Pagninilay sa Inang Bayan

Aresto ni Quiboloy: Sintomas ng bulok na sistema


Hindi lang tungkol sa isang tao ang kaso ni Quiboloy. Tungkol ito sa buong sistema na nagpapahintulot sa mga indibidwal kagaya niya upang maging makapangyarihan na hindi nagawang salingin sa mahabang panahon.

Nag-iwan ng mahalagang marka sa kasaysayan ng pagkikibaka para sa hustisya ang pagkakaaresto kay Pastor Apollo Quiboloy. Ngunit sa isang banda, nagpakita ito ng mas malalim, mas malalang problema ng politika sa bansa—ang sistematikong kabulukan nito. Si Quiboloy na nahaharap ngayon sa maraming karumaldumal na kaso mula sa human trafficking hanggang sa pagiging bulaan nito ay matagal nang pinoprotektahan ng politikal na sistemang mas nakasandig sa mga alyansa at dinastiya na nagtataksil sa pananagutan at hustisya. Maaaring mangahulugan ng tagumpay ang kanyang pagkakaaresto subalit mistulang gasgas lang ito sa mataas at makapal na pader na itinayo ng mga korap at mga makapangyarihan. 

Linawin natin: Hindi lang tungkol sa isang tao ang kaso ni Quiboloy. Tungkol ito sa buong sistema na nagpapahintulot sa mga indibidwal kagaya niya upang maging makapangyarihan na hindi nagawang salingin sa mahabang panahon. Ang mga makapangyarihan niyang kaibigan—mula sa pamilya Duterte hanggang sa iba pang politikal na pangalan—ay nagmamadaling sumaklolo para dumipensa sa kanya nang magtungo ang awtoridad para arestuhin siya. Bakit? Sa Pilipinas, mas higit ang politikal na karera kaysa hustisya at ang mga pinuno natin ay gagawin ang lahat para mapanatiling matibay ang mga alyansang ito kahit ano’ng mangyari. 

Pinapagana ang politika ng Pilipinas sa isang sistemang depektibo at transaksiyonal kung saan ang mga dinastiya at mga alyansa ay mas nananaig kaysa batas. Sa ganitong sistema, mas umaangat ang mga kagaya ni Quiboloy dahil sa kanilang mga koneksiyon sa makakapangyarihang politikal na pamilya na nagbibigay sa kanila ng proteksiyon at hindi sa kung ano pa man. Hindi lang nagpapakita ng kahinaan ang matipid na tugon ng administrasyong Marcos Jr. sa kaso ni Quiboloy—isa itong repleksiyon ng masalimuot na sistemang pampolitika na nakalatag sa lipunan. 

Ngayong tuluyan nang natapos ang alyansa sa pagitan ng mga Marcos at mga Duterte, kailangang maging maingat ang administrasyon sa mga hakbang nito upang hindi gumuho ang sarili nitong kapangyarihan partikular sa Mindanao kung saan ang mga Duterte ay may malalim na impluwensiya. Kahit na ang hidwaan sa pagitan ng dalawang dinastiya ay nagpapakita ng oportunitadad para magkaroon ng tiyak na pagkilos, mas nagkaroon ng pag-aalinlangan dahil parehong nagnanais ang dalawa na mapanatili ang kanilang politikal na interes at kapital kung saan ang mga alyansa ay madaling mabuwag kahit kakabuo pa lang. 

Hindi lang ito problema ng mga Marcos. Ilang dekada na itong problema at patuloy na mananatili kung hindi wawasakin ang mga istruktura na nagpapahintulot sa ganitong klase ng politika. Hanggang naririyan ang mga political dynasty at dominante ang political patronage, ang mga taong may pera at impluwensiya ay patuloy na matatakasan ang hustisya habang ang buong bayan ang siyang magdurusa rito. Noon pa dapat naaresto si Quiboloy pero pinrotektahan siya ng ganitong sistema. Walang pakialam ang mga tagapangtanggol niya sa hustisya—mas mahalaga sa kanila ang kanilang politikal na interes. 

