Kalapastanganan ni Alan Peter Cayetano
Paano magiging mensahe ni Kristo ang pagtatanggol sa isang lider na may madugong rekord ng pagpaslang? Paano magiging maka-Diyos ang pagtatago ng katotohanan at pagbubulag-bulagan sa hustisya?

Sa Senate hearing na ipinatawag ni Sen. Imee Marcos, hindi lang naging tagapagtanggol si Sen. Alan Peter Cayetano kay dating Pangulong Rodrigo Duterte, ginamit pa niya ang pangalan ng Panginoon upang bigyang-katuwiran ang kanyang paninindigan.
Sa kanyang deklarasyon bilang “Ambassador of the Lord Jesus Christ,” tila nais niyang ipahiwatig na ang kanyang mga sinasabi ay hindi mula sa kanya kundi mula mismo sa Diyos. Isang matinding kalapastanganan, hindi lamang sa pananampalataya kundi sa mismong prinsipyo ng hustisya.
Sa Senate hearing na ipinatawag upang imbestigahan ang umano’y mga posibleng paglabag sa batas ng pag-aresto kay Duterte, kapansin-pansin ang papel ni Cayetano bilang tagapagtanggol ng dating pangulo. Hindi na ito nakagugulat, sapagkat matagal nang kilala si Cayetano bilang isang diehard Duterte supporter.
Sa halip na maging isang patas na mambabatas na naghahanap ng katotohanan at katarungan, pinili ni Cayetano na gamitin ang hearing upang ipagtanggol si Duterte, isang taong may mga lantad na pag-amin na siya mismo ang pumatay, nag-utos pumatay at nagpakawala ng madugong war on drugs na kumitil ng libo-libong buhay. Marami sa mga pinaslang ay pinaratangang “adik,” ngunit sa totoo’y mga inosenteng sibilyan, aktibista at kritiko ng gobyerno.
Ang mas nakagugulat pa ay ang deklarasyon ni Cayetano na siya raw ay isang “Ambassador of the Lord Jesus Christ.” Hindi lang ito pagpapanggap ng kabanalan kundi isang pag-aangkin ng banal na awtoridad upang bigyang-katuwiran ang kanyang paninindigan.
Sa kanyang paliwanag, ang isang ambassador ay hindi nagsasalita ng sarili niyang opinyon kundi nagsasalita para sa kanyang principal, na sa kanyang sinasabi ay si Kristo mismo.
Ngunit paano magiging mensahe ni Kristo ang pagtatanggol sa isang lider na may madugong rekord ng pagpaslang? Paano magiging maka-Diyos ang pagtatago ng katotohanan at pagbubulag-bulagan sa hustisya?
Ito ay hindi lang kalapastanganan sa Panginoon kundi isang pagpapakita ng matinding panlilinlang, isang estratehiya upang baluktutin ang pananampalataya at gawing kasangkapan ng politika.
Hindi ito ang “ambassador” ng Ebanghelyo ng pag-ibig at katarungan, kundi isang politikong ginagamit ang pangalan ng Diyos para pagtakpan ang kasalanan ng makapangyarihan.