Malunggay omelette
Mabilis at madaling gawin ngunit siksik sa sustansiya ang resiping ito para sa almusal ng mga bata bago pumasok sa eskuwela.
Naririnig natin palagi na ang almusal ang pinakamahalagang pagkain sa maghapon. Ngayong pasukan, marapat na may masustansiya at madaling gawin na pagkaing babaunin ng mga bata na papasok sa paaralan.
Ikaw man ay may full-time na trabaho o wala, ang umaga ay maaaring maging abala. Sa may mga anak naman na nag-aaral, paghahanda ng mga pagkain at babaunin sa paaralan ang ilan sa mga gagawin. Kaya sa maraming pagkakataon ang almusal ay nangangailangan ng mabilis at madaling paghahanda upang matiyak na sila’y makain at may maibaon.
Ang resipi na ito ay malusog dahil kilala rin ang dahon ng malunggay o moringa na superfood, maaaring isama sa mga ulam na may sabaw at siguradong masustansiya ang magiging ulam. Ginagamit din ito upang makatulong na lumakas ang produksiyon ng gatas ng ina at magpalakas ng immunity. Mainam itong source ng protina, bitamina at minerals.
Madali lang itong gawin na may kaunting paghahanda na makakatulong ng malaki upang gawing prayoridad ang almusal bago pumunta sa trabaho o pumasok ang mga bata sa paaralan.
Oras ng Paghahanda: 3 minuto
Oras ng Pagluluto: 5 minuto
Mga Sangkap
- 3 pirasong itlog
- 1/4 tasa dahon ng malunggay
- 2 tsp mantika sa pagluluto
Paraan ng pagluluto
- Basagin ang mga itlog sa isang mangkok. Lagyan ng asin at paminta ayon sa panlasa. Batihin gamit ang tinidor o panghalo hanggang maging medyo mabula at mahalo nang mabuti ang mga pampalasa.
- Kumuha ng sariwang malunggay, mula man sa inyong hardin, sa kapitbahay, o bumili sa palengke. Himayin ang mga dahon at hugasan nang mabuti nang maraming beses sa umaagos na tubig. Patuluin at gumamit ng tuwalya o papel na pampunas sa kusina upang maalis ang sobrang tubig.
- Painitin ang mantika sa kawali, ilagay ang mga binating itlog at ikalat ang mga dahon ng malunggay sa ibabaw ng itlog. Takpan hanggang maluto ang mga dahon ng malunggay pero huwag itong masyadong lutuin. Alisin ang takip at baliktarin.
Mga tip sa pagluluto
- Siguraduhing mainit na ang mantika upang hindi dumikit ang itlog sa kawali.
- Ayusin ang mga sangkap depende sa dami ng kakain.
- Dagdagan ang dahon ng malunggay ayon sa iyong kagustuhan.
- Maaaring isawsaw sa toyo na may kalamansi, ketchup ng kamatis, chili sauce, o anumang sawsawan na gusto mo.
Magandang kapareha
Ang resipi na ito ay masarap ipares sa plain rice, garlic rice o tinapay.