Pop Off, Teh!

Katawan ko, pasya ng iba?


Paurong at atrasado pa rin ang pagtingin sa konsepto ng katawan na siyang nagbubunsod ng marami pang porma ng pang-aabuso at pagsasamantala. 

Ano ang mararamdaman mo kung ang turing sa iyong katawan ay komoditi o kaya’y gamit? Naging maugong na talakayan ang pagtatalo nina Atty. Lorna Kapunan at Sen. Robin Padilla patungkol sa marital rape. Nilinaw ni Atty. Kapunan na ang kawalan ng consent o pagpapahintulot na makipagtalik ay maituturing na panggagahasa kahit pa ang dalawang tao’y mag-asawa. Mariing tinutulan ito ng senador na dating action star at iginiit na may pangangailangan din ang kalalakihan lalo na kapag sila ay “in heat.” ‘Di ba’t kapag sinabing in heat ay tumutukoy ito sa hayop na handa nang makipagtalik? 

Problematiko ang tindig ng senador sa karapatang sekswal lalo pa’t may dobol istandard siya pagdating sa pagtrato sa katawan ng babae. Ang argumento niya’y dudulo sa pagtingin na pag-aari ng asawang lalaki ang kanyang asawang babae sa halip na magkapantay sila sa relasyon at ituring ang pagtatalik bilang bahagi ng paglinang ng kanilang relasyon.

Pinuna ng kilusang kababaihan ang pagturing sa babae bilang bagay na maaaring gamitin. Wika nga Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party, marami pang kailangang matutuhan si Padilla sa usapin ng consent at nakababagabag na pagsusulong ng macho-patriarkal na pananaw ang kanilang pagtingin sa kababaihan.

Hindi naman na ako magtataka na ganito kabaluktot mag-isip ang senador lalo pa’t sa kanyang mga tindig sa usaping pangkasarian at pambayan—nangunguna na diyan ang pagsusulong ng Charter chang, ang pagsuporta niya sa drug war, pagtatanggol kay Quiboloy at iba pang problematikong tindig. ‘Yan ang numero unong senador!  

At ngayon, umaastang tagapagtanggol pa nga ang mga senador ng karapatang sekswal. Isang kabalintunaan ito lalo pa’t nakabinbin pa rin ang mga batas na may kaugnayan sa sekswalidad at relasyon tulad ng SOGIESC Equality at diborsyo.

Nakalulungkot ang mga pangyayaring ganito lalo pa’t 2024 na. Mababa pa rin ang kamalayan ng marami sa konsepto ng consent o pagpapahintulot. Paurong at atrasado pa rin ang pagtingin sa konsepto ng katawan na siyang nagbubunsod ng marami pang porma ng pang-aabuso at pagsasamantala. 

Hindi lang ito aplikable sa senador ngunit maging sa mga prodyuser, direktor, manunulat at iba pang kabahagi ng industriya ng showbiz. Kamakailan, nagpahayag ang aktres na Angeli Khang na nakaramdam siya ng pagkaligalig sa pag-shoot ng mga eksena sa mga pelikulang ginampanan niya sa isang streaming platform.

Matagal nang talamak ang mga ganitong eksena sa mga pelikula at palabas at madalas, dehado ang babae. Minsan nga, ipinagyayabang pa ng isang aktor na nadala na siya sa mga love scene at nasa punto nang gusto niyang ituloy kasama ang aktres.

Subalit ang tanong, payag ba ang kasama niyang aktres? Hindi na nabibigyan ng sapat na proteksiyon ang kababaihan sa mga eksenang bulnerable sila lalo pa’t sa ngalan ng makatotohanang pagganap, kung ano-ano ang maaaring gawin sa kanila.

Komoditi o produktong ibinebenta ang kababaihan at para na rin silang gamit na maaaring samantalahin at kaso nga ng mga streaming platform, sa ngalan ng views at kita. 

Repleksiyon ito ng inabot ng kamalayan ng mamamayan na pinanatili ng gobyerno nating tagapamandila ng macho at patriarkal na ideolohiya. Sa kabila ng pagmamalaki natin umabante na ang Pilipinas sa gender equality, buhay na buhay pa rin ang mga makalumang ideolohiyang iniwan sa atin ng mga nagdaang rehimen at ng mga kolonisador.

Sabi sa bibliya, ang katawan daw ay templo. Ako man ay naniniwala rito. Ang katawan ay lunan ng ating identidad at kaluguran ng pagiging tao natin. Hindi ito bagay na basta na lang gagamitin, ibebenta o ibibilad sa Senado para lang pagpiyestahan at gawing tampulan ng pamumulitika (at pagbibida-bida) ng mga taong baliko pa ring mag-isip.