Kadiliman vs Kasamaan
Maraming salik kung bakit nagiging mabuti at masama ang isang tao. Sa akin naman, maaaring tingnan ito sa pinagmulang uri bukod sa mga iba pang salik ng kanilang pagkatao tulad ng kinalakhang tahanan at kapaligiran, pamilya, kasarian, at iba pa.
Tawang-tawa tayo sa isang viral bidyo ng mga tagasuporta ng mga Duterte matapos isigaw ni Harry Roque na, “Hindi na po ‘to laban ng Duterte at Marcos. Ang laban po ngayon ay puwersa ng kadiliman laban sa puwersa ng…” na sinagot naman ng mga dumalo ng, “kasamaan!” Tunay ngang labanan na ito ng kadiliman at kasamaan—Duterte at Marcos—na nag-aagawan sa posisyon at kapangyarihan.
Natapos na ang UniTeam at ipinangangalandakan na ni Sara Duterte na hindi sila magkaibigan ni Marcos Jr. Ngayon, tila pinalalabas ng dalawang kampo na ito ay labanan na ng kasamaan at kabutihan. Ang tanong, sino ang mabuti at masama kung kapwa naman sila nagsusulong ng mga kontra-mamamayang patakaran, naduduwag sa Tsina at Amerika, sinasaid ang kaban ng bayan, pinapaboran ang mga mayayaman at politiko (hello, Alice Guo), at patuloy na nagpapahirap sa bayan?
Pag-usapan natin ang konsepto ng kabutihan at kasamaan. Ayon kay Steve Taylor, isang sikolohista sa Estados Unidos, ang pagiging mabuti ay hindi pagiging makasarili, samantalang ang pagiging masama naman ay kawalan ng kakayahang makiisa at makiramdam sa iba.
Kaya naman ng lahat ng tao na maging mabuti at magmalasakit at sa isa o maraming punto ng buhay natin, nagmamalasakit tayo, tumutulong at umaagapay. Natural na katangian daw ng mga Pilipino ang maging mapagmalasakit at tumulong sa anomang paraan. Mabilis tayong magbigay ng tulong at suporta kung kinakailangan, lalo na kapag may sakuna o disaster. Sapat na ba ‘yon para matawag na mabuti? Maaaring oo, pero komplikado rin ang konsepto ng kabutihan at kasamaan.
Fluid o nagbabago ang katangian ng mga tao, gayon din ang pagiging mabuti at masama. Palagi nga nating sinasabing may kabutihan pa rin naman ang bawat isa sa atin kahit gaano tayo kasama.
Maaaring mabuti si Sara Duterte sa kanyang pamilya at sa mga kababayan sa Davao, pero masama sa paghingi ng P10 milyon para sa isang libro o sa paggasta ng P125 milyon sa loob ng 11 araw. Maaaring mabuti si Marcos Jr. sa kanyang pamilya’t kababayan sa Ilocos kahit ‘di siya marunong mag-Ilokano pero masama sa mga serye ng pagdukot at pamamaslang sa mga aktibista.
Ang punto ni Taylor ay komplikado ang pagtuturing na simple sa konsepto ng kabutihan at kasamaan; hindi ito pula at puti. Maraming salik kung bakit nagiging mabuti at masama ang isang tao. Sa akin naman, maaaring tingnan ito sa pinagmulang uri bukod sa mga iba pang salik ng kanilang pagkatao tulad ng kinalakhang tahanan at kapaligiran, pamilya, kasarian, at iba pa.
Tingnan natin ang kabutihan sa ganito: ang taong mabubuti ay may totoong pagmamalasakit at may kakayahang makiramdam at makiisa nang walang pansariling interes o ambisyon o walang pansariling motibo. Ang masasamang tao naman’y yaong nagkukubli sa pagiging mabuti para maisakatuparan ang kanilang pansariling interes.
Inilarawan sila ni Taylor bilang mga makasarili, mayabang at narsisistiko. Anomang ginagawa nila para sa iba ay may inaasahang balik para sa kanilang pansariling lugod kaya nga nariyan ang mga diktador tulad nina Hitler at Marcos Sr., gayon din ang mga kriminal at mandarambong (huwag na tayong maglista ng halimbawa).
Nakikiisa ako sa sinabi ni Taylor na ang kabutihan ay nagpapakita ng halaga at pagpapahalaga sa pagkatao at pagiging tao, samantalang ang kasamaan ay pagtalikod dito at pagsunod sa makasariling interes.
Ibig bang sabihin nito, hindi na puwedeng magkaroon ng character development ang mga tao? Posible naman ito—siguro. Nagbabago naman ang tao at fluid din naman ang ating pag-uugali.
Huwag lang tayong masyadong umasa, lalo pa kung nananalaytay pa rin sa dugo ng isang tao ang kanyang makasariling interes. Magbigay tayo ng malinaw na halimbawa—si Harry Roque—mula sa pagiging abogado ng human rights, ano na nga ba ang inabot niya ngayon?