Sa isang lipunang may malalim na ugat ang Kristiyanismo sa pang-araw-araw na buhay—kailangang hamunin ang pananahimik at komportableng posisyon ng religious leaders na ito sa kagaya ni Quiboloy. Ang Simbahan bilang moral na tuntungan ng milyong-milyong mamamayan ay madalas umiiwas kapag ang mga makakapangyarihang indibiduwal ay nagtatago sa kabanalan ng Simbahan, inaabuso ang kanilang impluwensiya at lumalabag sa pinakadiwa ng hustisya, pagkamakatao at katotohanan.

Ang mga namumunong Kristiyano at mga komunidad ay kailangang harapin ang kanilang responsibilidad na nagpapanatili sa ganitong bulok na sistema dahil sa kanilang pananahimik o pagprotekta sa mga nagsasamantala sa kanilang pananampalataya para sa kapangyarihan. Kung totoo ang mga namumuno sa Simbahan sa kanilang misyon, kailangan nilang itakwil hindi lang ang mga kasalanan kagaya ng kay Quiboloy kundi higit ang politikal at ekonomikal na istruktura na nagluluwal sa mga ito. Ito ang panahon para manindigan ang Simbahan sa panig ng katarungan, hamunin ang mga dinastiya at korap na sistema na pumoprotekta sa kapangyarihan kapalit ng pagdurusa ng mga walang pangalan sa lipunan, at pamunuan ang kanilang mga tagasunod para manawagan ng pagbabago sa lipunang nawalan na ng moral na tuntungan. 

Sa bulok na sistema, nasa mamamayang Pilipino ang katuwiran upang manawagan ng mas maayos na lipunan. Hindi sapat na magbunyi sa pagkakaaresto kay Quiboloy; kailangang malaman natin kung bakit umabot ito ng ganito katagal at ilan pa ang kagaya niya, nagtatago sa likod ng mga kaalyado sa politika, naghihintay matapos ang susunod na eleksiyon upang manumbalik sa dati nilang kalakaran. Hindi maaaring manahimik at maging kampante na lang ang mamamayang Pilipino sa harap ng sistemang paulit-ulit na niyuyukaran ang hustisya sa altar ng kapangyarihan. 

Kailangang wasakin ang mga dinastiya na nagpahintulot sa mga kagaya ni Quiboloy na natatakasan ang hustisya. Kailangan natin ng mga lider na may pananagutan sa mamamayan, hindi sa kanilang mga personal na koneksiyon. Kailangan nating itigil ang pagboto sa mga pare-parehong pangalan, pare-parehong pamilya at parehong istruktura ng kapangyarihan na nagpapanatili sa sistema ng korupsiyon. 

Kailangang magising sa pagkakaaresto kay Quiboloy, hindi lang sa mga krimeng kanyang kinakaharap kundi higit sa sistema kung bakit ito nangyayari. 

Huwag nating kalimutan na ang kasong ito ay isa lang. Maliban kay Quiboloy ay ang hindi mabilang na kagaya niya na nakikinabang sa bulok na sistemang politikal na ito, pinoprotektahan ng pare-parehong makakapangyarihang alyansa. Kung totoo tayong seryoso sa pagbabago, kailangan natin isulong ang buong pagbabago sa ating politikal na istruktura. Mas higit ang nararapat para sa ating bansa, pero hindi ito magmumula sa pare-parehong mga pangalan at mga mukha. Magmumula ito sa kolektibong kapangyarihan ng mga mamamayan na nananawagan ng hustisya at hindi pakinabang sa politika ang prinsipyong gumagabay sa paggogobyerno. 

Ang tanong: Handa ba tayo na makipaglaban para sa pagbabagong ito? Dahil kung hindi, ang mga kagaya ni Quiboloy sa buong mundo ay magpapatuloy na mamamayagpag sa likod ng bulok na sistema.

*Unang inilathala sa wikang Ingles sa Davao Today.