Balik-Tanaw

Hudyat ng rebolusyon sa Sigaw ng Pugad Lawin


Noong Ago. 23, 1896, nagtipon sa magubat na sitio ng Pugad Lawin ang tinatayang 1,000 Katipunero upang talakayin ang pagsisimula ng himagsikan.

“Punitin ang sedula!”

Hudyat ni Gat Andres Bonifacio sa pag-aaklas ng mga kasapi ng Kataastaasan Kagalanggalangang Katipunan na mga Anak ng Bayan (KKK) sa kolonyal na pamamahala ng mga Kastila sa Pilipinas.

Ang simula ng malawakang rebolusyon na kalauna’y maghahatid sana sa kalayaan ng Inang Bayan. Ito ang Sigaw ng Pugad Lawin.

Noong Ago. 23, 1896, nagtipon sa magubat na sitio ng Pugad Lawin ang tinatayang 1,000 Katipunero upang talakayin ang pagsisimula ng himagsikan sa Ago. 29.

Matapos itong matuklasan ng mga Kastila ang kanilang noo’y lihim na organisasyon dahil sa isang Katipunerong si Teodoro Patiño na nagbunyag ng pinaplanong rebolusyon ng grupo.

Ipinamalita ito ng kanyang kapatid sa isang Agustinong pari sa Tondo, Maynila. Nagresulta ito sa pagsalakay sa palimbagan ng Diario de Manila kung saan natagpuan ang mga dokumentong may kaugnayan sa Katipunan.

Ayon sa mga tagapagsiyasat mula National Historical Institute (NHI), naganap ang pagpupulong sa bakuran ng anak ni Melchora Aquino na mas kilala bilang Tandang Sora na tinaguriang “Ina ng Katipunan.”

Dito nangyari ang makasaysayang pagpunit sa mga sedulang tanda ng kanilang pagkaalipin at instrumento ng pamahalaang Kastila upang supilin ang mga karapatan at kalayaan ng mga Pilipino.

Ang sigaw sa Pugad Lawin ang nagsilbing hudyat sa mga pag-aalsa at nagbigay motibasyon sa mga maraming Pilipinong nagnanais ng tunay na hustisya at kalayaan. 

Mula sa maliitang pag-aalsa, naging isa itong rebolusyon na lumaganap mula sa Maynila patungo sa iba’t ibang lalawigan tulad ng Bulacan, Cavite, Pampanga, Tarlac, Laguna, Batangas at Nueva Ecija na kalauna’y kumatawan ang walong sinag ng araw sa watawat ng Pilipinas.

Maraming Katipunero ang nagbuwis ng buhay, maging si Bonifacio, sa pakikidigma , para makamit ang kalayaan na idineklara ni Emilio Aguinaldo noong Hun. 12, 1898 sa Kawit, Cavite.

Bagaman ginugunita taon-taon, maraming historyador ang naniniwalang hindi Ago. 23 at sa Pugad Lawin naganap ang makasaysayang pagpupunit ng mga sedula.

May mga salaysay na nagsasabing nangyari ito sa Balintawak noong Ago. 25 at 26. May ilang ding nagsabi sa Bahay Toro nangyari ang pagtitipon noong Ago. 24.

Sa kabila ng mga katanungan ukol sa lugar at petsa ng pinangyarihan, hindi nito mababago ang makasaysayang himagsikang naging hudyat ng kalayaan. Hindi nito mabubura ang sigaw ng mga naghimagsik para sa karapatan at kasarinlan sa sariling bayan.

Nagpapatunay din ito na makapangyarihan ang nagkakaisang bayan para makibaka laban sa pang-aalipin, pang-aalipusta at pagpapahirap. May kapangyarihan ang sigaw sa lansangan ng mga tunay na lumalaban sa tunay na katarungan, pamumuhay, kabuhayan at kalayaan ng mamamayang Pilipino.