Manggagawang may HIV, maaari bang tanggalin sa trabaho?
Sa kasong ito, tinanggal sa trabaho ang isang migranteng manggagawa dahil nagpositibo siya sa HIV. Makatuwiran at makatarungan ba ito?
Ang sakit ay maaaring maging sanhi para matanggal ang isang manggagawa sa kanyang trabaho ayon sa Labor Code of the Philippines.
Kapag napatunayan na ang manggagawa ay may sakit na makakaapekto sa kanyang kalusugan o sa kalusugan ng kapwa niya manggagawa o ‘di kaya ang patuloy niyang pagtatrabaho ay ipinagbabawal ng batas, maaaring tanggalin ang isang manggagawa sa kanyang trabaho.
Binabanggit din ng Labor Code na maaari lang matanggal ang isang manggagawa kapag may patunay mula sa isang ospital o doktor na ang kanyang sakit ay hindi gagaling sa loob ng anim na buwan na gamutan.
Ngunit kapag ang sakit ng manggagawa’y maaaring gumaling sa anim na buwang gamutan, siya’y hindi dapat matanggal sa kanyang trabaho kundi pagbabakasyunin lang ng ng kanyang amo o kompanyang pinagtatrabahuhan. Kapag bumalik na sa dati ang kanyang kalusugan, obligado ang kanyang pinagtatrabahuan na ibalik siya sa kanyang trabaho.
Paano kung ang kanyang nararamdaman ay sintomas pa lang at hindi pa talagang sakit? Maaari na ba siyang tanggalin sa kanyang trabaho?
Tinatalakay ito sa kasong “Bison Management Corporation vs. AAA and Pernito” (G.R. No. 256540) na hinatulan ng Korte Suprema noong Peb. 14, 2024.
Sa nasabing kaso, nagsimulang magtrabaho ang manggagawang si alyas “AAA” bilang tagapaglinis sa Saudi Arabia noong Oktobre 2017. Napasok siya sa trabahong ito dahil sa isang recruitment agency kung saan nakakontrata siya nang dalawang taon.
Noong Enero 2019, pagkatapos ang 15 buwan na pagtatrabaho ay dumaan si AAA sa isang routine medical examination na hinihingi ng kompanya sa mga empleyado nito. Dito napatunayang positibo sa human immunodeficiency virus (HIV) si AAA .
Ang HIV ay nakaapekto sa ating immune system sa pamagitan ng pagsira nito sa ating white blood cells na tumutulong sa ating katawan upang labanan ang mga sakit. Kapag lumala ang ating HIV infection at ito ay umabot na sa huling bahagi, ang tawag dito ay acquired immunodeficiency syndrome (AIDS). Nangyayari ito kung sira na ang immune system ng ating katawan dahil sa HIV.
Ngunit hindi lahat ng HIV infection ay nauuwi sa AIDS. Maaari kang magkakaroon ng HIV ngunit maaari pa ring magkaroon ng normal na buhay. Dahil sa mga modernong gamot sa kasalukuyan, ang HIV ay maaaring hindi na lumalala pa upang maging ganap na AIDS.
Hindi rin lubhang nakakahawa ang HIV. Hindi mahahawa ng virus na ito ang isang tao sa pamamagitan lang ng pakikipagsalamuha sa mga taong positibo sa HIV.
Gayunpaman, tinanggal pa rin si AAA ng kanyang pinagtatrabahuhan sa Saudi Arabia. Wala siyang nagawa kundi ang umuwi na lang sa Pilipinas. Sa batas kasi ng Saudi Arabia, ang isang HIV positive na manggagawa ay hindi na dapat magtrabaho at maaari nang tanggalin.
Dumating sa Pilipinas si AAA noong Pebrero 2019. Agad siyang nagsampa ng kasong illegal dismissal at money claims laban sa ahensiya at sa kompanya na kumuha sa kanya.
Sa kasamaang palad, binasura ng Labor Arbiter ang kaso ni AAA sa illegal dismissal bagaman inutusan nito ang ahensiya at kompanya na bayaran ang hindi pa bayad na sahod ni AAA kasama na ang kanyang holiday pay.
Hindi katanggap-tanggap kay AAA ang nasabing desisyon kaya’t nag-apela siya sa National Labor Relations Commission (NLRC). Binaliktad naman ng NLRC ang desisyon ng Labor Arbiter at pinanalo si AAA. Nag-utos ang NLRC na bayaran ang natirang sahod ng manggagawa, kasama na ang kanyang danyos, pati na ang bayad sa kanyang abogado.
Ang ahensiya naman ngayon ang umakyat sa Court of Appeals. Ngunit ganoon pa rin ang desisyon ng Court of Appeals at panalo pa rin si AAA. Kaya napilitang umakyat sa Korte Suprema ang ahensiya.
Sa naging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, kinatigan pa rin nito si AAA at hindi binago ang desisyon ng Court of Appeals. Binanggit ng Korte Suprema na labag sa ating batas ang pagtanggal sa isang manggagawa na ang tanging batayan ay ang kanyang pagiging HIV positive.
Sang-ayon ito sa Section 49 (a) ng Republic Act 11169 na nagsasabing bawal tanggalin sa trabaho ang isang empleyado kung ang tanging batayan ng kanyang pagkatanggal ay dahil sa siya’y HIV positive.
Sa ating Labor Code, sinasabi na ang sakit ay maaaring maging dahilan upang ang isang empleyado ay matanggal sa kanyang trabaho.
Ngunit isipin natin na ang pagiging HIV positive ay hindi pa matuturing na isang sakit. Ito ay matuturing na sakit kung inabot na nito ang pinakahuling yugto, ang yugto ng AIDS.
Ngunit sa kaso ni AAA, hindi pa naging AIDS ang kanyang sakit, HIV infection pa lang. Sa madaling sabi, wala pang dahilan ang kompanya para tanggalin si AAA.
Isipin natin na ang karapatan sa kaseguruhan sa trabaho ay binibigay ng ating Saligang Batas sa lahat ng manggagawa, lokal man o overseas.
Sa Seksyon 3, Artikulo XIII ng ating Saligang Batas, ito ang sinasabi :
“Dapat magkaloob ang Estado ng lubos na proteksyon sa paggawa, sa lokal at sa ibayong dagat, organisado at di organisado, at dapat itaguyod ang puspusang employment at pantay na mga pagkakataon sa employment para sa lahat.”
Sa kaso ng Princess Talent Center Production, Inc. vs. Masagca (April 11, 2018) ay sinabi ng Korte Suprema na ang karapatan sa kaseguruhan sa trabaho na binabanggit ng ating Konstitusyon ay karapatan din ng mga overseas Filipino worker (OFW).
Ang mga manggagawa ay hindi nawawalan ng karapatan sa kaseguruhan sa trabaho dahil lamang sila ay nasa ibang bansa.
Maging anuman ang batas sa Saudi Arabia, ang batas ng Pilipinas pa rin ang dapat masunod sapagkat Pilipino si AAA at ang kompanyang kumuha sa kanya ay nasa Pilipinas din.
Dahil dito, si AAA ay may karapatan pa rin sa kaseguruhan sa trabaho at ang ginawang pagtanggal sa kanya ng kompanya sa trabaho dahil siya ay HIV positive ay walang sapat na dahilan at labag sa ating batas na dapat masunod rin sa ibang bansa.
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon laban kay AAA at pinairal ang hatol ng Court of Appeals. Kaya pagkatapos nang ilang taong laban, panalo pa rin ang OFW.