Pop Off, Teh!

Kahon 


Kung isa ka sa mga naniwala na lalaki si Imane Khelif at naniwalang ‘di patas ang naging laban nila ng puting babaeng kalaban niya, tiyak na kasama ka sa mga nabiktima ng fake news.

Kung isa ka sa mga naniwala na lalaki si Imane Khelif at naniwalang ‘di patas ang naging laban nila ng puting babaeng kalaban niya, tiyak na kasama ka sa mga nabiktima ng fake news.

Napakahirap tanggapin na maraming Pilipino ang nagpaabot ng simpatiya sa isang puting boksingera at hinusgahan agad ang kalaban niyang Algerian. ‘Di umano, lalaki siya, transgender siya, at kung ano-ano pang pagpapalagay sa kanyang gender identity. Inakusahan pa nga ng dating solicitor general si Imane ng violence against women (VAW) at isang dating Comelec commissioner naman (mabuti na lang at binawi niya ‘di kalaunan) na unfair ang boksingera dahil transgender siya.

Siyempre, nanguna diyan si J.K. Rowling na walang kaabog-abog na sinabing “male” si Imane dahil sa kanyang sex characteristics. Kulang na lang ay hubaran ng mga tao si Imane para lang patunayang assigned female at birth (AFAB) siya. 

Nakakahiya na kahit na nilinaw na ng Olympic Committee at ng maraming dokumento ang identidad ni Imane, nanatili ang naratibong babaeng transgender siya. At naglabasan na nga ang mga masasakit na salita tungkol sa trans community, sukat ba namang tawaging “sir,” “he” at “male” si Imane!

Tila baga sinasabi sa lahat ng plataporma ng midya na walang karapatang mamuhay at mabuhay ang mga transgender na indibidwal. Kung tapak-tapakan ang identidad ng mga indibidwal na transgender ay para bang isang malaking abala o sagabal ang kanilang presensiya.

Saka na natin pag-usapan ang identidad, pero sa kasong ito, malinaw na napakadali nating mabulid sa mga impormasyon. Samantala, lagapak tayo sa pagiging kritikal at pagmumuni sa anggulo ng mga balita. Sa halip na suriin ang mga balita, mabilis pa tayo sa alas-kuwatrong magbigay ng opinyon—opinyong hindi pinag-iisipan nang mabuti at madalas nakasasakit o nakasisira ng iba. Tunay ngang “madaling maging tao pero mahirap magpakatao.”

Sa sikolohiya, mayroong ilang teorya na nagpapaliwanag kung bakit madali tayong mapaniwala sa mga maling impormasyon. Nariyan na ang primary effect o paghuhusga ayon sa unang impormasyong kanilang natanggap. ‘Di ba, noong nag-iiyak na ang puting boksingera dahil malakas ‘di umano ang pagkakasuntok sa kanya, inisip na agad nating “lalaki” lang ang may kakayahang manuntok nang malakas?

Isa pang teorya ang confirmation bias na inililinya natin ang pagtingin natin sa mga bagay-bagay ayon sa paniniwala at kaugalian natin. Kaya nga grabe ‘yong galit natin kay Imane dahil malalim ang paniwala natin na dalawahan lang ang kasarian at ang lakas ng katawan ay nakabatay sa kasarian kahit pa pinatutunayan ng siyensiya na lahat ng kasarian ay maaaring magtaglay ng pambihirang lakas. 

Magandang paglimian din natin ang lalim ng inabot ng rasismo at diskriminasyon kaya tayo nakabubuo ng mga opinyong mapangdusta at mapanakit. Iba ang pagtrato natin sa mga puti ang kulay—mas pinahahalagahan natin sila’t binibigyan ng kalinga at espasyo dulot ng kolonyal na mentalidad na humubog sa atin.

Isa pa, masakit mang aminin pero nakatali pa rin tayo sa Maria Clara syndrome—na ang babae ay mahina at parang babasaging pinggan na dapat ingatan at sinoman (kahit kapwa niya babae) na may ibang taglay na lakas at labas sa nakasanayan nating gawi ng babae ay marapat kuwestiyonin at sa huli, usigin.

Naisiwalat ang sapin-saping pagkamuhi sa kababaihan sa pangyayari kina Imane at sa Italyanang boksingera: Pagkamuhi sa cisgender na babaeng malakas at may kulay ang balat, labis na pagkamuhi sa transgender na babaeng wala mang kinalaman sa boksing ay kinamumuhian dahil sa kanilang pagiging babae. Kinakahon pa rin ng midya ang kababaihan sa mga isteryotipo at nag-aanyaya pa ng maraming porma ng dahas.

Nakalulungkot na balita dahil indikasyon din ito ng kakayahan natin upang iproseso ang impormasyong inihahatid ng midya. Sa halip na maging mapanuri’t matalas tayo, nagiging ampaw ang kamalayan natin. Hinihimok natin ang dahas sa mga sektor at grupong naisasantabi sa halip na makiisa tayo’t makibaka para sa kanilang kalayaan at pagsasakapangyarihan.