Pambansang Isyu

Araw-araw na aray ng taumbayan


Halos linggo-linggo kung magtaas ng presyo ng langis na sasabayan pa ng pagtaas ng singil sa kuryente. Sa patong-patong na taas-presyo, hindi na sumasapat ang pagtitipid.

May taas-singil na naman!

Lokang-loka na ang lahat sa halos araw-araw at linggo-linggong pagatatas ng presyo ng mga pangunahing bilihin at mga batayang serbisyo. Ito’y sa kabila ng barya-baryang pagtataas ng sahod ng mga manggagawa. 

Sa kabila ng ipinagmamalaki ng rehimeng Marcos Jr. na bumababang tantos ng implasyon at pag-unlad kuno ng ekonomiya, malayo naman ito sa araw-araw na katotohanan ng mamamayang Pilipino.

Halimbawa na lang, para sa mag-asawang Ribelin at Dison Aleonor, kailangang mamaluktot para magkasya sa napakaliit na kumot at magawang makatawid sa araw-araw.

Liban kasi sa nagtataasang presyo ng pagkain, apektadong-apektado ang pamilyang Aleonor ng pagtataas ng presyo ng langis at kuryente. Talagang mapapamura ka sa mahal! 

Ang daing ni Ribelin, isang manininda sa Divisoria sa Maynila at asawa ng isang jeepney operator, ang hirap na nga ng buhay, ang tindi pa ng banta sa kanilang kabuhayan. Ayon kay Ribelin, liban pa sa takot na dala ng Public Transport Modernization Program ng gobyerno, malaking dagok din sa kanilang pamilya ang pagtataas ng presyo ng langis at kuryente

Ngayong Setyembre na lang, muling nagtaas ang presyo ng langis nang P0.30 kada litro. Habang inanusiyo naman ng Meralco ang pagtataas ng halos P31.00 singil-kuryente sa kada 200 kilowatt hour (kWh) na konsumo. 

Aniya hinggil sa taas-presyo ng langis, “Ang laki ng nawala, kasi ‘yong dating kikita ka ng P1,000, P1,200 kapag ‘ber-months’ kahit papaano may P1,500 gano’n, sa ngayon suwerte na kung makauwi ng P600, P500. Halos [nakalahati].”  

Dagdag pa niya, sa ngayon nasa P1,300 ang average na kinikita ng asawa n’ya sa maghapon, hindi pa naiawas ang gastos sa boundary na kanilang ginagamit para sa maintenance ng kanilang jeep.

“Iyong matira sa driver na malinis, P500. Paano pa iyong nagba-boundary? Imagine-in mo yung nagba-boundary na P700 [o] P800 ang boundary nila,” anang ginang.

Sa isang araw na pamamasada ng kanyang asawang si Dison, nasa P1,000 ang badyet nito para sa diesel. Sapat para sa pito hanggang walong biyahe. Sinasaktohan ni Dison ang rush hour para makakuha ng maraming pasahero at masulit ang bawat patak ng krudo.

Pero ayon kay Ribelin, minsa’y tsambahan lang din sa pagkuha ng pasahero. Para sa ilang pasaherong nagmamadali, tiyak na nayayamot sa bawat kantong pagtigil ng jeepney, pero kailangang gawin ng mga tsuper ito, kagaya ni Dison, para kahit paano’y makadagdag sa maiuuwing kita.

Ngunit hindi nagtatapos ang pagdurusa sa pagpapalaki ng maiuuwing kita, agad itong sinusundan ng problema sa paano pagkakasyahin ito sa pangangailangan ng pamilya.

“Hindi na nga ako nagpupunta ng grocery store eh, kung ano na lang kulang, mantika, tingi muna,” pagbabahagi ni Ribelin.

Liban sa pagkain, iniisip din ng mag-asawa paano tutustusan ang edukasyon ng kanilang dalawang anak at ang pagbabayad ng mga batayang serbisyo tulad ng kuryente.

Malaking pasanin din para sa kanilang pamilya ang P1,000 na buwanang bill sa kuryente. Sa kada buwan kumokonsumo ng 100 kWh ang pamilya. Madalas refrigerator, electric fan, clip fan at rice cooker ang ginagamit nila.

