Pop Off, Teh!

Kahit na konting awa 


Nanalasa ang bagyo at malalakas na pag-ulan sa maraming probinsiya. Katulad na naman ito ng matagal nang problema sa baha pero sa totoo’y may mas malalim na ugat.

Noong kabataan ko, natutuwa ako kapag nagsususpinde ng klase. Sino ba naman ang may ayaw na makapagbakasyon para maglaro, manood ng telebisyon at kung ano-ano pa? Dati-rati, naghihintay pa naman talaga ng bagyo—madalas, Signal No. 1 o 2 para masuspinde ang klase. Minsan nga, kahit Signal No. 2 na, wala pa ring ulan pero maagap pa rin ang pagsuspinde ng klase. 

Nagbago na ang panahon at kahit walang bagyo, nagdedeklara na ng #WalangPasok ang mga pamahalaang lokal bilang tugon sa forecast ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).

Sa bagong sistema, maaari nang magdeklara ng suspensiyon ng klase kapag malakas ang ulan—kapag nasa orange o red ang rainfall warning. Kung wala namang orange o red rainfall warning, nasa panig na ng Department of Education (DepEd) na ang kapasyahan. 

Apat na araw na walang pasok sa ilang siyudad at munisipalidad dulot ng habagat at ng bagyong Enteng. Nanalasa ang bagyo at malalakas na pag-ulan sa maraming probinsiya, kabilang na ang Rizal at mga karatig nitong siyudad tulad ng Marikina na binaha nang malala. Katulad na naman ito ng matagal nang problema sa baha pero sa totoo’y may mas malalim na ugat.

Sa unang tatlong araw—Lunes, Martes, at Miyerkoles—naideklara ang National Capital Region (NCR) na walang pasok dahil sa malalakas na ulan at hangin, at siyempre, sa pananalasa ng baha. Ngunit bandang Huwebes, may tatlong lugar sa NCR na hindi nagdeklara ng suspensiyon ng klase—Pasig, Makati at Quezon City (QC). Bakit kaya, gayong pabugso-bugso ang ulan at malalakas pa rin ang hangin? 

Katulad ng marami, sinusundan ko ang pahina ng QC Government upang makibalita. Madali akong mabahala dahil sa nakaraang karanasan namin sa baha at nag-aalala ako kung paano ulit maghahanda. Napansin kong umaabot na ng daan-daan ang komento sa mga paalala ng pamahalaang lokal, iisa ang tanong: Kailan kayo magsususpinde?

Hanggang sa dinagsa na ng komento ang pahina, halos galit na ang tono ng mga tao. Siguro’y hindi na nakayanan ng social media manager ng QC Government ang mga komento at mga angry reax, hayun, nagsara na ito ng comments’ section! Gumabi na’t lahat, walang deklarasyon. 

May punto naman na hindi magsuspinde kung tutuusin ang mga pamahalaang lokal—yellow lang daw ang warning at hindi na katulad ng mga nagdaang araw na matindi ang pag-ulan. Ngunit hindi lang ito palagi “tama.”

Kung minsan, mahalaga ring tingnan ang pagmamalasakit. Totoo namang nasasakripisyo ang edukasyon ng mga bata kapag walang pasok. Kaya lang, ‘yon nga lang ba talaga ang dahilan at ang pinakamabuting hakbang?

Marami sa mga pamilya ang binaha. Marami rin ang hirap makadaan, hindi man sila binaha, sa mga kalsadang naapektuhan naman ng baha. Saka mahirap sumakay kapag malakas ang ulan—mahal ang pamasahe, dagsa at balyahan ang mga tao—kung talagang naiisip ng mga namumuno ang kapakanan ng mga bata, bakit hindi man lang nila binigyan ng panahon upang makabangon man lang ang mga nasalanta?

Higit sa lahat, kung talagang gusto na nilang magbalik ang klase, sana ay nag-anunsiyo na lang sila na “may pasok” sa halip na naghintay ang mga tao nang ilang oras (hindi na nga raw makatulog ang mga bata sa paghihintay). Isang kalupitan ang pagkakait ng sapat na impormasyon.

O baka naman sa ngalan pa rin ito ng pagdaloy ng kita kaya hindi nagsuspinde ng klase? Kapag lumalabas ang mga tao—pumapasok—kumikita rin ang mga negosyo, lalo na ang mga naglalakihang negosyo at siyempre, kikita rin ang mga pamahalaang lokal sa porma ng mga buwis, permiso at kung ano-ano pa.  

Simple lang naman ang maging mapagmalasakit—ang tingnan ang kalagayan at hindi palaging tindigan kung ano ang sa tingin ng namumuno ay tama. Kung talagang nagmamalasakit, hindi ilalagay sa nakabibiting sitwasyon ang mga taong naghihintay. Sabagay, ano nga ba ang aasahan kung mismong sa mga namumuno nga sa pambansang antas, inuuna ang ibang bagay katulad ng pag-groufie sa mga kawatan?