Pinakamatandang bilanggong politikal, laya na
“Lubos kaming nagagalak na makakauwi at makakasama muli na sa wakas si Tatay Gerry sa kanyang pamilya at asawang si Pilar sa mga huling taon ng kanilang buhay,” ani Fides Lim ng Kapatid sa Ingles.
Nakalabas na mula sa mahigit 12 taong pagkakapiit sa New Bilibid Prison ang 85 na taong gulang na si Gerardo dela Peña gabi ng Hun. 30. Nakulong ang magsasakang tubong Bikol dahil sa gawa-gawang kaso ng pagpatay.
Pinalaya si dela Peña sa bisa ng executive clemency na nilagdaan noong Hun. 29, resulta ng walang patid na kampanya ng mga grupong pangkarapatang pantao sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
“Lubos kaming nagagalak na makakauwi at makakasama muli na sa wakas si Tatay Gerry sa kanyang pamilya at asawang si Pilar sa mga huling taon ng kanilang buhay,” ani Fides Lim ng Kapatid, isang grupong sumusuporta sa mga detenidong politikal at kanilang pamilya, sa wikang Ingles.
Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, unti-unting nawala ang kanyang paningin dahil sa katarata at hirap na rin ang pandinig. Kung hindi umano dahil sa mga kuskos-balungos sa burukrasya, mas maaga pa dapat na nakalaya si dela Peña.
Dahil sa kampanya ng iba’t ibang grupo at pati na rin sa kanyang magandang asal, napababa noong Marso sa 12 taon ang sentensiyang 20 hanggang 40 taon sa piitan sa pamamagitan ng good conduct time allowance.
Isang organisador ng mga magsasaka sa Bikol si dela Peña na mula rin sa pamilya ng mga magbubukid. Sa kanyang kabataan, ipiniit at tinortyur siya ng pulisya at militar noong 1982 sa panahon ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.
Naging tagapangulo rin siya ng balangay ng Samahan ng Ex-Detainees Laban sa Detensiyon at Aresto (Selda) sa Camarines Norte at nagpatuloy sa pagiging aktibista sa kabila ng mga banta sa kanyang buhay at seguridad.
Inaresto siya at ang kanyang kapatid na si Artemio dela Peña noong Mar. 21, 2013 dahil sa gawa-gawang kasong pagpatay. Nahatulang nagkasala ang magkapatid kahit na malinaw ang ebidensiya na inosente sila at inako ng New People’s Army ang responsibilidad. Namatay siya sa loob ng kulungan dahil sa atake sa puso.
“Sa katotohanan, napiit ng eksaktong 12 taon at dalawang buwan noong Hun. 12 si Tatay Gerry na malinaw na sobra-sobra sa kanyang sentensiya liban pa sa good conduct time allowance na kanyang nakuha. Ang bawat karagdagang minutong inilagi niya sa loob ng selda’y isang malaking inhustisya para sa isang inosente,” sabi ni Lim.
Nagpasalamat ang grupong Kapatid sa Department of Justice sa pag-asikaso sa proseso, sa Commission on Human Rights sa walang maliw na suporta at sa mga organisasyon sa loob at labas ng bansa sa kanilang kolektibong pagkilos at panawagan sa paglaya ni dela Peña.
Nagpapatuloy rin ang kampanya ng Karapatan, Kapatid, Selda at iba pang grupong pangkarapatang pantao para sa agarang paglaya ng 90 pang nakatatandang detenidong politikal.