#KuwentongKabataan

Ipagpapatuloy na pangako, kahit sila na’y yumao 


Nakakapanghina sa puso na mabuhay na walang ibang kasamang pamilya upang palakasin ang loob mo habang nakikipagsagupaan sa pang araw-araw na hirap sa ating lipunan.

Ang lolo’t lola ko ang naging sandigan ko sa lahat ng aspekto ng aking buhay. Hindi man sila ang aking tunay na mga magulang, sila ang nagpalaki sa akin mula noong sanggol pa lang ako at ginawa nila ang lahat ng kanilang makakaya upang mabigyan ako ng magandang kinabukasan.

Sa kabila ng pag-aalaga nila sa akin nang halos dalawang dekada, madalas nila akong pinaghahanda sapagkat maaari silang mawala rito sa mundo anumang oras. Nauna kaming iwan ng aking lolo noong 2016 nang yumao siya sa edad na 84. Nagdulot ng labis na lumbay sa amin ni lola ang kanyang pagkawala.

Lumipas ang mga taon at kami na lang ng aking lola ang magkasama sa isang maliit na apartment at siya ang nanatili upang matulungan akong makaabot ng kolehiyo.

Isang taon na lang at makakapagtapos na ako. Naisip ko na maaari ko nang magantihan ng mabuti ang lahat ng sakripisyo ng aking lolo’t lola ‘pag nakapagtapos na ako.

Sa kasamaang palad, sinugod ang aking lola sa ospital nitong Agosto. Nagmadali ako upang mapuntahan siya. Nadatnan ko siya sa kuwarto kung saan siya naka-confine na nakahiga na parang hinang-hina na.

Kinausap ko siya at ang sabi niya sa akin, “Sandali na lang at makikita ko na uli ang lolo mo.” Nakakapanghina marinig ng mga salitang iyon sapagkat inisip ko na nagpapahiwatig ito na iiwan na rin ako ni lola. 

Lumipas ang ilang araw ngunit hindi na muling namulat sa pagkatulog ang aking lola dulot ng kaniyang mahinang puso.

Hanggang sa sandaling ito, hindi ko pa rin matanggap ang kaniyang pagkawala lalo na’t hindi man lang ako nakabawi sa lahat ng mabuting ginawa niya para sa akin. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na manatili sa tabi niya hanggang sa kaniyang huling paghinga.

Naaalala ko pa na nangako ang aking lola na aantayin niya akong makapagtapos ng pag-aaral at akin namang ipinangako na isasama ko siya sa ibang bansa upang manirahan ng mas mapayapa at magarbo. Pero mukhang hindi ko na matutupad ang pangako na iyon.

Hindi na bago sa akin ang mahirapan sa pagtatrabaho habang nag-aaral. Kinaya kong magkaroon ng part-time na trabaho habang kumukuha ng mga komisyon ng sanaysay o drawing, at magpursigi na makapagtapos na summa cum laude.

Ngunit iba na ang pakiramdam ngayon, nakakapanghina sa puso na mabuhay na walang ibang kasamang pamilya upang palakasin ang loob mo habang nakikipagsagupaan sa pang araw-araw na hirap sa ating lipunan.

Sa kabila ng lahat, tuluyan ko pa rin na hinihikayat ang aking sarili na tapusin ang huling taon ko sa kolehiyo upang sa huli’y makamit ang aking mga pangarap.

Naniniwala ako na kahit wala na sa aking piling ang aking lolo’t lola, gugustuhin pa rin nila na aking makamit ang aking diploma, mabuhay ako ng masaya at pahalagahan ang aking mga alaala kasama nila, sapagkat sa kanila ko naramdaman ang pagmamahal ng mga magulang.