Manggagawa ng Nexperia, nagbanta ng welga


Nananawagan ang Kilusang Mayo Uno sa lahat ng manggagawa na suportahan ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Nexperia para matiyak ang tagumpay nito.

Mahigit 15 pagdinig sa Regional Conciliation and Mediation Branch IV-A (RCMB IV-A). Mahigit siyam na buwang paghihintay.

Maraming beses nang nagprotesta at naghapag ng rekomendasyon ang Nexperia Philippines, Inc. Workers Union (NPIWU) laban sa malawakang tanggalan at union busting o pagbuwag sa unyon. Pero nagmamatigas pa rin ang management ng dayuhang semiconductor company at ayaw makipag-ayos.

Nitong Hun. 26, hindi na nakatiis at nagsampa na ng notice of strike (NOS) o pabatid ng welga ang NPIWU sa RCMB IV-A. 

Nakaugat ang NOS sa unfair labor practices tulad ng pagtanggal sa mga opisyales ng unyon, temporary layoff sa mga kasapi ng unyon at paglabag sa mga probisyon ng collective bargaining agreement (CBA).

“Ipinaglalaban namin ang job security na nilalaman ng CBA namin na dapat sundin ng Nexperia. In case of company-wide layoff, seniority should apply which is LIFO or last in first out and not performance-based na ginawa [nila] na ikinatanggal ng 62 manggagawa,” sabi ni NPIWU president Mary Ann Castillo.

Noong Set. 26, 2023, binabaan ng notice of termination ang walong manggagawa matapos hindi pumaloob sa voluntary separation program na inalok ng kompanya para sa mga apektado ng pagsasara ng Sensors Department. Pawang mga miyembro ng unyon ang tinanggal at tatlo rito ang mga opisyales.

Samantalang nitong Abr. 1, tinanggal naman sa bisa ng temporary layoff ang 54 manggagawa, lahat kasapi ng unyon. Kinatwiran ng kompanya ang “low volume” sa kabila ng pagmamandato nito na pumasok ang manggagawa kahit holiday at pahirapan ang pag-apruba ng leave.

Ibinase din sa “performance” ang pagtatanggal na labag sa napagkasunduan ng management at unyon. Sa praktika, ginagamit lang ng kompanya ang ganitong paraan para pahinain ang pag-uunyon ng mga manggagawa at durigin ang unyon kalaunan.

Ayon kay Castillo, may kasunod pang malawakang tanggalan sa Oktubre kung saan 72 manggagawa ang maaaring maapektuhan.

“Ipinapakita ng unyon na nakahanda na ito sa papataas na laban patunay dito ang papalakas na mga sama-samang pagkilos. Nakahanda na ito para ipagtanggol ang kinabukasan at pag-abot sa pinakamataas na pagkilos, ang welga,” sabi ng NPIWU sa isang pahayag.

Isa ang NPIWU sa pinakamatanda at pinakamalaking unyon sa Pilipinas. Kung sakaling matuloy ang welga, posibleng maparalisa ang produksiyon ng mga piyesang ginagamit ng mga multinasyonal na kompanyang nagmamanupaktura ng gadgets tulad ng Apple at Samsung at electric vehicles tulad ng Tesla.

Ngayon pa lang, nagpahayag na ng suporta ang mga manggagawa mula sa iba’t ibang pagawaan, unyon at pederasyon.

“Sa panahon ng walang habas na pananalasa ng mga neoliberal na patakaran, at paghahangad ng supertubo ng mga kapitalista, wasto, makatarungan at kinakailangan ang welga bilang sandata ng manggagawa upang ipaglaban ang nakabubuhay na sahod, tiyak at regular na trabaho at respeto sa karapatang mag-organisa at mag-unyon,” sabi ng sentrong unyon na Kilusang Mayo Uno (KMU).

Nananawagan ang KMU sa lahat ng manggagawa na suportahan ang pakikibaka ng mga manggagawa ng Nexperia para matiyak ang tagumpay nito.

“Ang ganitong pakikibaka at tagumpay ay magsisilbing inspirasyon sa buong bayan sa magiting na paglaban gamit ang sandata ng welga,” sabi pa ng KMU.