Pop Off, Teh!

Posas


Lahat na ‘ata ng klase ng karahasan, mararanasan tuwing eleksiyon. Hindi tayo natututo at paulit-ulit na lang ang pagsasamantala sa atin ng mga tradisyonal na politiko at dinastiya.

Nakumbinsi ako ng isang kaibigan na panoorin ang “Balota” nitong nakaraang linggo. Aniya, interesante ang pelikula na dinerehe ni Kip Oebanda at pinagbibidahan ni Marian Rivera, kasama sina Sassa Girl at Esynr.

Nagsimula ang pelikula sa sirkus ng mga politiko noong 2007 na sina Edraline at Hidalgo. Hindi direktang pinangalanan kung sino ang politikong namimili ng boto pero mahihinuha na kung paano tratuhin ng mga politiko ang mahihirap, hamo nang ipagpalit ang kanilang dignidad, basta may mairaos lang ang bawat araw.

Sa gitna ng bilihan ng boto ay may nagaganap na welga ng mga manggagawa ng pagawaan ng incumbent mayor na si Hidalgo. Napatay ang isang manggagawa na nakikipaglaban para sa kanilang karapatan at nang umabot ito sa korte, ibinasura lang ang kaso.

Siyempre, dahil tungkol sa eleksiyon ang kuwento, mawawala ba ang mga patayan? Mula sa mga election officer, guro at kung sino-sino pa, nakahandusay at nakabilad na mga bangkay. 

Si teacher Emmy (Marian River) ay guro sa isang pampublikong paaralan na nagsilbi sa eleksiyon. Kasama ang kanyang “crush” na guro, isinakay sila sa van ng berdugong nagpanggap na election officer at sa isang liblib na lugar, pinagtangkaan siyang patayin. Napatay ang kasama niyang guro, samantalang siya, nakatakas habang nakaposas sa kanya ang ballot box.

At doon na nagsimula ang salimuot ng dahas, pananakot at panggigipit. Maraming nakagigimbal na pangyayari sa pelikula, kung minsa’y pigil-hininga ako habang pinapanood ang pagsuyod ng goons sa kagubatan para lang mahanap si teacher Emmy. Ginamit din ang anak niya at pinagtangkaan pa ngang patayin ng mga pulis.

Sa huli’y lumapit si teacher Emmy kay Edraline na malalantad na mamamatay-tao rin tulad ni Hidalgo. Hindi na sana makalalabas ng buhay si teacher Emmy nang buhay kung hindi rin siya gumamit ng talino at diskarte at higit sa lahat, kung hindi kumilos ang taumbayan para mapayapa siyang makalabas sa kamay ng politiko. 

Pamilyar ang senaryong ito sa atin. Sa tuwing darating ang eleksiyon, paulit-ulit ang ganitong kalagayan—dayaan, pagbili ng boto, panlilinlang, paggamit sa mga tao at pamamaslang. Lahat na ‘ata ng klase ng karahasan, mararanasan tuwing eleksiyon. Hindi tayo natututo at paulit-ulit na lang ang pagsasamantala sa atin ng mga tradisyonal na politiko at dinastiya.

Napamura na nga lang si teacher Emmy sa dulo ng pelikula kasi para baga tayong ginigisa sa sarili nating mantika. Katulad ni teacher Emmy, nakaposas tayo sa sistemang hindi mabago-bago dahil pare-pareho ang nakaluklok sa puwesto. 

Heto nga’t nalalapit na naman ang eleksiyong midterm. Hindi nakapagtataka na nagsisimula na ang mga politiko sa pag-groundwork. Hindi nga sila nahihiyang nagpopost sa social media ng retrato nila para batiin si Carlos Yulo at ang iba pang Olympian kahit wala naman silang ni gasinong ambag sa tagumpay ng mga atleta natin.

Nagsimula na rin ang mga “not a political advertisement” sa telebisyon at radyo para ibida ng mga trapo ang kanilang ‘di umano’y tagumpay. Naliligo na naman ng poster ang mga kalsada at nagsasabing “ingat.” Tama nga naman, mag-ingat tayo—sa mga tulad nila!

At makalilimutan ba natin ang pangalawang pangulo na nagsisimula na ring bumira sa kanyang dating ka-UniTeam para maitaas ang sarili at umastang oposisyon? Tunay ngang kalunos-lunos ang kalagayan ng bayan ngayon! Ang totoo’y pagod na tayong lahat sa sistemang mapaniil at mapagsamantala. Katulad ng mensahe ng pelikulang “Balota,” mamamayan pa rin ang mapagpasyang puwersa. 

Kamakailan, inanunsiyo ng Makabayan Coalition na magpapatakbo sila ng buong slate ng mga senador para sa paparating na eleksiyon. Isang pangahas na hakbang ito para sa mga progresibo lalo pa’t salat sila sa rekurso at makinarya. Ngunit ang hakbang na ito, masalimuot man at matinik, ay pagkakataon para itaas sa mainstream na politika ang mga makabayang agenda.

Sa hakbang na ito, nasa kamay na ng mamamayan na maging mapanuri at mapangahas kung talagang handa na ba tayo sa landas ng makabuluhang pagbabago o mananatili pa rin tayong nakaposas sa mga trapong sa huli’y ipagkakanulo lang tayo.