Pilipinong underemployed, dumarami


Ayon sa June 2024 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority, bumaba ang unemployment rate ng Pilipinas sa 3.1%, ngunit lumobo sa 12.1% o 6.08 milyon ang mga Pinoy na underemployed.

Sa kabila ng naitalang pangalawang pinakamababang unemployment rate sa halos dalawang dekada, lumobo naman ang underemployment rate ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) noong Ago. 7.

Ayon sa June 2024 Labor Force Survey ng PSA, bumaba ang unemployment rate ng Pilipinas sa 3.1%. Ibig sabihin, nasa 1.62 milyong Pilipino ang naitala na walang trabaho. Mas mababa ito sa 4.1% o 2.11 milyong Pilipino noong Mayo 2024 at 4.5% o 2.33 milyong Pilipino noong Hunyo 2023.

Ngunit nanatiling problema ang underemployment dahil lumobo ang bilang ng mga Pilipinong underemployed sa 12.1% o 6.08 milyon.

Nangangahulugan na dumarami ang mga manggagawa na nagtatrabaho sa mas mababa sa full-time o regular na mga trabaho o sa mga trabaho na halos hindi natutugunan ang mga pangunahing mga pangangailangan.

Pahayag ni National Statistician Dennis Mapa, mas mataas ang bilang ng underemployment noong Hunyo dahil sa mas mataas na bilang ng mga manggagawa na sumali sa lakas-paggawa. 

Ngunit pahayag naman ng Kilusang Mayo Uno (KMU), ang mga trabahong mababa ang kalidad, pansamantala o short-term, at mga may mababa at malaaliping sahod ang tunay na larawan na makikita sa datos mula sa sarbey. 

Nangunguna sa mga nililikhang trabaho ng estado ay nasa konstruksiyon, wholesale at retail trade, at food service. 

Ayon pa sa sentrong unyon, may mahaba at malalim na epekto rin sa problemang ito ang nagpapatuloy na malawakang tanggalan sa sektor ng electronics at garments sa kabila ng ulat ng pagtaas ng bilang ng mga manggagawa. 

Bingyang diin din ng grupo na ipinakita ng tuloy-tuloy na pagtaas ng underemployment rate na mababa ang sahod na natatanggap ng mga manggagawa at pakitang-tao na mga minimum wage hike mula sa mga regional wage board.

“Patunay rin ito na nakaasa ang ating ekonomiya sa foreign investment kung saan tayo ang laging lugi. Laging nakatali sa galaw ng merkado sa mga dayuhang bayan, laging inilalagay sa peligro ang trabaho ng manggagawang Pilipino,” sabi ng KMU. 

Panawagan ng KMU ang pagpapatupad ng gobyerno sa isang pambansang minimum na nakabubuhay na sahod at pagbubuo ng tunay na programa na maglilikha ng regular at pangmatagalan na mga trabaho para sa mga Pilipino.