindi niya totoong pangalan), isang matandang katutubo mula Apayao, na mayroon ding militarisasyon sa kanilang lugar. Aniya, madalas silang tinatawag na “komunista” ng mga militar. Pinagbintangan ding gusto daw nilang patayin ang mga sundalo.

“Sino’ng papatay sa’yo? Patayin mo sarili mo kung gusto mo,” sagot ni Angela sa mga sundalo. Hindi naman sila marunong manakit ng kahit na sino kaya hindi siya natutuwa sa hinala.

Dagdag ni Angela, nanawagan siya na dagdagan ang sahod ng mga gurong nagtuturo sa mga katutubong komunidad. Matagal na nila itong ipinaglalaban pero wala pa aniyang nangyayari.

Ayon kay Bai Indigenous Women’s Network spokesperson at katutubong Dumagat na si Kakay Tolentino, matindi rin ang presensiya ng militar sa kanilang mga lupang ninuno. Ibinahagi n’ya na pinatay ang kanilang dalawang kasamahang katutubo dahil sa paghihinalang sinusuportahan nila ang New People’s Army (NPA).

Pinipilit aniya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-Elcac) ang kanilang buong komunidad na sumuko sa paghihinalang miyembro sila ng NPA. Kinokondena ito ni Tolentino pati ang pagsara ng NTF-Elcac sa kanilang binuong paaralan para sa mga katutubong Dumagat.

“Tingnan din po natin sa mas malawak na saklaw ang mga kalagayan ng katutubo, hindi lang po sa Kordilyera, at nagaganap din [ito] sa ibang lugar,” sabi ni Tolentino.

Ayon kay Gwendolyn Gaongen, isang katutubong Igorot mula Sagada, kinakatakutan nila ang pagtutok ng kanilang lugar sa turismo dahil napapabayaan na ang mga lokal na komunidad.

Madalas maubusan ng tubig ang mga lokal dahil napupunta ito sa mga transient house. Malaking dagok din ang El Niño sa kanila dahil hindi sila makapagsagawa ng tamang irigasyon para sa kanilang mga taniman na siyang malaking pinagkukunan ng kanilang pagkain.

”Mukhang mayaman ang Sagada pero hindi,” sabi ni Gaongen.

Dagdag dito, mayroon ng small-scale mining sa kanilang lugar kung saan tumatanggap na ng mga babaeng trabahador. Ito ang unang pagkakataong nangyari ito, ayon kay Gaongen. Ngunit kanyang ikinababahala ang mga kemikal na nalalanghap ng mga kababaihan pati ang kanilang mga anak dahil madalas silang kasama sa minahan.

Mga katutubong kababaihan at kabataan na naninirahan sa Brgy. Tanglag, Lubuagan, Kalinga. Charles Magallanes/Pinoy Weekly

Sa kabilang banda, ibinahagi ng isang ginang na katutubong Isneg mula Apayao na kasalukuyan nilang pinoproblema ang planong minahang bayan sa kanilang lugar. Maapektuhan nito ang daloy ng tubig mula sa bundok kung sakaling maaprubahan.

Negatibong maapektuhan nito ang kanilang ani dahil hindi sila makakapag-irigasyon lalo na kung dadagdag pa rito ang tagtuyot.

Ibinahagi naman ni Tolentino ang kanyang takot at galit sa proyektong mga dam sa Kaliwa at Kanan sa lalawigan ng Quezon at Laiban sa Rizal. Lulubog ang mga parte ng Aurora at ang hilagang mga nayon ng Quezon kung matutuloy ang mga ito.

Sapilitang pagpapaalis ang mangyayari sa kanila, tulad sa mga posibleng mangyari rin sa mga katutubong Igorot, at pagkamatay mga hayop at halaman kung matuloy ang pagtatayo ng mga dam at iba pang mapanirang proyekto. Hindi lang kabuhayan ang mawawala sa kanila kundi ang kanilang pagkakakilanlan bilang Dumagat.

Malaki ang gampanin ng katutubong kababaihan sa kanilang komunidad. Maliban sa pagiging ilaw ng tahanan, sila ang matatapang na walang pagod na pumoprotekta sa kapwa nila katutubo at sa kanilang lupang ninuno. Marapat lang silang protektahan, hindi saktan at abusuhin, ng pamahalaan.