Mga bulaang propeta sa balatkayo ng kapayapaan
Kung walang hustisya, ang kapayapaan ay nagiging hungkag na pangako na nagtatakip sa mas malalalim na sugat ng lipunan.

Ang krisis sa politika ng Pilipinas ngayon ay tila isang pagsubok sa pagitan ng katotohanan at huwad na pagkakaisa.
Sa harap ng tatlong reklamo ng impeachment laban kay Pangalawang Pangulo Sara Duterte dahil sa mga akusasyong may kinalaman sa korupsiyon at maging pagbabanta sa buhay ng mga pangunahing lider tulad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., isang kapansin-pansing pagkilos ang isinagawa ng Iglesia ni Cristo (INC).
Sa isang rally na tinaguriang “peace rally,” nagtipon ang higit sa isang milyong miyembro mula sa iba’t ibang lungsod sa bansa dala ang mensahe ng kapayapaan at pagkakaisa. Ngunit kung susuriin nang mas malalim, ang rally ay malinaw na naglalayong pigilan ang mga mambabatas na ituloy ang impeachment laban kay Duterte.
Sa ganitong konteksto, mahalagang tanungin: Tunay bang kapayapaan ang kanilang panawagan o isa lamang itong paraan upang protektahan ang mga nasa kapangyarihan?
Sa Bibliya, ang ganitong kilos ay nagbabalik sa kuwento ni Hananiah sa Jeremias 28. Si Hananiah, isang bulaang propeta, ay nagbigay ng maling katiyakan ng kapayapaan sa bayan ng Judah, taliwas sa babala ni Jeremias tungkol sa paparating na paghuhukom ng Diyos. Ang kanyang mensahe ay nagdulot ng pagkakampante sa halip na pagbabalik-loob.
Sa parehong paraan, ang rally ng INC ay nagdadala ng tila mabuting panawagan, ngunit maaaring nagtatago ito ng isang layunin na higit na pampolitika kaysa maka-Diyos. Tulad ng sinabi ni Hesus sa ebanghelyo ayon kay Mateo, makikilala ang mga bulaang propeta sa kanilang bunga, ang epekto ng kanilang mga kilos sa lipunan. Hindi maitatatag ang tunay na kapayapaan kung hindi hinaharap ang katotohanan at hustisya.
Bagaman idineklara ni Marcos Jr. na hindi siya interesado sa impeachment at sinabing wala itong maidudulot na mabuti sa mga Pilipino, marami ang nagdududa sa posisyong ito.
Ang tanong ng nakararami: Kapag ba hindi inimbestigahan ang mga alegasyon, ito ba’y magdudulot ng pagkakaisa o magpapalalim lamang ng kultura ng impunidad?
Ayon sa Bibliya, walang tunay na kapayapaan kung walang katarungan. Sa Amos 5:24, ipinahayag, “Hayaang umagos ang katarungan tulad ng isang ilog, at ang katuwiran tulad ng isang hindi nauubos na batis.” Kung walang hustisya, ang kapayapaan ay nagiging hungkag na pangako na nagtatakip sa mas malalalim na sugat ng lipunan.
Sa mahabang kasaysayan ng Pilipinas, hindi na bago ang paggamit ng relihiyon upang impluwensiyahan ang politika. Gayunpaman, nararapat tandaan na ang pananampalataya ay hindi dapat gamitin upang palakasin ang mga makasariling interes. Ang papel ng pananampalataya ay magsilbing gabay tungo sa katotohanan, hindi upang isantabi ito.
Ang rally ng INC ay maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak sa halip na pagkakaisa, lalo kung ito’y magbubunga ng kawalang aksiyon sa harap ng malalaking isyu ng katiwalian. Tulad ng sinabi ni Jeremias, ang pagbibigay ng huwad na katiyakan ng kapayapaan ay hindi lunas sa problema kundi nagpapalubha pa rito.
Sa ganitong panahon, kailangang maging mapanuri ang bawat Pilipino. Hindi ito usapin ng pagiging maka-aliwansa o maka-oposisyon. Ito ay tungkol sa pagkilala kung ano ang tama at makatarungan.
Ang impeachment ay hindi isang laro ng politika kundi isang mekanismo upang panagutin ang mga nasa posisyon. Kung may kasalanan, kailangang lumabas ang katotohanan; kung wala, kailangang linisin ang pangalan ng inaakusahan sa tamang proseso.
Hindi maiiwasan na ang mga makapangyarihan ay magtatangkang gamitin ang pananampalataya upang ilihis ang atensiyon ng bayan mula sa mga mahahalagang isyu. Ngunit dapat tayong tumindig para sa prinsipyo ng hustisya.
Ang pagkakaisa na itinayo sa kasinungalingan ay panandalian lamang; ang pagkakaisang nakabatay sa katotohanan ay pangmatagalan. Tulad ng matibay na paninindigan ni Jeremias laban sa huwad na katiyakan ni Hananiah, panahon na rin upang tumindig ang mga Pilipino sa katotohanan, anuman ang maging kahihinatnan.
Ang panawagan ng kapayapaan ay dapats sabayan ng panawagan ng hustisya. Kung nais ng bansa ang tunay na pagkakaisa, kailangan nitong harapin ang katotohanan nang buong tapang. Tulad ng sinabi ni Hesus Sa Mateo 8:32, “Malalaman ninyo ang katotohanan, at ang katotohanan ang magpapalaya sa inyo.”