Komentaryo

Kristiyano ako at sinusuportahan ko ang Makabayan senatoriables


Huwag tayong manlumo at magduda sa paunang kalagayan. Kung kapiling ngayon si Hesus, kilalanin natin Siya sa masa at magbigay tayo ng tiwala sa masa gaya ng Kanyang ginawa.

Nang nag-anunsiyo ang Koalisyong Makabayan ng senatoriables para sa halalang 2025 nakaraang Ago. 26, may mga nagduda kung nararapat ba silang tumakbo. Sinasabing sila’y mga magsasaka, mangingisda, manggagawa at maralita na mga walang pera, mga walang pinag-aralan kuno. Kahibangan daw at walang patutunguhan ang ganitong pagtahak sa politika.

Marami naman nang nagtanggol at nagpahayag ng suporta. At bilang Kristiyano, nais ko rin silang bigyang-suporta: Hindi ba ang mga piniling disipulo ni Kristo ay mula rin sa hanay ng mga batayang masa at ng iba pang sektor sa laylayan? Hindi ba ang mga piniling disipulo ay ang mga inuusig at pinagsasamantalahan sa lipunan? Hindi ba ang mga piniling disipulo ay nagsimula lang sa iilan, ngunit dumami dahil sa kawastuhan ng pananalig at ipinaglalaban? 

Ang mga unang disipulo, sina Simon Pedro at Andres, ay mula sa hanay ng mga mangingisda. Si Simon ng Cirene, na nagbuhat ng krus ni Hesus, ay mula sa kanayunan. Marami ring ordinaryong kababaihan ang kinatuwang ni Hesus at tumuwang sa Kanya. Mismong si Hesus, na sentro ng ating tiwala at pananampalataya, ay mula sa uring manggagawa.

Ang mga katangiang ito’y kabaligtaran sa mga paulit-ulit na tumatakbo sa halalan—mga pare-parehong pangalan ng mga makapangyarihan at gahaman na sa katunayan ay nagsasamantala at nagpapahirap sa mga Pedro, Simon, Maria, Andres at Hesus ng modernong panahon.

Mula sa Mateo 25:40 at sa napakarami pang patibay sa Bibliya, makikita nating pinakakinikilala si Hesus sa hanay ng mga masa. At ang pagtakbo ng mga kinatawan ni Kristong masa ay, sa katunayan, pagsasabuhay ng hangaring ipahayag ang Mabuting Balita sa mga pinagsasamantalahan, maging mamamalakaya ng sambayanan, at bitbitin ng krus ng mga inaapi.

Kinukuwestiyon ang “naabot” na pinag-aralan at kakayahan ng mga nasa Makabayan. Ganoon din naman ang naging pagdududa ng kalakhan noon kay Hesus at sa Kanyang mga disipulo at ang pagdududa ay humantong pa nga sa pagpapahirap sa kanila.

Ngunit napatunayan naman sa maraming halimbawa sa Bibliya na sa kabila ng pagharap sa makapangyarihan, sa matatayog at kahit sa imperyo, ang mga simpleng tao rin naman ang kolektibong humarap at nagtulungan, nagpaparami ng kakampi upang harapin ang mga tiwaling pinuno at sistema.

At sa track record ng Makabayan senatoriables, sa mahabang panahon ng kanilang aktibismo, pagtatanggol sa karapatang pantao, pakikibaka para sa mga demokratikong karapatan, makamasang pag-aaral at pagsusuri ng lipunan, pagtataguyod ng integridad at prinsipyo, at pagharap sa imperyo, sila ang kinakikitaan nating nagsasabuhay ng mga turo at gawain ni Kristo.

Ang Makabayan senatoriables ang pinakasari-sari at pinakamakamasang senatorial slate sa kontemporaneong politikang Pilipino. Gaya ni Kristo at ng Kanyang mga disipulo, batid nila na ang pagsusumikap nila ay hindi para sa kanila kundi pagpupunla ng tunay na pagbabagong panlipunan kasama ang at para sa kapuwa masa.

I daresay, kung boboto si Kristong masa sa susunod na halalan, wala Siyang ibang pipiliin kundi magsasaka, manggagawa, mangingisda, guro, tanggol-kababaihan, manunulat, tanggol-migrante, nars, maralita at tsuper. Kumbaga, sa panahon ng tumitinding kahirapan at paglabag sa karapatang pantao na idinulot ng tiwali, pahirap at gahamang pamumuno, wala ring maaasahang dapat piliin ang masa kundi ang kanyang kapwa masa na tunay na nakababatid ng kanyang mga karanasan at ng kanyang mga tunay na hangarin.

Mukhang totoo nga ang sinabi ni Harry Roque: may labanan ng puwersa ng kadiliman sa puwersa ng kasamaan. Kaya anumang slate ang ibato ng nag-aaway na pangkating Marcos at Duterte, bakit hindi piliin ang kaliwanagan at kabutihan? Bakit hindi piliin ang Makabayan?

Walang ibang ipinahayag si Kristo kundi alternatibo—alternatibo laban sa pagsasamantala, alternatibo laban sa kahirapan, alternatibo laban sa imperyo. Ito pa rin ang iginigiit natin ngayon bilang nagdarahop na mamamayang Pilipino: mga makabansa at makademokrasyang alternatibo.

Huwag tayong manlumo at magduda sa paunang kalagayan. Kung kapiling ngayon si Hesus, kilalanin natin Siya sa masa at magbigay tayo ng tiwala sa masa gaya ng Kanyang ginawa.

Sa panahon ng kadiliman at kasamaan, manalig at lumaban para sa pambansa at demokratikong hangarin! Bilang pamayanang Kristiyano, tumindig tayo na ang dapat manaig ay ang Makabayang taumbayan!