Impeachment ni Duterte, suportado ng mga progresibo
Ani Bayan Muna Partylist first nominee Neri Colmenares, hindi sila mangingimi na suportahan ang mga isasampang reklamong impeachment dahil sa mga maanomalyang paggamit ng pondo na ginawa ni Sara Duterte.
Susuportahan ng Makabayan Coalition ang reklamong impeachment laban kay Pangalawang Pangulong Sara Duterte dahil sa maanomalyang na paggasta sa pondo ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) sa ilalim ng kanyang pamumuno.
Ani Bayan Muna Partylist first nominee Neri Colmenares, hindi sila mangingimi na suportahan ang mga isasampang kaso dahil sa “betrayal of public trust” na ginawa ni Duterte na isa sa mga batayan para sa reklamong impeachment laban sa mga pinakamatataas na opisyal ng gobyerno.
Suportado rin ng iba’t ibang progresibong grupo ang panawagang impeachment laban sa pangalawang pangulo dahil sa mga hindi maipaliwanag na paggamit ng pondo ng OVP at DepEd.
“Malinaw po sa mga ulat ng COA (Commission on Audit), malinaw doon sa kanyang paggastos ng kanyang opisina, hindi s’ya karapat-dapat na manatili pa sa puwesto,” wika ni Bagong Alyansang Makabayan secretary general Raymond Palatino.