Kung susundan ang pagkuwenta ng Meralco, aasahan ni Ribelin ang pagtataas ng P15 sa kanyang susunod na bill. Mukha mang maliit, pero kapag ipinagsama-sama ang kabuuang bilang ng sinisingil ng Meralco, bilyon-bilyong piso ang kakamaling kita nito.

Pareho din ang pinapasan na problema ng mag-asawang senior citizen na sina Al at Aurora. Araw-araw ding nakasubaybay ang mag-asawa sa balita para abangan kung magbababa o magtataas ba ang presyo ng langis sa darating na linggo. Tinetiyempo ng mag-asawa ang pagpapakarga ng langis batay sa galaw ng presyo nito. 

“[Noong 2021] bumili kami ng sasakyan dahil sa pandemya. Noong una kaming nagkaroon ng sasakyan, nasa P30 [hanggang] P35 lang kada litro ang presyo ng diesel. May panahon na pumalo pa sa P70 [hanggang] P75 ito kada litro,” ani Aurora. 

Para makatipid sa gas, sinisikap nina Al at Aurora na ipagsabay-sabay ang mga lakad ng kanilang pamilya para isang labasan na lang. Ngunit ang paghihigpit ng sinturon ay tumatagos hanggang sa kanilang bahay.

“Noong minsan, halos umabot ng P10,000 ang bill namin sa kuryente. Napadalas kasi ang pagbubukas ng air con dahil sa tindi ng init, tapos sumabay naman itong pagtataas ng singil sa kuryente!” sabi ni Aurora.

Kaya matapos ang lumobong bill, bumalik na lang sa pagtitiis ang mag-asawa, sinubok na ring patayin ang lahat ng mga hindi ginagamit na appliances para lang makatipid. 

Sa pagkakaunawa ni Ribelin, ang pagtataas ng presyo ng langis at iba pang batayang bilihin kagaya ng pagkain ay dahil sa implasyon sa bansa at sa buong mundo. Ngunit liban dito, isinisi din ni Ribelin ang kanyang pagdurusa sa pagiging pribado ng mga kompanya ng langis at kuryente.

Sa parehong linya ipinaliwanag ni Mimi Doringo, pambansang tagapagsalita ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay), ang pagtataas ng presyo ng langis at serbisyo.

Ani Ka Mimi, walang ibang masisisi sa walang ampat na pagtataas ng presyo ng mga batayang serbisyo kung hindi ang monopoloyo ng malalaking korporasyong ganid sa tubo, kagaya ng Meralco sa distribusyon ng kuryente at pamamayagpag ng mga malalaking korporasyon sa langis.

Dagdag pa niya, ang mismong mga patakaran ng gobyerno ang nagpapalakas ng loob ng mga ganid na kapitalista. Kagaya na lang ng pagpapatuloy ng Oil Deregulation Law (ODL) at Electric Power Industry Reform Act (Epira).

Para kay Ribelin, ang isang puwedeng magawa ng gobyerno ay ang pag-aalis ng buwis na ibayong nagpapamahal ng presyo ng langis, kagaya na lang ng excise tax, value-added tax [VAT] at expanded value-added tax [EVAT].

“Kumbaga maging exempted [ang langis], malaking bagay sana sa atin [‘yon], bawat galaw [kasi] natin langis eh,” aniya.

Dagdag ni Ka Mimi, dapat sama-samang ipaglaban ng mamamayan ang kanilang karapatan para sa abot-kayang serbisyong at sama-samang ipabasura ang ODL at Epira. 

“Gawing serbisyo imbes na negosyo iyong pagbibigay ng batayang serbisyo sa mamamayan! ‘Wag tayong pagkakitaan! Tanggalin ang VAT at EVAT na siyang nagpapasakit pa lalo sa mga konsyumer. At siyempre, dapat buwisan ang mayayaman dahil sila naman ang may bilyon-bilyong kita at hindi naman nagbibigay ng tamang pasahod sa mga manggagawa” giit ni Ka Mimi.